Thursday, January 28, 2010

Sa Pumukaw Sa Aking Puso

Nakalimutan ko na yatang manligaw

Nilisan na ang utak ko ng mga gawi

Natira'y mga bulong at alingawngaw

Na bumubuntot sa aking pagkasawi


Paano na nga ba ulit ang magpapansin

Iyong pag-iisip ng mga pamatay na linya

Mga bitaw na sa mga pelikula ni Robin

Maririnig tuwing siya ay naglilitanya


Papaano na nga ulit ang magpapogi

Anong makamandag na halimuyak

Ang ibabalot upang aking mabighani

Ang inaasam na oras ng dilag


Teka…


Nakalimutan kong sadyang kinalimutan ko

Ang mga gawain ng *ubo* manliligaw

Pinaslang ko nang malupit ang pagbabalatkayo

At ang mga pagpapanggap na halatang hilaw.


Nais kong makilala niya ako bilang ako

‘Di mula sa palabas ang lambing pero totoo

Hindi pogi pero confident na guwapo

Sa simula nariyan agad ang baho at bango


Sa napipintong pagtuldok ng sinulat na ito

Mutya ikaw ay mag-ingat sa mga hudas

Sila ay magtatangkang anliligaw sa iyo

mga manliligaw, at mangliligaw-landas


Thursday, January 21, 2010

Lampa

Isa…

Dalawa…

Bilang niya ang malalaking butil ng pawis na tumutulo mula sa gilid ng kanyang noo pababa sa panga. Kalahating oras na rin siyang nakatitig sa karatula ng MMDA ngunit hindi nya binabasa ang nakasulat doon. Isang mahabang hithit sa sigarilyo, isang mas mahabang buntong-hininga. Paulit-ulit lamang ang tumatakbo sa isip ngunit hindi pa rin niya makabisa ang mga linya at makausad sa gusto niyang gawin. Magkikita sila ng kanyang kasintahan at nababalot ng takot ang kanyang aura ngayon. Naglalakad ang lalaki patungo sa kanilang tagpuan. Habang papalapit ay bumibigat naman ang kanyang mga binti na tila may humihila paatras.

*pagbabalik tanaw*

Mataas ang kanyang pamantayan pagdating sa pagpili ng liligawan. Marami siyang mga hindi pinansin at pinalipas upang mahanap ang babaeng nararapat sa kanyang pagmamahal. Matagal siyang naghintay. Hanggang sa nakilala niya ang isang binibini na sawa naman sa mga panloloko at matagal na ring naghahanap na makakasama na responsable, nakakatawa at malakas ang sex appeal. Una at huli. Inukit nila ang pangako na ito sa kanilang mga puso.

Sa isang piging, nagkaroon ng pagtitipon sina Empoy, Jose, San Mig at RH sa kanyang sistema. Noong gabing iyon ay mayroong hindi pagkakaunawaan ang mag-irog at nagkataon namang may isang dilag na nakakuha ng kanyang atensiyon. Sa isip niya e, lalaki siya. Kung hindi man normal, may karapatan siyang mambabae sa ganoong sitwasyon. Hindi niya sinisi ang impluwensiya ng alak sa kasalanan niya. Kahit wala na ang mga iyon ay muli siyang nakipagkita at nakipagkembelar sa bagong kakilala.

*katapusan ng pagbabalik tanaw*

Sampung minuto pa bago ang kanilang napag-usapang oras. Ito ang unang beses na maaga siya. Nangingibabaw at bakas sa mukha ang pangangamba. Hindi kaya ng kanyang konsiyensiya ang nangyari. Wasak na ang mga prinsipyo niya at ilang sandali pa ay babasagin naman niya ang puso ng mahal niya.

Lumuha ang kanyang kasintahan matapos ang kanyang pag-amin. Planado ang kanyang mga sunod na galaw. Inabot niya ang kanyang panyo upang kahit papaano'y matakpan ang mukhang ayaw niyang makitang lumuluha. Hinawakan nya ang kanyang kamay para iparamdam na nagsisisi siya at umasang maibsan ang sakit na kanyang naidulot. Niyakap niya ito upang mapigilan ang anumang tangkang paglayo o pananakit na maaaring gawin ng babae. Pinaghandaan niya ito. Ngunit hindi niya inaasahan ang maluha-luhang tugon ng dalaga.





"Ako rin."