Friday, April 25, 2008

Sana Ikaw Na Lang Si Maja Salvador

Dahil limang piso lang ang kailangan at updated na ako sa iyo. Hindi ko na kailangang umupa pa sa Netopia tuwing weekend para maghintay sa mga kuwento mo.

Dahil saan mang lipat ko ng channel sa telebisyon ay makikita na kita. Hindi ko na kailangang dumaan pa sa butas ng protozoa para lang masulyapan ka.

Dahil isang {keyword} space ON and then send to 2366 lang ay magtetext ka na. Hindi ko na kailangang maghintay pa sa message mo na ‘di mo naman ipapadala.

kamtutinkopit, huwag na lang…

Dahil ang tabloid na bibilhin ko ay puro tsismis lang ang nakasulat. Dahil isang palabas lamang ang pagkatao na ipapakita mo sa tv. Dahil kalokohan ang isang artista na ang textmate ay ang buong Pilipinas.

Maghihintay na lang uli ako sa madalang na pagpaparamdam mo sa akin...
















BUZZ!!!

Thursday, April 24, 2008

April 24 Ngayon!



Kaarawan ng aking minamahal na mother ngayon at siyempre kailangang katangi-tangi ang post ko.

Alam ko na hindi siya nagbabasa ng mga inilalathala ko sa blogosperyo dahil marami siyang pinagkakaabalahan sa buhay na mas importante (at para na rin sa aming ikabubuhay). Subalit nararapat lang na ipaalam ko sa mga sumusubaybay (at para namang meron ) sa blog ko kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ko ipinagyayabang ang mga nagawa at ginagawa niya para sa aming pamilya.

Ang mama ko ang tao na may pinakamahabang pasensiya sa mundo. Noong musmos na batang paslit pa lamang ako ay nasa siko ang isang mata ko, nasa kanang hintuturo ang bibig ko at ang kili-kili ko ay naman nasa tuhod. Ngunit sa kabila nito ay pinagtiyagaan niya ako at unti-unting hinubog na maging tao. Nabago niya ang pagiging halimaw ko. Pinalaki niya ako na may tiwala at pagmamahal sa sarili. Tinuruan niya ako nang tamang paggalang, respeto at pakikitungo sa kapwa.

Ang nanay ko ang pinakaunang tao na pumigil sa akin na mag-artista. Hindi naman raw sa pangit ako. Ayon sa kanya, kayang-kaya ko naman raw pantayan ang pagmumukha ni Clint Howard (tingnan ang larawan sa baba) ngunit ayaw niya na makarinig ng mga tsisimis na nag-uugnay sa akin sa iba’t ibang mga babae. Iyong tipong ngayon ay napapabalita na lumalabas raw kami ni Angel Locsin tapos sumunod na linggo ay kami na raw ni Marian Rivera. Isang buwan pa siguro at posibleng iulat na kasal na kami ni Scarlett Johansson. Ayaw lang niyang mabahidan ng mantsa ang aking good boy image. Sumasang-ayon naman ako doon.


Clint Howard

Okay, balik tayo sa realidad.

Masayang masaya ako at siya ang aking naging ilaw ng tahanan. Sa kabila ng aking pagiging sakit sa ulo at sa dinami-rami ng aking mga pagkukulang sa kanya, hindi niya naisipang paluhurin ako sa unan na naglalaman ng bubog at sa halip na pamamalo ng latigo at pagbuhos ng asido sa puwit ay binusog niya ako sa sermon at pangaral. Inakay niya ako sa mga lansangan ng buhay nang wala man lang hinahanap na kapalit.

Tulad nga ng sinabi ko kanina, dito ko ipapaalam sa lahat ang iyong kabutihan at pagmamahal na halos lunurin ako. Kulang na kulang ang space ng blog na ito para maipahayag ang pagmamahal ko sa iyo. Higit pa sa bilang ng mga letra sa post na ito ang bilang ng mga sakripisyo na nagawa mo para sa amin. Saludo po ako sa iyo. Mahal na mahal ko po kayo.

Kaya para sa iyo ‘Ma, happy birthday po! Paburger ka naman! Burger! Burger!

Monday, April 21, 2008

Paano Mo Mapapasaya Ang Isang Robot?



Mababaw lang ako. Hindi ako mahilig bumili ng mga magarang bagay o gumastos nang pagkalaki-laki para lang sumaya. Makakita lang ako ng old couple na magkasamang tumatawid (at inaalalayan pa ni lolo si lola) ay tumutulo na ang luha ko. Maramdaman ko lang ang sariwang hangin sa gitna ng aserong gubat na ito ay napapapikit ako dahil pakiramdam ko ay nasa alapaap na ako. Ganyan ako kababaw pero hindi ko ito ikinahihiya. Simple pero rock.

Isa ako sa mga nilalang na umaaligid sa mga gusali sa Makati tuwing sasapit ang gabi. Ilang linggo na rin akong ganito pero naninibago pa rin. Magkasalungat ang umaga at gabi ko sa karamihan sa inyo. Ang oras nang pagkain ko ng breakfast ay alas-siyete ng gabi. Ang evening news ko ay Magandang Umaga Bayan. Napapasayaw na nga ako sa Locomotion ni Ogie Diaz pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. Promise. Naranasan ko na rin ang magpuyat sa tanghali.

Minsan, napaaga ang gising ko pero dahil sa katamaran ay natulog uli ako. Nang muling magising, ilang minuto na lang at late na ako sa opisina. Olispagetingsyet! Simbilis ng ninja turtle na natatae ang mga kilos ko at upang mapadali ang biyahe ay pumara ako ng taxi.

ako: ‘Gandang umaga manong. Sa Makati lang ho…

taxi driver: Gabi na.

ako: Ay sorry. Gandang gabi ho. Pasensiya na. haha.

taxi driver: Sa call center kayo?

ako: Hindi po, nagpapanggap lang akong rebulto sa kalsada.

taxi driver: Ayos yan. Kaya pala mukha kang sunog! Haha!

ako: (Gago ‘to ah!)... Hehe. Musta naman biyahe ngayong araw? Boundary na ho ba?

taxi driver: Malapit na. Dalawang oras pa siguro may maiuuwi na ako.


“Everybody dance now! Jent. Jent. Jent-jen-jent jen...”

Biglang tumunog ang message tone ng cellphone ko at panandaliang naputol ang usapan namin ni manong. Matapos akong magreply sa nagpadala ng text sa akin at iset sa silent mode ang istorbong gadget ay napansin ko na biglang nagbago ang mood ng driver.

taxi driver: ‘Lam mo matagal-tagal na rin bago may bumati sa akin na pasahero.

ako: Ano po ang ibig niyo sabihin?

taxi driver: Iyong kanina, binati mo ako ng magandang umaga tapos kinorek kita.

ako: Ahhh… wala ho iyon.

taxi driver: Naku, sa aming mga driver, mabigat iyon. Kahit papaano ay nakakaramdam kami ng paggalang doon. Sa tagal ko sa trabahong ito, bibihira ang magsabi ng good day o kamusta man lang. Kadalasan nga ang trato sa amin ay parang walang buhay.

Kinailangan kong mag-isip ng malupit at makabuluhan na tugon sa sinabi ni manong. Isang sagot na ang mensahe ay makakaabot sa mga kabataan ng makabagong henerasyon. Isang banat na gagamiting battle cry ng mga human rights activists sa kanilang mga rallies. Isang hirit na tatatak sa isipan ni manong at magpapabango sa aking pagkatao.

ako: Ah…

taxi driver: Hindi naman sa demanding, pero sana sa tuwing sasakay ka sa taxi ay batiin mo ang driver. O kaya magpasalamat ka sa paghatid. Nakakagaan ng loob kasi. Ano nga pala pangalan mo?

ako: Scott Summers.

Ilang gabi pa ang lumipas, nahuli na naman ako nang gising. Pero masaya ako. Alam kong may matutuwa na namang driver. Pare-parehas lang kasi kaming mga mababaw.

Wednesday, April 16, 2008

Paglipas


Muli, napasyal ako sa lugar kung saan tayo unang nagtagpo. Isang simpleng coffee shop kung saan libo-libong kuwento ang maririnig at mararansan na animo’y sa mga pocketbook lang mababasa. Bahagi tayo ng mga kuwento dito. Naupo ako at inumpisahang inumin ang kape at kainin ang croissant. Pinagmasdan ko ang liwanag ng araw na unti-unting naglalaho sabay nang panghihina ng aking loob. Bumalik sa isip ko ang nakaraan na humubog sa pag-iisip at pagkatao ko ngayon.

Muling sumakit ang mga sugat na iniwan mo. Ipinagtapat ko noon sa iyo ang lahat. Nagkamali ako sa pag-aakala na gagaan ang lahat pagkatapos kong ipagtapat sa iyo ang nararamdaman ko. Bakit ganito? Nakapatong ang mundo sa akin. Hindi ako makahinga. Parang katapusan na ng lahat.

Alam ko na noon ang mangyayari. Mabibigo at masasaktan lang ako. Ngunit wika nga nila, “no pain, no gain”. Ngayon minumura ko na ang cliché na iyan. Alam ko namang iba ang iniibig mo. Nais ko mang suklian ang ngiti na ibinibigay mo sa akin ay hindi ko magawa dahil mayroon nang iba na nagpapangiti sa iyo. Tanging hiling ko lang ay mahigitan niya ang wagas at walang kondisyon na pagmamahal na ibinigay ko sa iyo. Mahal kita. Alam ng Diyos kung sino ka dito puso ko. Ngayon, alam ko na kung bakit may T.I.I.S. (Tang Ina I’m Single) at kung bakit may nagpapakalunod sa alak.

Ngayon, sumuko na ang haring araw sa paparating na gabi. Ubos na rin ang aking inorder. Napansin ko ang mga tulad kong walang kasama. Bakas sa pinta ng ngiti nila ang pag-asa at pagmamahal sa kabila ng kanilang pag-iisa. Natauhan ako. Pansamantala akong naging tanga. Kailangan kong kumilos kahit ako ay nag-iisa. Mayroong tao na mas nararapat na pag-ukulan ko ng pagmamahal ko at susuklian naman ng pagmamahal niya. Hindi ko kailangang magpaiwan sa biyahe ng pag-ibig dahil may makakasama at makakasabay pa ako sa ‘di kalayuan. Hindi porke’t wala na ang Basketball TV sa Sky Cable ay kailangan ko nang isara ang telebisyon dahil may iba pa namang channels.

Konting tiis lang. Hindi ko rin kailangang maghintay. Darating na lang siya. At umalis ako sa tambayan natin na may ngiti sa puso.

Tuesday, April 15, 2008

Anawangin, Zambales: Nature’s Fervour


Ang Biyahe Papunta (Pasintabi Po)

Mahigit 12 hours na akong gising kung kaya’t excited na akong makanakaw man lang ng konting oras para matulog. Labing lima kami at sa hindi inaasahan ay nahiwalay ako sa loob ng bus. Nakatabi ko ay isang lalaking matanda. Hindi ko man sinasadya ay napatingin ako sa tainga niya. Olispagetingsyet! Nagulat ako sa nakita ko. Andaming nagsisilabasang buhok (na kasing haba ng androgenic hair) mula roon na para bang nakawala sa kulungan. Mayroon pang “dandruff”! Pasintabi po. Ayon, gising ako buong biyahe at tulala na nakatingin sa bintana ng bus. Minsan pumipikit pero tinalo ng malupit na imaheng iyon ang aking antok.

Boat Ride

Umpisa na ng sandaling pagtakas sa sibilisasyon. Napakaganda ng mga tanawin habang nakasakay kami sa bangka. Tanging pasira lang ay ang ilang piraso ng trash bags na lumulutang sa dagat.

Puso, Inom, Gitara, Atbp...

Ang Sikat na “Ulo Ng Puso”


Mga bago kong idol. Si Butch, Bob at Czar. Hindi ko sasabihin kung bakit. Haha!




Isa pang idol, si Faith. Maestro sa paggigitara. “Hindi siya videoke machine, tao siya!”



Ang muling pagkikita ng apat na makukulit na bloggers!



Inuman hanggang mawalan ng ulirat! Sa mga hindi nakasama, eto ang ilan sa mga namiss niyo!









Muli, salamat kina lethalverses, Greenpinoy at The Gasoline Dude sa mga larawan.

Baka po may extra kayong jijikam, tumatanggap po ako ng donations =)

Wednesday, April 9, 2008

TANGA KASI AKO KAYA AKO NATALO SA NBA 2K8


Tungkol saan ito?

I posted this kasi natalo ako sa isang bet.

Ano ang bet?

Best of five series sa NBA 2K8. First to get three wins, of course, panalo. Ang talo ay magbabayad ng tumataginting na PHP 300.00, maglalathala sa blog niya ang tungkol sa pagkatalo at kailangan ang title ay ang nasa itaas.

Sino ang kalaban?

Fellow blogger at close friend pero mayabang, sobrang yabang. Kamukha niya raw kasi si Gabby Concepcion. Itago na lang natin siya sa pangalang Kayabang (from the words kalaban and mayabang).

Weapons of Choice?

Favorite team ko siyempre, ang Indiana Pacers (NY Knicks booo!). Ang pinili ni Kayabang ay Cleveland Cavaliers. Crush daw niya si Ben Wallace e.


Ano ang nangyari sa laban?

SWEEP! Hindi ako nanalo ni isang beses.

Game 1, talo ako by 11 points.

Game 2

- Inbound play

- Less than 2 seconds na lang ang natitira

- Ang ball possession ay nasa Pacers.

- Lamang ang team ni Kayabang ng dalawang puntos

- Alam kong nakatarget na ang defense sa best 3 point shooter ko (Travis Deiner) kaya ginawa ko siyang decoy at ipinasa ang bola sa shooting guard ko (Mike Dunleavy Jr.). Ampota tumapak sa linya ang hinayupak na paa ng player. Out of bounds!

- Sa madaling salita, talo na naman!

Game 3

- Alam kong tsamba ang panalo ni Kayabang noong game 2 at ayoko ring masweep kung kaya’t “I don’t feel any pressure right now.”

- 5 seconds na lang ang natitira.

- Pacers possession

- Lamang ulit si Kayabang ng apat na puntos.

- Desperation three ni Deiner, pasok.

- Isang puntos na lang. 2 seconds pa natitira.

- Successful inbound ng Cavs.

- Nakaiwas sa intentional foul ko.

- Ayon, talo.

Sa totoo lang, ayoko ipost ito pero may isang salita ako.

Tuesday, April 8, 2008

Dahil Sa Text Ni Odilon

naisipan naming isalin sa tagalog ang kanta ni Rihanna.

Payong


(Umbrella)

nakuha mo ang puso ko
at di na tayo paghihiwalayin ng mundo
siguro sa mga babasahin
pero ikaw pa rin ang aking bituin
sanggol kasi sa dilim
di mo makikita ang mga makintab na kotse
at noon mo ko kailangan doon
sayo aking ibabahagi
dahil...

chorus:

pag sumikat ang araw,
sisikat din tayo.
sabi ko naman sayo, lagi akong nandito
kahit kailan kaibigan mo ako,
nakatatak na yan sa utak ko.
ngayon na lumalakas na ang ulan,
tandaan mong magkaibigan pa rin tayo.
...sumilong ka lang sa aking payong,
sumilong ka lang sa aking payong...
ayong, ayong,
yong yong yong yong...


itong mga magarang bagay
hindi mamamagitan
bahagi ka na sa akin
dito habangbuhay
‘pag ang mundo’y nakihati
‘pag ang mundo’y nagtong-its
‘pag pangit ang balasa,
puso mo’y pagtagpihin natin
dahil…

[ chorus ]

tumakbo ka sa bisig ko
ayos lang huwag mangamba
lumapit ka sa akin
walang agwat sa pag-ibig natin
tumuloy ka at hayaang umulan
ako ang kailangan mo at higit pa
dahil…

[ chorus ]

umuulan, ulan
ooh sanggol, umuulan, ulan
sanggol, lumapit ka sa akin
lumapit ka sa akin
umuulan, ulan
ooh sanggol, umuulan, ulan
puwede kang parating lumapit sa akin,
lumapit sa akin..


salamat lethalverses sa tulong at salamat sa nagsalin ng koro ng kantang ito, kung sino ka man (pahiram ah)...

Monday, April 7, 2008

Ang Pagkikita




April 6, 2008

7:30 pm

3 miskols sa cp ko, si lethalverses (lv). tinawagan ko, hindi sinagot. tumawag ulit. kasama niya sina Greenpinoy (kailangan pa ba ng introduction?!) at si Gasoline Dude (GD)! inuman raw! sabi ko sasama ko, first time ko makakakita ng taga-Saudi ahaha! peace tayo GD!

9:14 pm

tumawag si GP, hindi ko nasagot. tumawag si lethal, nagising ulit ako. sabi ko katatapos ko lang maligo haha! tampo si GP, hindi ko raw sinagot tawag niya. o ayan! kagigising ko lang noong time na iyon! haha!

10pm onwards

nakarating na rin ako sa venue. ano bang mga nangyari?

bagong gupit si GP. lakas pa rin uminom. take note, may record siya sa Bora, iyong 18 shots (18 nga ba o mas marami pa?).

yehey! nameet ko na sa wakas si Gdude. moreno pala siya at may bagong camera na muntik nang mabagsak ni lethal. lupet kumanta, Sultan ng RnB (for sure wala pang nagke-claim ng monicker na yan)! maning-mani ang Closer You and I, Careless Whisper atbp..

ang formal ni lethal. pero mukhang napilitan lang ahaha!

(from L to R): ako, lethalverses, Greenpinoy and Gasoline Dude!

kitakits tayo sa Apr 19. Eb ng GP readers! Salamat Gasoline Dude sa mga larawan!

Thursday, April 3, 2008

Crush-ed


Una nating pagkikita ay sa isang klase sa kolehiyo. Unang araw ng ikalawang semester. Late ako kaya sa likuran na naman ang puwesto ko. Iginawi ang tingin sa kaliwa, tapos sa kanan, hanggang may makitang upuan ang inaantok ko pang utak. Katabi ko ang barkada ko pero noong kinausap niya ako at ako’y lumingon, hindi siya ang tiningnan ko. Sa tabi niya ay isang napakagandang dalaga na… hindi ko matapos haha. Inuunahan na kasi ako ng ngiti bago man lang pumindot sa keyboard.

Nag-iba ang buhay ko sa dahil sa hindi inaasahang pagdating mo. Wala naman akong reklamo. Alam mo bang nagkaroon ng kulay ang daigdig ko nang makilala ka? Naging magaan sa akin ang lahat. Makita lang kita, ok na ako. Ngumiti ka lang, buo na ang araw ko. Kaya’t inaabangan ko ang panibagong araw upang muling makita ang iyong ngiti at ang sandali mong pagtingin sa akin.

Kalat na lihim sa klase ang nararamdaman ko sa iyo. Hindi ko nga lang ipinahahalata dahil nag-aalinlangan ako. Ubod lakas ang pagpigil sa nanghihina, nanlalambot at walang kalaban-laban na pagtingin ko sa iyo. At sa kabila nito ay hindi ko na kayang gumising pa para sa isang umaga na naman ng pagsuko at pag-aasam. Ang hirap.

Haay… Ilan lang iyan sa mga gusto kong ipagtapat sa iyo ilang linggo lang ang nakalipas. Buti naman at pinansin mo ako noong huli tayong nagkita. Iyon nga lang, tikom pa rin ang bibig ko at ni galaw man lang wala akong nagawa. ‘Nyeta ang torpe ko! Dahil ba sa damit mo nung araw na iyon? Dahil ba ngiti mo sa akin na nakakapanghina? Hindi mo siguro alam pero matagal na kitang gusto… Oo, matagal na po. Kung puwede nga lang tumayo ako sa klase at sabihin ko sa harap ng maraming tao ang nararamdaman ko sa iyo, gagawin ko. Pero hindi na mangyayari iyon, hindi na tayo magkaklase. Gradweyt na tayo… Tama nga ang kaibigan ko... " mas madaling aminin na ikaw ang umutot kesa aminin sa tao na gusto mo siya...”

Kaya dito ko na lang ipinahahayag sa iyo ang nilalaman ng aking puso. Sana mabasa mo ito…. Sana….