Monday, August 25, 2008

Isang Pasasalamat

Nitong nakaraang sabado, ginanap ang unang outreach ng Greenpinoy family. Humigit-kumulang na 20 tao ang pumunta at nakibahagi sa mga kuwento at pangyayari na aming naranasan noong araw na iyon. Ako, bilang isa sa mga organizers, ay masaya sapagkat marami ang pumunta at kahit man lang sa panandalian, ay nabigyan namin ng ngiti ang mga pasyente at pamilya sa wards 9 at 11 ng Philippine General Hospital.

Maraming salamat sa mga:

1. nag-file ng leave para makasama sa event.

2. hindi natulog (dahil nightshift) at diretso na agad sa venue.

3. nag-prepare ng sandwiches para sa grupo.

4. bumili pa ng mga gamit para sa kanilang donations.

5. ipinagpalit ang ibang lakad nila para dito.

6. pumunta kahit na less than two days lang nilang nalaman ang tungkol dito.

7. officemates na nagpahabol ng kanilang share.

8. humabol pa rin kahit na late na sila.

9. tumakas panandalian sa lablayp.

10. pumunta kahit walang contact number ng mga attendees.

11. humila ng iba pang kasama.

12. bumili ng plastic bags.

13. nagpadala ng pera mula sa ibang bansa na pinambili namin ng donations.

14. nagpadala ng pera na hindi umabot sa takdang oras (kasalanan ko rin). sinisigurado naming magagamit namin iyan sa susunod na outreach. yup, hindi ito ang huli.

15. nagbigay ng information tungkol sa outreach.

16. tumulong sa pagdala ng donations sa hospital.

17. suporta at panalangin na kusang kanilang ibinigay.

18. naghalungkat ng kanilang mga lumang gamit.

19. nagbigay ng encouraging words sa mga pinanghinaan ng loob.

20. bloggers na nagpatunay na salamin ng kanilang pagkatao ang kanilang mga lathala.

21. taong naihanda ang kanilang sarili.

22. taong hindi handa sa ganoong tagpo ngunit pumunta pa rin.

Maraming salamat po! Alam kong marami tayong aral at istorya nitong nakaraang Sabado na maaari nating ibahagi sa mga kasama natin sa landas ng buhay. Kahit na maramdaman nating helpless tayo sapagkat limited ang naibigay o maibibigay natin sa kanila, hinding-hindi tayo titigil sa ganitong klaseng gawain.


(wala nga pala sa pic ang dalawang bloggers na kumuha ng larawan hehe...)

Kitakits sa susunod na outreach! Mabuhay kayong lahat!

Thursday, August 21, 2008

bukas, ang araw ng kasinungalingan




bukas, manganganak ng mga sinungaling
at sila ay magugulat sa kanilang sarili;
sa nagbabalatkayong lunas, dalangin
at sa pag-asang 'sila' ay mapapangiti.

bukas, tayo ang may iuuwi
dadalhin natin hanggang sa pag-idlip;
mga pagkukunwari ng buhay natin
at ang unti-unti nitong pagsilip.

bukas, kung saan tayo'y makikibahagi
sa katotohanang mata'y nakapikit;
sa hiram na sandali sa mga landas
na mumulat sa katotohanang kay sakit.




Sa mga pupunta bukas, maraming salamat sa oras na ilalaan nyo para sa kanila.

Maihahanda lang natin ang sarili natin sa pagpunta, ngunit hindi mismo sa pupuntahan.

Tuesday, August 12, 2008

One Way

by Lashingheroes & Co.

KORO
One way lang ang pag-ibig ko
Ako ba’y titigil na o didiretso?
One way lang ang pag-ibig ko
Saan ba pupunta ang kuwentong ito?

BERSO I
Mag-isa ako sa kalsadang ‘to
Walang pupuntahan, nagmamaneho
Biglang may sumabay doon sa dulo
Nagbago na'ng takbo ng traffic ko...

BERSO II
Kahit mahaba man ang ating byahe
Basta’t kasabay kita, wala nang diyahe
Di mo man marinig aking sinasabi,
Okay na basta’t ika’y nasa aking tabi...

PASAKALYE
O anong saya ng makasabay kita
Panay na ang sulyap ko dyan sa kaliwa
O miss paano ko ba makikita
Ang ‘yong ngiting pupukaw saking mata?

ULITIN ANG KORO

BERSO III
Ngunit nagulat ako ng aking mapansin
Na sa daliri mo’y mayron ka ng singsing
Kaya pala sablay ang aking papansin
Sa puso mo pala’y mayron ng nagaangkin

BERSO IV
At ikaw ay nauna’t sa EDSA’y lumiko,
Gusto ko mang humabol, ako pa ri’y bigo
Expired na ang lumang lisensya ko
Tumitirik pa sa pagod ang kotse ko.

ULITIN ANG PASAKALYE
ULITIN ANG KORO

Tuesday, August 5, 2008

Kapag Nalasing Ka Sa Usok, Paano Ang Hangover Mo?


nararapat ba na ako ay magreklamo?
isa lamang akong umaasa na
mababaluktot ang katotohanan.

kadramahan…

hindi mo na mabilang kung ilan
ang mga katulad ko
na pansamantalang nagbibigay
sa iyo ng kaligayahan;
ang mga katulad ko
na permanenteng umaasa
iyong babalikan.

kahangalan…

umpisa pa lamang
ay katapusan ko na;
pansamantalang pagkalulong
sa piling ng ilan sa iyong mga daliri
at sa iyong labi na mala rosas.

lintik ka, lintik ka!
sa bilis ng iyong pagsawa.
hindi ako balat ng saging
na itatapon na lamang
kapag wala ka ng makuha.

kamulatan…

kailangan ko na lang tanggapin
na ako ay isa na lamang upos
na wala nang kakayahan
na magbigay sa iyo ng usok
na hanap-hanap ng pagkatao mo.

katapusan...

isang sigarilyo na dati'y
malakas ang baga.
ngayo’y naliligo sa ulan
dulot ng 'yong pag-iwan sakin.
isang upos na patay na…




ngunit inaanod pa rin ng baha.


(nahalungkat ko lang sa 1,014 th page ng tickler ko noong college)