Friday, June 27, 2008

Krisis Sa Kalikasan


Bakit ko pipitasin
ang isang magandang bulaklak
Kung batid ko naman
na matitinik ako?

Bakit ko sasalubungin
ang paparating na hangin
Kung matatangay lamang ako
sa lakas nito?

Bakit ko susungkitin
ang isang mataas na prutas
Kung baka sa huli
ay malalason rin lamang ako?

Bakit ako magpapaanod
sa aruga ng malinis na batis
Kung hindi ko kaya
sukatin ang lalim nito?

Isa lang ang sagot...













Dahil ikaw.

Friday, June 13, 2008

Keso


Ang daming miles man tayong apart.
Alam mo namang laman ka ng heart
Ang iyong tawa, boses, at mabighaning smile.
Pinaiikli nila ang bawat mile.

'Pag tulog ko sa pagdating ng night
Sa panaginip ko ikaw ang sight
Wish ko lang kahit one night
Andito ka and I’ll hug you tight.

Feeling ko ako ay bruised and battered
Dahil sa distance - shet, I’m shattered
Seems like the layo is lupa to sky
Ngunit walang give up, walang goodbye.



Ayon sa Gabby's Dictionary:
CHEESE (chiz) n.- keso; bagay na mala-keso; importanteng tao (pauyam ang dating)

Wednesday, June 11, 2008

Binigyan Ako Ng Kalahating Basong Tubig


Dalawang segundo na lang ang natitira sa laro. Lamang ang kalaban ng dalawang puntos at ang ball possession ay sa koponan namin. Planado na ni coach ang lahat at sa larong ito, ako ang may pagkakataon na maging hero.

Inaasahan na ng kalaban na ako ang titira sa play na ito dahil limang three point shots na ang naipapasok ko sa laro. Alam rin ng kalaban na hindi na namin itatabla ang iskor dahil lima na lang kaming lalaro kapag nauwi sa overtime. Fouled out na ang tatlo, injured ang dalawa at ang mga natira ay sinundo na ng kani-kanilang mga nanay.

Nasa tamang puwesto na kaming magkakampi. Binigay na ng ref ang bola sa kakampi ko para sa inbound at inumpisahan na ang pagbibilang. Matindi pa sa Elmer’s Glue ang lagkit ng depensa ng guwardiya ko sa akin. Mula sa baseline ay dalawang mabilis na hakbang patungo sa kanan ang ginawa ko at sumunod ang mokong. Bigla naman ako bawi at tumakbo papunta sa kaliwa. Sakto ang screen ni kakamping power forward at nakawala ako sa depensa pero may nakaabang agad na isa pang asungot. Mabuti na lang at na-anticipate ni coach ang mangyayari. Isa pang screen ang dinaanan ko at ako’y libreng libre na sa three point area. Mabilis at tama lang ang pasa sa akin.

Handa na akong i-shoot ang bola. Handang-handa ako. Ilang beses ko nang sinanay ang sarili ko sa ganitong sitwasyon. Alam ng mga kasamahan ko na hindi ako natatakot tumira sa ganitong okasyon at alam rin nilang kaya kong ipanalo ang laban.

MILLER TIME!

“Shooter! Iyong shooter!” sigaw ng kabilang coach.

Huli na ang paalala niya. Naitira ko na ang bola. Ramdam ko sa bitaw at sa follow through na tama ang tira ko. Nakaangat pa ang shooting hand ko at napasigaw agad ako.

“Panis kayo!”

Tulala ang mga kalaban.

Tulala rin ang mga kasamahan ko.

Hindi nila akalaing anlakas ng loob kong sumigaw ng ganoon. Ni hindi man lang kasi tumama sa ring ang bola. Kapos!

Naglakad ako pauwi na hindi matanggap ang nangyari. Aykentbilibid. Nakayuko ako at sinipa ang mga basurang sumalubong sa dinaraanan ko. Lata, plastik, resibo, papel, balat ng saging, buto ng manok, candy wrapper, patay na daga at pulitiko. Basta basura, sinipa ko. Hindi nagtagal ay napansin ko na papalapit ako sa kanto ng Estrada at Leon Guinto. Bigla akong tumigil sa kinatatayuan ako. Shet! Olispagetingsiyet! Hindi ko nakuhang dumaan dito. Naholdap na kasi ako sa lugar na ito. Isang mamang kamukha at kasing-katawan ni Max Alvarado ang tumutok ng ice pick sa leeg ko. Wala akong magawa kundi ibigay ang puri este pera ko at ang Nokia 3210 na nagkakahalaga pa ng walong libo noong panahon na iyon.





Nag-iba ako ng ruta kahit na madadagdan ng sampung minuto ang paglalakad ko pauwi. Napadaan ako sa isang convenience store at bumili ng C2 at tsokolate. Ang C2 ay para mapawi ang uhaw sa paglalakad. Ang tsokolate ay kakainin ko kasabay ng paglapa sa natira kong ulam kanina. Pechay Guisado! Napakagandang kombinasyon. Pechay at tsokolate. Hindi ko alam kung ano ang trip ni mama noong pinagbubuntis nya ako kasi pinaglihi raw niya ako sa dalawang pagkain na ito. Ako naman, dahil doon ako pinaglihi, sinubukan ko kung anong meron sa dynamic duo na ‘to. Naadik ako sa sarap.

At iyon nga, one thousand kitty steps na lang at makakauwi na ang talunang mandirigma (ako iyon!). Gutom at excited na ako. Ngunit hindi yata kampi sa akin ang suwerte nang gabing iyon. May isang kumakaripas na kotse na patungo sa kinalalakaran ko. Siyempre kahit na pagod na ako ay alerto pa rin ang utak ko! Tumabi ako sa daanan upang makaiwas sa disgrasya pero hindi ko nailagan ang tumalsik na putik na galing sa lubak na dinaanan ng sasakyan. Daig ko pa si Leonardo Manecio, Sr. Alam kong nakita ng driver ang nangyari pero hindi niya inatras ang sasakyan upang humingi ng paumanhin. Dire-diretso lang ang loko. Titirahin ko na sana ng Rei Gun kaso maraming madadamay na mga inosenteng tao.

Wala rin namang mangyayari sa akin kung papaapekto ako sa mga hindi kanais-nais na kaganapan. May mga araw lang talaga na malas ka at akala mo pinaglalaruan ka ng pagkakataon pero keribels lang. Ganyan talaga ang buhay. Umuwi na lang ako, naligo at ngumiti dahil papapakin ko na ang aking hapunan.

Friday, June 6, 2008

Guitar Hero


Katatapos lang ng basketball game namin at medyo pagod ako sa bakbakan. Bihira lang kasi ako ibabad ni coach at hindi ko kinaya ang sampung minutong playing time. Tiningnan ko kinakalawang kong cellular phone. Si Crush, nagtext, may sakit at maaga raw matutulog. Siyempre kinamusta ko pero hindi ko na kinulit para makapagpahinga naman siya.

Dahil hindi pa ko inaantok, kinuha ko ang gitara at sinubukang kumpletuhin ang pagbago ng lyrics ng isang sikat na kanta ng Vst & Co na naumpisahan namin ng barkada ko. Eto ang kinalabasan:

Walang iba pang sasarap
Sa pagkain ng saging
Sana ay di na magwakas
Itong movie ni Lapid

Saging natin
Ay wag na wag mong kalimutan
Pangako ko naman
Na lagi kong titikman
Magpakailanman

Ang isang piling
Ay pang maramihan
Hindi pang dalawahan
Kaya’t sa ating saging,
Tayo ay magbigayan

Ah-ha-ha, ang saging na ‘to
Ay isusubo ko, oh-ho-ho
Ah-ha-ha, isubo mo
Ang banana q’ng ‘to
ah-ha-ha-ha-haaa

Hindi tungkol sa kabaklaan ang lyrics na yan. Mahilig lang talaga ako sa saging dahil parehas sila ng tinapay.

Seriously aside, sa pag-iisa ko ay napagisip-isip ko na malaki pala ang impluwensiya ng gitara sa buhay ko.

Noong una, gusto ko lang talaga matuto dahil naiinggit ako sa mga kaklase ko na marunong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling kumanta kaya nandoon lang ako sa isang sulok, nakaharap sa pader at inuuntog ang ulo. Biro lang, siyempre.

Naalala ko pa noong una akong bumili ng gitara. Nasa kolehiyo ako noon. Pumunta ako sa Sta. Mesa dahil doon makikita ang mga de-kalidad na mga gitara sa Maynila. Dala-dala ko ang aking life savings na nagkakahalaga ng isang libo at limandaang piso. Pinigilan nga ako ng bespren ko dahil baka nahihibang na raw ako pero hindi nagbago ang isip ko. Sapat na iyon para makabili ako ng magandang gitara. At iyon nga, nabili ko ang pinakauna kong gitara na pinangalanan kong Luntian dahil sa kulay niya. Arf!

Noong umpisa hindi talaga kami mag-jive ni Luntian. Hirap ako sa kanya. Puro problema ang dinudulot nya sa utak at daliri ko. Matapos ang ilang libong pagpipilit na masanay sa kanya ay sumuko ako. Ayoko na. Binenta ko siya.

Panandaliang kinalimutan ko ang gitara pero sadyang nakakatuwa ang tadhana. Sinubukan ko muli maggitara (hindi ko maalala kung bakit). Bumili ako ng bago subalit tulad ng una, hindi ko siya masyado pinapansin.

Minsan nagkaproblema ako at wala akong makasama. Sandalan ko? Ang gitara. Alam ko nagtatampo iyan, pero tanggap pa rin ako. Kasama ko siya at hinahayaan niyang ibuhos ko sa pagtugtog at pagkanta ang saloobin ko. Hindi rin siya nawawala kapag umiibig ako. Tinutulungan niya akong dumiskarte at ipahayag ang nararamdaman sa aking irog. Hindi na mabilang ang mga okasyon na kabahagi ko siya.

Bilang ganti ay pinakita ko sa kanya na kaya kong suklian ang mga nagawa niya sa akin. Masunurin. Simple lang naman e, sumunod ka sa chords at hindi magiging sintunado ang kanta mo. Hindi nagtagal at natuto rin ako sa tamang pagkapa sa mga awitin ng buhay. Disiplina at determinasyon. Pinag-aralan ko ang mga dapat matutunan kahit na magulo at hindi ko maintindihan. Hindi nagtagal, unti-unti kong naunawaan at hanggang ngayon ay nagagamit sa ibang larangan ang mga leksiyon niya sa akin. Dahil sa kanya ay isa na akong ganap na musikero na puno ng disiplina at respeto sa sarili't kapwa.

Baduy ba? Ewan ko, pero bigla ko lang naalala ang mga magulang ko sa huling dalawang talata.