Monday, April 21, 2008

Paano Mo Mapapasaya Ang Isang Robot?



Mababaw lang ako. Hindi ako mahilig bumili ng mga magarang bagay o gumastos nang pagkalaki-laki para lang sumaya. Makakita lang ako ng old couple na magkasamang tumatawid (at inaalalayan pa ni lolo si lola) ay tumutulo na ang luha ko. Maramdaman ko lang ang sariwang hangin sa gitna ng aserong gubat na ito ay napapapikit ako dahil pakiramdam ko ay nasa alapaap na ako. Ganyan ako kababaw pero hindi ko ito ikinahihiya. Simple pero rock.

Isa ako sa mga nilalang na umaaligid sa mga gusali sa Makati tuwing sasapit ang gabi. Ilang linggo na rin akong ganito pero naninibago pa rin. Magkasalungat ang umaga at gabi ko sa karamihan sa inyo. Ang oras nang pagkain ko ng breakfast ay alas-siyete ng gabi. Ang evening news ko ay Magandang Umaga Bayan. Napapasayaw na nga ako sa Locomotion ni Ogie Diaz pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. Promise. Naranasan ko na rin ang magpuyat sa tanghali.

Minsan, napaaga ang gising ko pero dahil sa katamaran ay natulog uli ako. Nang muling magising, ilang minuto na lang at late na ako sa opisina. Olispagetingsyet! Simbilis ng ninja turtle na natatae ang mga kilos ko at upang mapadali ang biyahe ay pumara ako ng taxi.

ako: ‘Gandang umaga manong. Sa Makati lang ho…

taxi driver: Gabi na.

ako: Ay sorry. Gandang gabi ho. Pasensiya na. haha.

taxi driver: Sa call center kayo?

ako: Hindi po, nagpapanggap lang akong rebulto sa kalsada.

taxi driver: Ayos yan. Kaya pala mukha kang sunog! Haha!

ako: (Gago ‘to ah!)... Hehe. Musta naman biyahe ngayong araw? Boundary na ho ba?

taxi driver: Malapit na. Dalawang oras pa siguro may maiuuwi na ako.


“Everybody dance now! Jent. Jent. Jent-jen-jent jen...”

Biglang tumunog ang message tone ng cellphone ko at panandaliang naputol ang usapan namin ni manong. Matapos akong magreply sa nagpadala ng text sa akin at iset sa silent mode ang istorbong gadget ay napansin ko na biglang nagbago ang mood ng driver.

taxi driver: ‘Lam mo matagal-tagal na rin bago may bumati sa akin na pasahero.

ako: Ano po ang ibig niyo sabihin?

taxi driver: Iyong kanina, binati mo ako ng magandang umaga tapos kinorek kita.

ako: Ahhh… wala ho iyon.

taxi driver: Naku, sa aming mga driver, mabigat iyon. Kahit papaano ay nakakaramdam kami ng paggalang doon. Sa tagal ko sa trabahong ito, bibihira ang magsabi ng good day o kamusta man lang. Kadalasan nga ang trato sa amin ay parang walang buhay.

Kinailangan kong mag-isip ng malupit at makabuluhan na tugon sa sinabi ni manong. Isang sagot na ang mensahe ay makakaabot sa mga kabataan ng makabagong henerasyon. Isang banat na gagamiting battle cry ng mga human rights activists sa kanilang mga rallies. Isang hirit na tatatak sa isipan ni manong at magpapabango sa aking pagkatao.

ako: Ah…

taxi driver: Hindi naman sa demanding, pero sana sa tuwing sasakay ka sa taxi ay batiin mo ang driver. O kaya magpasalamat ka sa paghatid. Nakakagaan ng loob kasi. Ano nga pala pangalan mo?

ako: Scott Summers.

Ilang gabi pa ang lumipas, nahuli na naman ako nang gising. Pero masaya ako. Alam kong may matutuwa na namang driver. Pare-parehas lang kasi kaming mga mababaw.

20 comments:

damdam said...

wow, may mga katulad pa ako! tatlo na tayo nila manong driver na mababaw! yung iba kasi natatawa sa kababawan ko e.. so di ko na lang pinapahalata pag nangingiti ako.. wahaha..

@ manong driver - kung nag bo-blog ka man.. hi din po sa inyo! magandang araw/gabi/tanghali/umaga/hapon..

:D

lethalverses said...

wow, ang lupit. hayaan mong pira-pirasuhin ko ang mga napansin (unsolicited nga lang hehe):

1. PAMAGAT: bagamat hindi ka robot ay di maiiwasan ng mambabasang isipin ang koneksyon - o marahil ay ang similaridad - ng isang taong tulad mo sa isang mekanikal na nilalang na kung iisipin ay walang emosyon.

2. NILALAMAN: ang paglalahad ng takbo ng pangyayari, at ang on cue na mga narasyon ay nakatulong sa makabuluhang pananaw na nais mong iparating.

3. KAKULITAN: bagamat seryoso ang tema ng iyong lathalain - anupat tumutukoy ito sa simpleng kaligayahan na maaari nating ibahagi sa iba - ay tumpak ang timing ng mga kulit hirit mo sa naghatid sa iyo (hayaan ninyong huwag kong gamitin ang terminong "drayber")

4. TALINGHAGA: oo, matalinghaga ito. ang talinghaga na maaari mo namang isulat ito sa isang seryosong paglalahad ay isang talinghaga ng ako ma'y hindi kayang gawin o isipin.

mabuhay ka chroneicon!!!

lethalverses said...

DISCLAIMER : sinapian lang po ako ng ipost ko ang komento ko sa itaas.

Anonymous said...

ayos. nice story. malamang pag sumikat na ang mga posts mo mapasama ito sa mga kwentong pambata. ito ang tatalo kay lola basyang. haha.
pero seriously, na-touch ako sa story mo. simple pero mabigat ang dating. sa mundo nating laging mabilis ang takbo ng buhay, minsan hindi na natin nakikita yung maliliit na bagay na pwedeng magpasaya sa ibang tao. at pag napansin natin yun at ginawa, nagiging masaya na tayo kahit gaano man kababaw sa iba.

ToxicEyeliner said...

may popost dapat ako na parang ganito rin pero sa mga ksambahay naman... kaso papasok na ako ng school kaya baka sa sabado nalang dahil bukas, magduduty na naman ako. =/ ayon...
maganda yang gingawa mo at nakakatuwa na ganon ka... isa kang tunay na jabi talaga! para kang ung sa commercial nia na nagsalita siya for the first time para mag-thank you pero malaking impact un samin a! kasi lgi nalang nanahimik si jabi e.at least ngayon alam namin na naaappreciate nia tayo--este mo kami... hehehe pero totoo un...khit ang iksi lang ng sinabi mo, it was a big deal to them because nawawala na ang pagiging polite ng mga pinoy ngayon.(OOT:nakakahurt nga minsan kapag nag-thank you ako sa cashier, wala man lang akong matatanggap na kahit ano kahit ngiti man lang e di ba sila pa nga usually nauunang mag-thankyou.)mga bagay na ganon.pero sa nakwento mo, patuloy nang nagmamataas ang iilan satin na hindi na pinapansin kahit ang effort ng mga ibang tao satin like taxi drivers, vendors, etc. ewan... ung iba raw kasi kaya ayaw nlang bgyan ng respect, for example ang taxi driver, kasi raw bastos at kaskasero rin sila...they tend to generalize ... saklap. pero anyway... anlayo na ng mga pinagssbi ko at parang naging blog na toh.parang walang sense sinabi ko--kasi nagmamadali na akong pumasok at kung anu-ano nalang nilagay kong nasa utak ko... anyway,maganda ginawa mo!

emotera said...

sa bawat pagbisita ko sa blog na ito hindi ko talaga mapigilan ang humanga sa may akda. Simple lang iyong istorya pero may humor at matindi iyong impact sa magbabasa. Lhat naman siguro ng tao may kababawan taglay,dahil inaamin kong ako'y mababaw din pag minsan. Sa dami ng nangyayari sa buhay na didisregard na ang mga simpleng bagay kung kaya't minsan para na din tayong robot na sumasabay sa agos ng buhay.Nakakalimot sa mga things na makakapag pagaan ng loob ng mga nakapaligid sa atin... :)

Mariano said...

Okay, dahil di mo naman ako bespren at hindi din ako chicks eh hindi ako papasapi sa kahit na sinong nilalang para magkomento ng kagaya nila. Gusto ko lang malaman mo na tatay ko yung drayber na nasakyan mo at naikwento ka niya sa akin.

Salamat daw sa pagiging mabuting kabataan mo at sana daw dumami pa ang kagaya mo pero wag daw sa paraan ng premarital sex.

pb said...

malaking bagay po talaga yan. naiinis naman ako sa jip sa mga taong nagpapaabot ng bayad tapos walang pasalamat o thank u. nako naman. ilang kaibigan ko na ang sinermunan ko kasi hindi nila gawain ang mag thank u o salamat sa pampumblikong lugar. tama si dryber. malaking tulong yun. lalo na kung may problema sya sa bahay tulad ng pagmamahal ng bigas. hehe. ganyan din ako. mababaw din. ate ko si damdam eh. halos magkaugali. saka halos lahat naman ng blogger ay madamdamin at mababaw talaga. weee... ang haba ng comment ko. takte.

pb said...

ang hahaba din ng comment nila. haha. binabawi ko na yung comment ko sa taas. for a change.
seryoso ba si mariano na tatay nya yung drayber? nyahahhaha!

Anonymous said...

wow good example para sa aming mga kabataan...ahhah(bata?)
dahil sa ginawa mo hinahunting kana ng mga driver para sa isang walang katapusang roadtrip...ahahah...

chroneicon said...

@ damdam - marami pa diyan, tulad mo di lang din nila pinapahalata.

@ lethal - maraming salamat sa iyong breakdown kasamang Quinito. balik na tayo sa laro.

@ jeckyll - isa sa mga panginoon ng pagsusulat. salamat sa dalaw at sana makarating nga ito sa mga bata haha

@ toxic - salamat sa comment na tila blog entry haha. bugbugin na natin iyong cashier, ano?!

@ emoterang nurse - salamat sa paghanga. tingin ka lang sa blogroll ko, andun ang tunay na mga malulupet! (burger naman jan!)

@ mariano - kamusta mo ko sa tatay mo. sabihin mo ikinalat ko na ang mensahe niya!

@ pb - ang hahaba nga pero ok lang. enjoy naman basahin haha! ako nagpapasalamat sa dyip kapag nagpapaabot, buti naman parehas tayo haha!

chroneicon said...

@ peyt - ayos! saan naman ako dadalhin? harhar

GODDESS said...

parekoy, saludo ako syo!! baet baet naman.. kakainlab! ipagpatuloy mo ang pagiging pala-bate (ano ba! wag bastos!! pala-greet ang meaning nun)hahahahaha!

nga pala, busy kasi ako sa aking bakasyon kaya di ako nakakapost.. (quiet ka lang, andito ako sa pinas ngayon... wag mo ipagsasabi kasi baka mahanap ako ng mga pinagkakautangan ko!). madami akong gustong ilabas kaya wait ka lang diyan!

ingatz, parekoy!

RJ said...

oo nga, minsan we take manong drayber for granted. may puso at damdamin din sila na marunong masaktan. malaking bagay talaga ang respeto at greetings sa mga strangers. galing mo dude, nice post.

pero kapag ang unang banat sakin ng drayber eh "magkano ba ang binabayad mo hanggang doon?" o kaya "baka pwede mong dagdagan na lang ng singkwenta?", hindi na ko nakakapag-greet, hinahampas ko na lang pasara yung pinto. =D

isa pa, pareho tayo pare, napapa-indak din ako sa 'locomotion' ni ogie diaz! bwahahahaha!

Anonymous said...

naks naman. bait mo naman chie. ako naman, hindi ako nag-ggoodmorning sa mga taxi drivers. hiya kasi ako at hindi sanay. pero, kung dumating na ako sa destinasyon ko, lagi akong nag-tthank you. :)

patuloy mo ang mga ganitong post. :D galing ni jabii :D LOL.

chroneicon said...

@ goddess - pala-bate talaga ako. asan ang pasalubong ko? =(

@ rj - pakitaan mo naman ako ng damoves mo pare. haha...

@ trishie - hindi ako si JABI!!! haha...

GODDESS said...

pareng chrone, pasensya na at natunaw na lahat ng tsokoleyts sa sobrang init dito!! wahahahaa! next na uwi ko na lang...

The Gasoline Dude™ said...

Ikaw ba yung robot? Hindi ka robot.

Isa kang mascot! MASCOT! Hahaha! = P

Anonymous said...

oi, nakakatouch! naalala ko tuloy ang movie na napanood ko sa Cinema 1!
Tungkol sa janitor naman. :)

--sana naman mabait lahat ng taxi drivers. d gaya ng iba jan na kuhpel.

Anonymous said...

napasaya mo ang umaga ko! :D kahit matagal ang waiting, ndi na ako mababagot :D nice!