Kung si Clark Kent mayroong Lois Lane,
si Cyclops naman, ay may Jean Grey.
At kung ganito lang ang pag-uusapan,
mawawala ba eksena sina Peter at MJ?
Sa kanya-kanyang love stories, sila ay tanyag.
Hindi kaila sa kanilang mundo ang dalisay
na pag-iibigang sa isa't isa inihahayag.
Gamit ang kapangyarihan, kanilang naitutulay
ang mga panganib na sa kanila'y inilalapag.
Ang sa akin lang e, bakit iba ako sa kanila?
Isa lamang akong tao, karaniwan ang mga mata.
Ipinanganak sa mundo, 'di sa ibang planeta
Magpapakagat man ako sa gagamba,
sa mga suliranin ba'y maililigtas kita?
Ang tanong ko lang e, magiging tulad ba ako nila?
Maibabalik ang nakaraan sa buklat ng pahina?
May sapat na kakayahan sa bawat oras ipadama
ang kanilang presensiya sa oras ng iyong pag-iisa?
Mali. Isang pagkakamali ang dito ay umasa.
Ang mundo kesa pag-ibig, sa kanila mas mahalaga.
tinanggihan mo ang tulong ng aking mga kamay.
Sa halip, tinungo mo ang mga bisig ng lumbay
at ang tanging magagawa ko ay sumubaybay.
Ito ang salaysay: poot, hiwalay, bati at away.
Naisulat na ang pagwawakas ng komiks na ito.
Nahigitan pa natin ang labanang Xavier at Magneto,
At marami pa akong pupunuhing pahinang blanko
kaya't ito na ang huli at 'di maiiwastong yugto
ng isang nangarap na maging higit pa