Friday, July 18, 2008

Alay Ng Isang Nawawala


Tuwing magsasalita ka, nakikinig ako.
Pinahahalagahan ko ang mga bigkas
mula sa iyong malupit na labi.

Tuwing tatayo ka, yuyuko ako.
Natatakot akong magkasalubong
ang magkaibang landas ng mga mata natin

Tuwing lalapit ka, lalayo ako.
Hindi ako handang harapin ang
mga bagay na maaari nating pag-usapan.










At tuwing susuweldo, natutuwa ako.
Dahil hanggang ngayon, hindi mo
pa ako sinisisante.

maraming salamat idol kong bosing!

Monday, July 14, 2008

Alingawngaw Mula Sa Isang Pipi


Minsan may dumalaw sa chatbox ko at ipinahayag ang kanyang pagkalungkot dahil sa pagpaslang ng isang henyong blogger sa kanyang blog na dulot ng isang makapangyarihang puwersa. Tadhana nga naman, ngayon ay siya naman ang biktima ng parehas na salarin at binura rin niya ang kanyang blog kasama ang mga nailathala niya na kumurot sa mga puso at nagbigay ng inspirasyon sa mga mambabasa.

Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo ang isa sa mga paborito ko sa mga posts niya:

trenta pesos na alaala ng PGH

patawad.
itinuring ka naming
isa lamang sa karamihan
ng mga nakaratay
na katawang
humihinga ma’y
nagbibilang naman
kung ilang hibla pa ng hangin
ang kaya nilang habulin
bago tuluyang bumigay
at tanggapin
ang wakas
na itinakda na
mula ng kayo’y limutin
at ituring
na isang alaala na lamang.

patawad.
bagama’t amin nang narinig
na kulang ka na lamang
ng halagang trenta pesos
upang mapunan
ang pangangailangan mong
gamot,
ay nagpatuloy pa kami
sa iba mo pang mga kasamahan
at nangahas, sumugal,
na sila di’y matutugunan.

patawad.
sapagkat kami’y nagutom
at inuna ang kapritso
ng hangal naming sikmura,
at hindi agarang nakabalik
dala ang iyong gamot
na disin sana pala’y sinulid
na maipantatagpi
sa butas mong puso
na tinatakasan na ng hininga...

patawad.
naging mangmang kami
sa tunay mong kalagayan.

patawad,
dahil ang tangi na lamang dinatnan
ng gamot mong matagal nang hinintay, inasam
ay ang malamig mong katawan na binalutan na ng kumot.

...ang kumot na tangi mong kasama’t
karamay
sa nabigo mong laban
na dugtungan ang buhay
na amin namang ipinagpalit
sa kalahating oras
na pagkain ng tanghalian.

* Based on a true account of a visit to PGH ward, Manila.


Dito ako humanga sa taong ito. Ito rin ang dahilan kung bakit nanghihinayang ako sa pagkawala ng blog niya. Dahil marami ngang bloggers sa maliit na mundo ng internet ngunit bibihira sa kanila ang may puso at pangil sa kanilang mga inilalathala.

Isa siyang malaking kawalan!

Maraming salamat lethalverses sa pag-aya mo sa akin sa blogosphere. Ako naman ang hahatak sa iyo. Alam kong panandalian lamang iyan at babalik ka rin katulad ni Jeck!