Friday, December 12, 2008

Muntik Nang Maabot Ang Langit

Anim na taong gulang ako noon. Feeling ko ako si Superman. Suot ko palagi ang red and blue costume na regalo sa akin ng mga magulang ko. Nais kong subukan na tumalon mula sa bubong namin ngunit ayokong may makakita ng taglay kong kapangyarihan lalo na’t probinsiya ang aming lugar. Madaling kumalat ang tsismis at siguradong magugulo ang mga buhay namin.

Ngunit minsan talaga, kailangang gamitin mo nang wala sa oras ang kakayahan mo. Nakatambay ako sa tarangkahan namin at naglalaro ng dyiaydow nang makita ko ang isang tumatawid na kuting sa kalsada. Ang kuting na iyon ay bulag o kaya nama’y napuno ng muta ang kanyang mga mata. Basta hindi siya makakita sa aking pagkaalala. Biglang may paparating na tricycle at tila kuting rin yata ang nagmamaneho. Mukhang masasagasaan ang kawawang feline. Siyempre, bilang batang Superman (Superboy?), gumawa ako ng paraan para mailigtas ang buhay ng kawawang hayop. Tumakbo ako patungo sa kalsada, sinipa ko siya nang malakas para tumalsik sa damuhan at ako nama’y naiwang nakaharang sa daraanan ng sasakyang de-lata.

Miyaaawwrrrr!!!!

Skrrrtttsss!!!!

BLAG!





Mula noon si Batman na ang idol ko at maaaring doon nag-umpisa ang istorya ng paghihiganti ni Catwoman.

**********************************************************************************
Grade school. Sembreak. Nakatambay kaming magkakabarkada sa bahay ng isang kaklase. Lahat kami mga lalaki noon, ngayon may binabae na. Ilang mga kabataan na nasa murang edad at mga inosenteng nangagarap na mamulat sa kamunduhan. Walang ibang tao sa bahay at aksidente naming nakita ang isang 'educational' video. Do the math-sel (tut tut tut turut turut tutut). Agad namin isinalang ito sa vhs. Ito ang hindi puwedeng ituro sa loob ng paaralan na kailangan naming matutunan. Para kaming mga cavemen na nakadiscover ng apoy.

Ako: aru ruba agi buga buga apuy.

Klaysmeyt1: higi hu-wa subatuta ay layk ay layk.

Dinaig pa namin ang senado sa tindi ng pagtutok sa palabas at talagang tiniyaga namin ang rewind at fast forward functions ng player. Sa tuwing nakakakita kami ng mga 'papaya' at mga 'pusa' na hindi basta-basta makikita sa palengke at kalsada, napapasigaw kami dahil sa mga bagong tuklas na kaligayahan.

Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ng tito ng kaklase ko. Sabog ang hitsura at tila bad trip dahil nabulabog namin ang kanyang pagtulog.

Tito ni klasmeyt: putang ina! hindi ba kayo diyan tatahimik?!

Habang sinasabi niya iyon ay may hawak siyang baril at itinutok sa klasmeyt ko.
.
Kung hindi lang ako nabangga ng tricycle ay haharang sana ako sa gitna para masangga ang bala. Salamat nga pala manong na may muta sa maagang pagmulat sa akin. Hindi naman kinalabit ang gatilyo ngunit natahimik talaga kami noon. Ang kaklase ko namang tinutukan ay sanay na. Tila nakabaon na punyal ang titig ng kanyang mga mata sa baril.

Ipinagpatuloy namin ang panonood sa ibang bahay.

**********************************************************************************
Taong 2000. First year college. Papaubos na ang pera ko at hindi pa panahon para magpanggap na callboy. Alas kuwatro pa lang ng hapon. Kung kaya naisipan kong maghanap ng atm at tingnan kung pumasok na ang allowance ko.

Naglakad ako patungo sa atm na malapit sa eskinita. Isang kanto mula sa roon ay may nakita akong tambay na naninigarilyo. Tila ipinaglihi sa gym dahil sa laki ng katawan. Mahaba, kulot ang buhok at isang linggo na yatang hindi naliligo dahil parang diaper na ng sanggol ang kanyang puting sando. Pasimpleng sulyap ako sa kanya samantalang siya ay matagal nang nakatingin sa akin. Hindi ka maaaring magkamali na may masamang balak ang taong ito at kung ipinagpatuloy mo pa ang pagkuha ng pera ay isa't kalahating tanga ka na.

At pumunta pa rin ako sa atm. Nakuha ko ang baon ko para sa buwan na iyon. Kalalabas pa lang ng pera mula sa makina ay nasa likod ko na ang tambay at tinutukan ako ng icepick sa leeg. Ito ang mga sumunod na tagpo:

Tambay: Bosing joldap itech! Wish ko lang wiz ka na shosholag para waz ng umabagan!

Ako: Anda ba or notring ang jonap miz?

Holdaper: Knows mo bey na booking ang jonap ko? Nasa fezlak ko bang badingerzzie akiz?

Ako: Sorry naman koya! Ka fez mo kasi yung mga goonellias sa filmsarru ni Da Khing noh! Cencia! Wit ko knowing!

Holdaper na maton: Give love on Christmas day mo na sa akembang ang bonggang 3210 na ketai at walley mo!

Ako: Plangak! Keri! Yaanchi na!

Nakuha ang pera at selpon ko ngunit hindi ko ibinigay ang aking puri. Hindi rin naman kasi siya nagtangka lols.

**********************************************************************************
Ang mga istorya na inyong nabasa ay hango sa mga tunay na pangyayari ng manunulat at nilagyan lamang ng konting kakulitan. Ito rin ay tugon sa hinog na NDE tag ni lethalverses sa akin.

Thursday, December 11, 2008

Nakakalungkot Lang

.






Handa kang tumulong pero iyong mismong tao ang pumipigil sa iyo.







.

Wednesday, November 26, 2008

A Goddess & An Icon


Isang madilim na kahapon
Pilit kong tinatakasan
Tumakbo papalayo
Upang sa kanyang bisig
ay magsumamo

Simpleng pagmamasid ang aking hiling
Nakapaligid ako sa iyo na tila hangin
Kailangan lang ay iyong pagintindi
Upang tayo ay mapasaatin

Lumulutang sa alapaap
Isip kong ligaw
Hindi makausad
Sa sulok na kinasadlakan
Siya ang tanging pag-asa
Upang lumipas ang lumbay


Ilang dipa lamang ang layo
Milya naman ang mga puso
Napupunit kapag kapiling ka
Gayun din kapag wala ka

Hindi ko alintana pagsuyo ng iba
Tanging hiling ko lang
Pagsinta niyang bukal
Hindi man arok ng isipang payak
May hihigit pa ba sa pagibig na wagas?


Ngunit ang sagot ang siyang bugtong
Sumasapi sa kalat ng mga tanong
Kailan ba magtutugma ang mga saknong
Upang ang istorya ay sumulong?

Ramdam ko ang iyong pagsusumamo
Ngunit di kayang dinggin iyong pagdulog
Puso at isip ay nagkaisa
Tanging nais makapiling ay siya


Ako sana’y iyong mapatawad
Walang dapat ihingi ng paumanhin
Kung pagsinta’y hindi masuklian
Pagibig na kusang ibinigay
Pagka’t hindi maaaring dayain
Walang kapalit na hinihintay
Ang sariling sa kanya lang bumabaling.
Mga nararamdamang walang tulay.

Sunday, November 16, 2008

Regalo sa Pasko

Nalalapit na ang Pasko pero wala pa rin akong nabibili sa iilang taong bibigyan ko ng regalo. Take note: iilan lang. Iilan na nga lang, wala pa akong naiisip nor napipili. Fartness.

Kanina lang e ka-chat ko si greenpinoy. Nabanggit ko sa kanya ang aking munting suliranin. Eto sabi niya:

greenpinoy (gp): Chrone, bakit hindi mo na lang sila bilhan ng maganda at state of the art na Wind Runner ng Nike?

Ako: Ha? Ano iyon?!

gp: Hindi mo alam?! Check mo itong video na ito!

Makalipas ang tatlong minuto at labindalawang segundo...

ako: Oh my gasdude! How come ngayon ko lang nalaman itich?! Kailangan kong magmadali. Sa sobrang ganda nito, tiyak maraming bibili!!! Baka huli na ang lahat! I'm gonna faint!

gp: Taray mo. Bumili ka na bago ka maubusan...

Ako: 'Di na mabiro. Salamat sa links, mukhang may pang-regalo na ako. Hehe...

For more information, click mo ang link sa baba:

http://www.nike.com.ph/windrunner

Friday, November 14, 2008

Hiatus

Mga salitang pinakawalan
Natutulog na sa sisidlan
Hindi na nila alam
Walang silang pakialam.

Siguro ngayon…
Ito ang nararapat.
Kasalukuyang pagtulog
sa habambuhay na pagdumog.



roar!!!

Wednesday, October 8, 2008

Wakasan


Sila sa mga makabagong Pip at Guy.
Kung si Clark Kent mayroong Lois Lane,
si Cyclops naman, ay may Jean Grey.
At kung ganito lang ang pag-uusapan,
mawawala ba eksena sina Peter at MJ?

Sa kanya-kanyang love stories, sila ay tanyag.
Hindi kaila sa kanilang mundo ang dalisay
na pag-iibigang sa isa't isa inihahayag.
Gamit ang kapangyarihan, kanilang naitutulay
ang mga panganib na sa kanila'y inilalapag.

Ang sa akin lang e, bakit iba ako sa kanila?
Isa lamang akong tao, karaniwan ang mga mata.
Ipinanganak sa mundo, 'di sa ibang planeta
Magpapakagat man ako sa gagamba,
sa mga suliranin ba'y maililigtas kita?

Ang tanong ko lang e, magiging tulad ba ako nila?
Maibabalik ang nakaraan sa buklat ng pahina?
May sapat na kakayahan sa bawat oras ipadama
ang kanilang presensiya sa oras ng iyong pag-iisa?
Mali. Isang pagkakamali ang dito ay umasa.

Pangarap na lamang, maihambing sa mga bida.
Hindi kita kayang ilipad kung saan nais pumunta.
Sa aking mga mata, ang lumalabas ay muta't luha.
Pangal ng arachnid, ako ay nangangamba.
Ngunit kung iyong iisipin, higit ako sa kanila.

Iyong suriin at sa obserbasyon ko ay tutugma.
Ang mundo kesa pag-ibig, sa kanila mas mahalaga.
Normal lang ako at kung iyong kinakailangan,
isang text lang at ikaw ay aking pupuntahan
Ako ay tunay, sila ay kathang-isip lamang.

Ikaw na Sue Storm ng nauunat kong buhay,
tinanggihan mo ang tulong ng aking mga kamay.
Sa halip, tinungo mo ang mga bisig ng lumbay
at ang tanging magagawa ko ay sumubaybay.
Ito ang salaysay: poot, hiwalay, bati at away.

Naisulat na ang pagwawakas ng komiks na ito.
Nahigitan pa natin ang labanang Xavier at Magneto,
At marami pa akong pupunuhing pahinang blanko
kaya't ito na ang huli at 'di maiiwastong yugto
ng isang nangarap na maging higit pa
sa isang superhero.

Paalam.

Friday, October 3, 2008

Lashing Heroes Reunion Concert!

Nangangarap lang hehe. Sino ba naman ang magkakaroon ng reunion chorva kung isang awit pa lang ang nabubuo at hindi pa nga nairerekord ito. Ni mga magulang namin hindi pa ito naririnig. Iwawasto ko lang ang pamagat ng post na ito. Patimpalak po ito at hindi konsiyerto.

The Lashing Heroes Reunion Contest!



Ang contest:

1. Tignan mabuti ang litrato sa itaas. GAYAHIN ITO (apat na tao lang) sa pinakamakulit na paraan na alam nyo! Hindi kailangan eksaktong eksakto pero dapat pag nakita yung litrato nyo, ang una naming maiisip ay “Aba! Parang ito yung litrato namin!”

2. Bawal i-Photoshop ang original na litrato. Kaya yung mga nagbabalak magpatong ng mukha, sorry LOL.

3. Ipadala ang entry/entries (oo, kahit ilan ang isumite!) sa lashingheroes@yahoo.com na may subject na “Reunion Contest”, kasama ang pangalan ng lahat ng nasa litrato.

4. Ang contest na ito ay mula ngayong araw hanggang November 7, 2008. I-aanunsyo ang nanalo sa November 8, 2008.

5. Ang mananalong litrato ay pipiliin ng mga Lashing Heroes at mananalo ng Php 1,000 GC at 4 na Greenpinoy Shirts (isang tshirt kada tao sa litrato)!

Eto ang isang sample:


Sali na!

Mabuhay ang Pilipinong Lashing!!!








WEIGHT! Ders Mor!!!

Kung inyong mapapansin, sa unang larawan ay may babaeng nakatingin sa puwit ng isa sa amin. Hulaan niyo kung kanino!

Clue: Nasa Singapore siya ngayon! LOL!!!

Monday, September 22, 2008

Tama Man Ang Bato, Nasa Sasambot Pa Rin

Isa sa mga hindi ko ipagpapalit na moment ay iyong sobrang uhaw at gutom ka dahil kagagaling mo lang sa motel paglaro ng apoy basketball. Tumatagaktak pa ang pawis ko habang nakapila sa isa sa mga fast food chain na nag-aalok ng bottomless drinks noon.

Miss: Good afternoon, sir! Welcome to Carl’s Jr.! My name is Carla (hindi totoong pangalan), may I take your order?

Ako: Miss, isang order ng chicken meal ninyo. Puwedeng breast? Iyong malaki.

Tulala si Carla sa narinig.

Carla: ...

Ako naman ay nagtaka kung ano ang nangyayari sa kanya. Nang biglang yumuko ang binibini at tila nakatingin sa hinaharap niya.

Ako: ...

Sa iyo miss, kung nababasa mo man ito, ito lang ang mga masasabi ko:

1. Sana lang ma-realize mo na walang malisya ang pagkasabi ko ng order sa iyo noon.

2. Oo, napansin ko na malaki nga ang boobs mo pero tingin mo ba iyon ang nasa isip ko noong tinanong mo kung ano ang gusto kong bilhin sa lugar na iyon?

3. Hindi ako pumunta sa isang fast food chain para makita ang iyong balloons. Heller, may internet na kaya? Pagkain at inumin ang habol ko, intiendes?

Mabuti sana kung ganito ang nangyari:

Miss: Good afternoon, sir! Welcome to Carl’s Jr.! My name is Carla (hindi totoong pangalan), may I take your order?

Ako: Miss, pabili nga ng dalawang papaya. Dalawang MALAKING MALAKING PAPAYA! Dagdagan mo pa ng gatas ah? Iyong kapipiga lang.

Habang sinasabi ko iyon ay nakatingin ako sa name plate mo habang nagtutulo ang aking laway nakalabas ang dila at itataas ng mabilis at dalawang magkasunod na beses ang aking mga kilay.

SIGURO pupuwede pa.

Hindi ko makakalimutan ang mga natutunan ko noong araw na iyon:

1. Upang hindi ka mahusgahan ng mga tao na katulad ni Carla, siguraduhing hindi nila mamimisinterpret ang mga salita mula sa bibig mo. Kahit na wala kang malaswang intensiyon, umiwas ka na lang or mag-ingat sa mga bibigkasin mo at baka duraan nila ang inumin mo.

2. Huwag kalilimutang banggitin ang salitang "part" lalo na kung breast ng chicken ang iyong order at malaki ang suso ng kausap mo.

Halimbawa: Miss, isang order ng chicken meal ninyo. Puwedeng breast part? Iyong malaki.

3. Kapag ikaw ay nagugutom at nauuhaw, hindi mo na papansinin ang libog.

Tama ang sabi ng mga nakakatanda, iba na talaga ang mga kabataan ngayon.

Saturday, September 20, 2008

Ang Isang Buwan Sa Loob Ng Tatlong Estropa

*
Habang nagpapabango ka sa buong sambayanan,
sa iyong nagawa sa aming magkakakuntsaba,
hindi mo pa rin sa lahat maitatago’t maibabago
ang ugali mong simpangit ng pagmumukha mo.

*
Habang lumalayo ka at pinipilit na magmalinis,
aminin mong tayo at hindi ako ang nagsimula nito.
Ang puwang at kulang na ngayon ay higit pa sa labis.
Kinalimutan natin ang batas at mga suot na relo.

*
Habang tumatagal, napapatunayan mo,
magkaiba tayo ng landas na piniling tahakin.
Ako ay sa panlilinlang mismo lumalayo.
Ikaw nama’y pinaghari ang dugo ng salarin.

*


Note: Magkakaibang tao ang tinutukoy sa bawat saknong.

Tuesday, September 16, 2008

Kamusta Na Kayo?

Sa mga abaniko na nagtatanong kung bakit wala akong palakihing takda, nais ko lamang sabihin na maraming (malamang hindi lang iisa) nangyari sa akin nitong nakaraang buwan.

Pinili ko lang na huwag ihayag sa lugar na ito ang aking mga saloobin dahil ayokong magbitaw ng mga salita na hindi ko na mababawi.

Huwag mabalisa.

Nandito na ulit ako at muling sasayangin ang oras niyo.

Monday, August 25, 2008

Isang Pasasalamat

Nitong nakaraang sabado, ginanap ang unang outreach ng Greenpinoy family. Humigit-kumulang na 20 tao ang pumunta at nakibahagi sa mga kuwento at pangyayari na aming naranasan noong araw na iyon. Ako, bilang isa sa mga organizers, ay masaya sapagkat marami ang pumunta at kahit man lang sa panandalian, ay nabigyan namin ng ngiti ang mga pasyente at pamilya sa wards 9 at 11 ng Philippine General Hospital.

Maraming salamat sa mga:

1. nag-file ng leave para makasama sa event.

2. hindi natulog (dahil nightshift) at diretso na agad sa venue.

3. nag-prepare ng sandwiches para sa grupo.

4. bumili pa ng mga gamit para sa kanilang donations.

5. ipinagpalit ang ibang lakad nila para dito.

6. pumunta kahit na less than two days lang nilang nalaman ang tungkol dito.

7. officemates na nagpahabol ng kanilang share.

8. humabol pa rin kahit na late na sila.

9. tumakas panandalian sa lablayp.

10. pumunta kahit walang contact number ng mga attendees.

11. humila ng iba pang kasama.

12. bumili ng plastic bags.

13. nagpadala ng pera mula sa ibang bansa na pinambili namin ng donations.

14. nagpadala ng pera na hindi umabot sa takdang oras (kasalanan ko rin). sinisigurado naming magagamit namin iyan sa susunod na outreach. yup, hindi ito ang huli.

15. nagbigay ng information tungkol sa outreach.

16. tumulong sa pagdala ng donations sa hospital.

17. suporta at panalangin na kusang kanilang ibinigay.

18. naghalungkat ng kanilang mga lumang gamit.

19. nagbigay ng encouraging words sa mga pinanghinaan ng loob.

20. bloggers na nagpatunay na salamin ng kanilang pagkatao ang kanilang mga lathala.

21. taong naihanda ang kanilang sarili.

22. taong hindi handa sa ganoong tagpo ngunit pumunta pa rin.

Maraming salamat po! Alam kong marami tayong aral at istorya nitong nakaraang Sabado na maaari nating ibahagi sa mga kasama natin sa landas ng buhay. Kahit na maramdaman nating helpless tayo sapagkat limited ang naibigay o maibibigay natin sa kanila, hinding-hindi tayo titigil sa ganitong klaseng gawain.


(wala nga pala sa pic ang dalawang bloggers na kumuha ng larawan hehe...)

Kitakits sa susunod na outreach! Mabuhay kayong lahat!

Thursday, August 21, 2008

bukas, ang araw ng kasinungalingan




bukas, manganganak ng mga sinungaling
at sila ay magugulat sa kanilang sarili;
sa nagbabalatkayong lunas, dalangin
at sa pag-asang 'sila' ay mapapangiti.

bukas, tayo ang may iuuwi
dadalhin natin hanggang sa pag-idlip;
mga pagkukunwari ng buhay natin
at ang unti-unti nitong pagsilip.

bukas, kung saan tayo'y makikibahagi
sa katotohanang mata'y nakapikit;
sa hiram na sandali sa mga landas
na mumulat sa katotohanang kay sakit.




Sa mga pupunta bukas, maraming salamat sa oras na ilalaan nyo para sa kanila.

Maihahanda lang natin ang sarili natin sa pagpunta, ngunit hindi mismo sa pupuntahan.

Tuesday, August 12, 2008

One Way

by Lashingheroes & Co.

KORO
One way lang ang pag-ibig ko
Ako ba’y titigil na o didiretso?
One way lang ang pag-ibig ko
Saan ba pupunta ang kuwentong ito?

BERSO I
Mag-isa ako sa kalsadang ‘to
Walang pupuntahan, nagmamaneho
Biglang may sumabay doon sa dulo
Nagbago na'ng takbo ng traffic ko...

BERSO II
Kahit mahaba man ang ating byahe
Basta’t kasabay kita, wala nang diyahe
Di mo man marinig aking sinasabi,
Okay na basta’t ika’y nasa aking tabi...

PASAKALYE
O anong saya ng makasabay kita
Panay na ang sulyap ko dyan sa kaliwa
O miss paano ko ba makikita
Ang ‘yong ngiting pupukaw saking mata?

ULITIN ANG KORO

BERSO III
Ngunit nagulat ako ng aking mapansin
Na sa daliri mo’y mayron ka ng singsing
Kaya pala sablay ang aking papansin
Sa puso mo pala’y mayron ng nagaangkin

BERSO IV
At ikaw ay nauna’t sa EDSA’y lumiko,
Gusto ko mang humabol, ako pa ri’y bigo
Expired na ang lumang lisensya ko
Tumitirik pa sa pagod ang kotse ko.

ULITIN ANG PASAKALYE
ULITIN ANG KORO

Tuesday, August 5, 2008

Kapag Nalasing Ka Sa Usok, Paano Ang Hangover Mo?


nararapat ba na ako ay magreklamo?
isa lamang akong umaasa na
mababaluktot ang katotohanan.

kadramahan…

hindi mo na mabilang kung ilan
ang mga katulad ko
na pansamantalang nagbibigay
sa iyo ng kaligayahan;
ang mga katulad ko
na permanenteng umaasa
iyong babalikan.

kahangalan…

umpisa pa lamang
ay katapusan ko na;
pansamantalang pagkalulong
sa piling ng ilan sa iyong mga daliri
at sa iyong labi na mala rosas.

lintik ka, lintik ka!
sa bilis ng iyong pagsawa.
hindi ako balat ng saging
na itatapon na lamang
kapag wala ka ng makuha.

kamulatan…

kailangan ko na lang tanggapin
na ako ay isa na lamang upos
na wala nang kakayahan
na magbigay sa iyo ng usok
na hanap-hanap ng pagkatao mo.

katapusan...

isang sigarilyo na dati'y
malakas ang baga.
ngayo’y naliligo sa ulan
dulot ng 'yong pag-iwan sakin.
isang upos na patay na…




ngunit inaanod pa rin ng baha.


(nahalungkat ko lang sa 1,014 th page ng tickler ko noong college)

Friday, July 18, 2008

Alay Ng Isang Nawawala


Tuwing magsasalita ka, nakikinig ako.
Pinahahalagahan ko ang mga bigkas
mula sa iyong malupit na labi.

Tuwing tatayo ka, yuyuko ako.
Natatakot akong magkasalubong
ang magkaibang landas ng mga mata natin

Tuwing lalapit ka, lalayo ako.
Hindi ako handang harapin ang
mga bagay na maaari nating pag-usapan.










At tuwing susuweldo, natutuwa ako.
Dahil hanggang ngayon, hindi mo
pa ako sinisisante.

maraming salamat idol kong bosing!

Monday, July 14, 2008

Alingawngaw Mula Sa Isang Pipi


Minsan may dumalaw sa chatbox ko at ipinahayag ang kanyang pagkalungkot dahil sa pagpaslang ng isang henyong blogger sa kanyang blog na dulot ng isang makapangyarihang puwersa. Tadhana nga naman, ngayon ay siya naman ang biktima ng parehas na salarin at binura rin niya ang kanyang blog kasama ang mga nailathala niya na kumurot sa mga puso at nagbigay ng inspirasyon sa mga mambabasa.

Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo ang isa sa mga paborito ko sa mga posts niya:

trenta pesos na alaala ng PGH

patawad.
itinuring ka naming
isa lamang sa karamihan
ng mga nakaratay
na katawang
humihinga ma’y
nagbibilang naman
kung ilang hibla pa ng hangin
ang kaya nilang habulin
bago tuluyang bumigay
at tanggapin
ang wakas
na itinakda na
mula ng kayo’y limutin
at ituring
na isang alaala na lamang.

patawad.
bagama’t amin nang narinig
na kulang ka na lamang
ng halagang trenta pesos
upang mapunan
ang pangangailangan mong
gamot,
ay nagpatuloy pa kami
sa iba mo pang mga kasamahan
at nangahas, sumugal,
na sila di’y matutugunan.

patawad.
sapagkat kami’y nagutom
at inuna ang kapritso
ng hangal naming sikmura,
at hindi agarang nakabalik
dala ang iyong gamot
na disin sana pala’y sinulid
na maipantatagpi
sa butas mong puso
na tinatakasan na ng hininga...

patawad.
naging mangmang kami
sa tunay mong kalagayan.

patawad,
dahil ang tangi na lamang dinatnan
ng gamot mong matagal nang hinintay, inasam
ay ang malamig mong katawan na binalutan na ng kumot.

...ang kumot na tangi mong kasama’t
karamay
sa nabigo mong laban
na dugtungan ang buhay
na amin namang ipinagpalit
sa kalahating oras
na pagkain ng tanghalian.

* Based on a true account of a visit to PGH ward, Manila.


Dito ako humanga sa taong ito. Ito rin ang dahilan kung bakit nanghihinayang ako sa pagkawala ng blog niya. Dahil marami ngang bloggers sa maliit na mundo ng internet ngunit bibihira sa kanila ang may puso at pangil sa kanilang mga inilalathala.

Isa siyang malaking kawalan!

Maraming salamat lethalverses sa pag-aya mo sa akin sa blogosphere. Ako naman ang hahatak sa iyo. Alam kong panandalian lamang iyan at babalik ka rin katulad ni Jeck!

Friday, June 27, 2008

Krisis Sa Kalikasan


Bakit ko pipitasin
ang isang magandang bulaklak
Kung batid ko naman
na matitinik ako?

Bakit ko sasalubungin
ang paparating na hangin
Kung matatangay lamang ako
sa lakas nito?

Bakit ko susungkitin
ang isang mataas na prutas
Kung baka sa huli
ay malalason rin lamang ako?

Bakit ako magpapaanod
sa aruga ng malinis na batis
Kung hindi ko kaya
sukatin ang lalim nito?

Isa lang ang sagot...













Dahil ikaw.

Friday, June 13, 2008

Keso


Ang daming miles man tayong apart.
Alam mo namang laman ka ng heart
Ang iyong tawa, boses, at mabighaning smile.
Pinaiikli nila ang bawat mile.

'Pag tulog ko sa pagdating ng night
Sa panaginip ko ikaw ang sight
Wish ko lang kahit one night
Andito ka and I’ll hug you tight.

Feeling ko ako ay bruised and battered
Dahil sa distance - shet, I’m shattered
Seems like the layo is lupa to sky
Ngunit walang give up, walang goodbye.



Ayon sa Gabby's Dictionary:
CHEESE (chiz) n.- keso; bagay na mala-keso; importanteng tao (pauyam ang dating)

Wednesday, June 11, 2008

Binigyan Ako Ng Kalahating Basong Tubig


Dalawang segundo na lang ang natitira sa laro. Lamang ang kalaban ng dalawang puntos at ang ball possession ay sa koponan namin. Planado na ni coach ang lahat at sa larong ito, ako ang may pagkakataon na maging hero.

Inaasahan na ng kalaban na ako ang titira sa play na ito dahil limang three point shots na ang naipapasok ko sa laro. Alam rin ng kalaban na hindi na namin itatabla ang iskor dahil lima na lang kaming lalaro kapag nauwi sa overtime. Fouled out na ang tatlo, injured ang dalawa at ang mga natira ay sinundo na ng kani-kanilang mga nanay.

Nasa tamang puwesto na kaming magkakampi. Binigay na ng ref ang bola sa kakampi ko para sa inbound at inumpisahan na ang pagbibilang. Matindi pa sa Elmer’s Glue ang lagkit ng depensa ng guwardiya ko sa akin. Mula sa baseline ay dalawang mabilis na hakbang patungo sa kanan ang ginawa ko at sumunod ang mokong. Bigla naman ako bawi at tumakbo papunta sa kaliwa. Sakto ang screen ni kakamping power forward at nakawala ako sa depensa pero may nakaabang agad na isa pang asungot. Mabuti na lang at na-anticipate ni coach ang mangyayari. Isa pang screen ang dinaanan ko at ako’y libreng libre na sa three point area. Mabilis at tama lang ang pasa sa akin.

Handa na akong i-shoot ang bola. Handang-handa ako. Ilang beses ko nang sinanay ang sarili ko sa ganitong sitwasyon. Alam ng mga kasamahan ko na hindi ako natatakot tumira sa ganitong okasyon at alam rin nilang kaya kong ipanalo ang laban.

MILLER TIME!

“Shooter! Iyong shooter!” sigaw ng kabilang coach.

Huli na ang paalala niya. Naitira ko na ang bola. Ramdam ko sa bitaw at sa follow through na tama ang tira ko. Nakaangat pa ang shooting hand ko at napasigaw agad ako.

“Panis kayo!”

Tulala ang mga kalaban.

Tulala rin ang mga kasamahan ko.

Hindi nila akalaing anlakas ng loob kong sumigaw ng ganoon. Ni hindi man lang kasi tumama sa ring ang bola. Kapos!

Naglakad ako pauwi na hindi matanggap ang nangyari. Aykentbilibid. Nakayuko ako at sinipa ang mga basurang sumalubong sa dinaraanan ko. Lata, plastik, resibo, papel, balat ng saging, buto ng manok, candy wrapper, patay na daga at pulitiko. Basta basura, sinipa ko. Hindi nagtagal ay napansin ko na papalapit ako sa kanto ng Estrada at Leon Guinto. Bigla akong tumigil sa kinatatayuan ako. Shet! Olispagetingsiyet! Hindi ko nakuhang dumaan dito. Naholdap na kasi ako sa lugar na ito. Isang mamang kamukha at kasing-katawan ni Max Alvarado ang tumutok ng ice pick sa leeg ko. Wala akong magawa kundi ibigay ang puri este pera ko at ang Nokia 3210 na nagkakahalaga pa ng walong libo noong panahon na iyon.





Nag-iba ako ng ruta kahit na madadagdan ng sampung minuto ang paglalakad ko pauwi. Napadaan ako sa isang convenience store at bumili ng C2 at tsokolate. Ang C2 ay para mapawi ang uhaw sa paglalakad. Ang tsokolate ay kakainin ko kasabay ng paglapa sa natira kong ulam kanina. Pechay Guisado! Napakagandang kombinasyon. Pechay at tsokolate. Hindi ko alam kung ano ang trip ni mama noong pinagbubuntis nya ako kasi pinaglihi raw niya ako sa dalawang pagkain na ito. Ako naman, dahil doon ako pinaglihi, sinubukan ko kung anong meron sa dynamic duo na ‘to. Naadik ako sa sarap.

At iyon nga, one thousand kitty steps na lang at makakauwi na ang talunang mandirigma (ako iyon!). Gutom at excited na ako. Ngunit hindi yata kampi sa akin ang suwerte nang gabing iyon. May isang kumakaripas na kotse na patungo sa kinalalakaran ko. Siyempre kahit na pagod na ako ay alerto pa rin ang utak ko! Tumabi ako sa daanan upang makaiwas sa disgrasya pero hindi ko nailagan ang tumalsik na putik na galing sa lubak na dinaanan ng sasakyan. Daig ko pa si Leonardo Manecio, Sr. Alam kong nakita ng driver ang nangyari pero hindi niya inatras ang sasakyan upang humingi ng paumanhin. Dire-diretso lang ang loko. Titirahin ko na sana ng Rei Gun kaso maraming madadamay na mga inosenteng tao.

Wala rin namang mangyayari sa akin kung papaapekto ako sa mga hindi kanais-nais na kaganapan. May mga araw lang talaga na malas ka at akala mo pinaglalaruan ka ng pagkakataon pero keribels lang. Ganyan talaga ang buhay. Umuwi na lang ako, naligo at ngumiti dahil papapakin ko na ang aking hapunan.

Friday, June 6, 2008

Guitar Hero


Katatapos lang ng basketball game namin at medyo pagod ako sa bakbakan. Bihira lang kasi ako ibabad ni coach at hindi ko kinaya ang sampung minutong playing time. Tiningnan ko kinakalawang kong cellular phone. Si Crush, nagtext, may sakit at maaga raw matutulog. Siyempre kinamusta ko pero hindi ko na kinulit para makapagpahinga naman siya.

Dahil hindi pa ko inaantok, kinuha ko ang gitara at sinubukang kumpletuhin ang pagbago ng lyrics ng isang sikat na kanta ng Vst & Co na naumpisahan namin ng barkada ko. Eto ang kinalabasan:

Walang iba pang sasarap
Sa pagkain ng saging
Sana ay di na magwakas
Itong movie ni Lapid

Saging natin
Ay wag na wag mong kalimutan
Pangako ko naman
Na lagi kong titikman
Magpakailanman

Ang isang piling
Ay pang maramihan
Hindi pang dalawahan
Kaya’t sa ating saging,
Tayo ay magbigayan

Ah-ha-ha, ang saging na ‘to
Ay isusubo ko, oh-ho-ho
Ah-ha-ha, isubo mo
Ang banana q’ng ‘to
ah-ha-ha-ha-haaa

Hindi tungkol sa kabaklaan ang lyrics na yan. Mahilig lang talaga ako sa saging dahil parehas sila ng tinapay.

Seriously aside, sa pag-iisa ko ay napagisip-isip ko na malaki pala ang impluwensiya ng gitara sa buhay ko.

Noong una, gusto ko lang talaga matuto dahil naiinggit ako sa mga kaklase ko na marunong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling kumanta kaya nandoon lang ako sa isang sulok, nakaharap sa pader at inuuntog ang ulo. Biro lang, siyempre.

Naalala ko pa noong una akong bumili ng gitara. Nasa kolehiyo ako noon. Pumunta ako sa Sta. Mesa dahil doon makikita ang mga de-kalidad na mga gitara sa Maynila. Dala-dala ko ang aking life savings na nagkakahalaga ng isang libo at limandaang piso. Pinigilan nga ako ng bespren ko dahil baka nahihibang na raw ako pero hindi nagbago ang isip ko. Sapat na iyon para makabili ako ng magandang gitara. At iyon nga, nabili ko ang pinakauna kong gitara na pinangalanan kong Luntian dahil sa kulay niya. Arf!

Noong umpisa hindi talaga kami mag-jive ni Luntian. Hirap ako sa kanya. Puro problema ang dinudulot nya sa utak at daliri ko. Matapos ang ilang libong pagpipilit na masanay sa kanya ay sumuko ako. Ayoko na. Binenta ko siya.

Panandaliang kinalimutan ko ang gitara pero sadyang nakakatuwa ang tadhana. Sinubukan ko muli maggitara (hindi ko maalala kung bakit). Bumili ako ng bago subalit tulad ng una, hindi ko siya masyado pinapansin.

Minsan nagkaproblema ako at wala akong makasama. Sandalan ko? Ang gitara. Alam ko nagtatampo iyan, pero tanggap pa rin ako. Kasama ko siya at hinahayaan niyang ibuhos ko sa pagtugtog at pagkanta ang saloobin ko. Hindi rin siya nawawala kapag umiibig ako. Tinutulungan niya akong dumiskarte at ipahayag ang nararamdaman sa aking irog. Hindi na mabilang ang mga okasyon na kabahagi ko siya.

Bilang ganti ay pinakita ko sa kanya na kaya kong suklian ang mga nagawa niya sa akin. Masunurin. Simple lang naman e, sumunod ka sa chords at hindi magiging sintunado ang kanta mo. Hindi nagtagal at natuto rin ako sa tamang pagkapa sa mga awitin ng buhay. Disiplina at determinasyon. Pinag-aralan ko ang mga dapat matutunan kahit na magulo at hindi ko maintindihan. Hindi nagtagal, unti-unti kong naunawaan at hanggang ngayon ay nagagamit sa ibang larangan ang mga leksiyon niya sa akin. Dahil sa kanya ay isa na akong ganap na musikero na puno ng disiplina at respeto sa sarili't kapwa.

Baduy ba? Ewan ko, pero bigla ko lang naalala ang mga magulang ko sa huling dalawang talata.

Monday, May 26, 2008

Huwag Mong Buhayin Ang Bangkay!

You wouldn't steal a Car.
You wouldn't steal a Handbag.
You wouldn't steal a Mobile Phone.
You wouldn't steal a Movie.
Movie Piracy is Stealing.
Stealing is Against the Law.
Piracy. It's A Crime.
May punto nga naman ang gumawa ng campaign na ito. Hindi ako magtatangka na magnakaw ng wallet o Nokia 3210 dahil nga masyadong mapanganib. Wala akong balak subukan kung sino sa amin ni Yagami Light ang mas matalino pagdating sa diskarte o kung sino sa amin ni Pong Pagong ang mas mabilis pagdating naman sa takbuhan.
Hindi present ang awareness na ito sa karamihan dahil hanggang ngayon ay laganap pa rin ang pagtangkilik ng mga tao sa mga piniratang dibidi. Bakit nga ba nagiging hipokrito ang mga tao pagdating sa ganitong uri pamimirata? Simple lang. Paano kung may magsabi sa iyo, “Pare, gusto mo i-burn kita ng kotse? Bente pesos lang, original quality pa.”, hindi ka ba bibili?
Dahil sa walang kuwentang pangangatuwiran na yan ay naging suki ako ng mga tindera ng debede sa Quiapo. Mahilig ako sa mga palabas na katatakutan lalo na iyong may kinalaman sa mga zombie o patay na nabubuhay.
Minsan umuwi ako ng bahay na may pasalubong na pirated dvds para sa aking sarili. Una kong pinanood ay porn este comedy. Pangalawa, documentary. At para sa finale ay ang aking paborito, horror! Pinatay ko ang ilaw ng kuwarto para maramdaman ko talaga ang takot na idudulot ng palabas. Sampung minuto makalipas ang ikatlo ng madaling araw o mas kilala bilang oras ng witching hour. Kasasalang ko lang ng disc nang biglang tumunog ang landline ko. Susmariano! Ilang beses ko nang napanood ang ganitong situwasyon. Sasagutin ng bida ang telepono at biglang tatakutin siya ng tao sa kabilang linya o kaya nama’y nasa paligid lang niya ang killer at anumang oras ay susunggab na siya.
Ring!!!
…..
Ring!!!
ako: Hello?
unknown caller (uc): Chie…
ako: Sino 'to?
uc: ‘Di mo na ko kilala?
ako: Magtatanong ba ako kung kilala kita? Wala naman akong caller id.
uc: Hayop na ugali yan…
ako: Haha! Kung kilala mo nga ako, alam mong nagbibiro lang ako.
uc: Si _____ ‘to.
ako: Haha! Nice try. Sino ka nga talaga?
suspected pretender (sp): Ako nga talaga ‘to. ‘Di mo ko nabobosesan? May sipon ako.
ako: Nope. Patunayan mo nga. Ano ang nangyari noong unang date natin?
sp: Naman e!
ako: Bakit ‘di mo masagot?
sp: Fine! Sinundo mo ko sa school. Kumain tayo sa Savory tapos nagbilyar sa second floor. Nagbibiruan tayo noong pauwi na. Tumawa ako sa ‘pating’ joke mo kaya tinulak kita. Napalakas pala at dahil doon ay nakatapak ka ng tae ng aso. “Putangina, jackpot!” Iyon pa ang sinigaw mo.

ako: Ikaw nga iyan. Sensiya na, ‘Di talaga kita nabosesan. Hehe…
x: Ayos lang. Tagal na rin 'no? Halos kalahating dekada na.
ako: Oo nga, teka ano yang music na naririnig ko?
x: Wait lang, lakasan ko…
Nandyan pa ba,
Mga ala-ala?
Ang tanging bagay na naiwan
sa 'ting dalawa.
ako: Ayos! Mojofly! Haha… Teka, ba’t ka nga pala napatawag?
x: ‘Ala, nangangamusta lang… Sikat ka na ah! Nakikita kita sa Greenpinoy!
ako: Hindi ako iyon.
x: Mabaog ka man?
ako: Fine, ako iyon pero hindi ako sikat. Pucha, e di sana artista na ko sa dos. Ay mali, sa kabila pala.
x: Galit ka pa din sa ABS? Alam naman nating nauna ang out-of-bed look mo kesa kay Dao Ming Shit. Iyon nga lang, iyong mga taong hindi ka kilala, iba talaga ang iisipin at tatawagin ka talagang Dao. Dao Ming CHIE!!!!!!!! Ahahaha!!!
ako: Maraming salamat sa pagpapaalala. Hinayupak na F4 yan hehe. Tuloy nagpakalbo ako nang wala sa oras. Pero masaya naman ang semi-kalbo, tipid sa shampoo. So salamat na rin sa kanila hehe…
I'm saying i love you againAre you listening?
Open your eyes once again
Look at me crying
ako: Hayop sa soundtrip. Kelan ka pa nahilig sa pinoy music?
x: Naka-random lang ‘yung setting ng player ko.
ako: Labo, hindi ka mahilig sa OPM. Pinapalitan mo pa nga ang radio station kapag local ang kanta. Lagi nga tayo nag-aaway diyan.
x: Wala lang…
ako: …
x: Balita sa iyo? Sa lovelife? Kina Hafitz?
ako: Ayon, kamukha pa rin niya si Super Mario. Ako naman callboy na ngayon. Every night marami bookings.
x: Ulol! Iyong seryoso?
ako: Ano ba talaga sadya mo?
x: I just want to apologize sa nangyari before. Inaamin ko bata pa ako at tanga ako noon.
ako: ‘Tagal na kitang pinatawad.
x: …
ako: …
x: ‘Di mo sinagot ang isang tanong ko.
ako: Alin?
x: Lovelife.
ako: Single.
x: Bakit naman? La ka bang nililigawan or crush man lang?
ako: Kailangan mo pa bang malaman?
x: Fine. Puwede ba tayong magkita?
ako: Para saan?
Sa dinadami-dami ng nakilala
Sa’yo lang ako nagkaganito
Walang kapantay, walang kaparehas
Walang kasing-lakas ang tama mo
ako: Nakakagulat naman yang music mo. Biglang hina, biglang lakas. Patayin mo na lang.
x: Ah ok, sige. Kita tayo. Kuwentuhan. Treat ko.
ako: No, thanks! Dito na lang tayo usap sa phone.
x: Actually Chie, kaya ako…
You know me well,
You know it's wrong
Then what is it you feel?
You hide behind those perfect smiles
It won't fool me, cause you already did

x: Ay fucha! Kaw naman ngayon nagpapatugtog!
ako: Hehe… Ano sabi mo? ‘Di mo yata natapos.
x: Sabi ko kaya ako tumawag kasi… kasi… k-k-kase..
ako: Kasi?
x: I want you back.
ako: …
x: …
ako: Bullshit.
x: Seryoso ako.
ako: Huwag kang magsinungaling. Ano ba talaga ang reason?
x: Iyon talaga. Namimiss kita. Namimiss ko tayo.
ako: Kasinungalingan na naman. One more and I’ll end this conversation.
x: Fine! Niloko ako ni boyps at gusto ko gumanti. Tingin ko ikaw ang perfect accomplice dahil sa selos na selos siya sa iyo.
ako: Tangina, ayos ka rin ano? Matapos mo kaming pagsabayin at piliin siya over sa akin ay nakuha mo pang planuhin ang ganito? Puta ka! Hindi ka pa rin nagbabago. Lalo ka lang naging selfish!

Ang nakausap ko ay mas malala pa sa isang zombie dahil ang puntirya niya talaga ay puso. Binagsak ko ang telepono at hindi ko alam kung dapat ko pang ipagpatuloy ang nabitin na panonood. Sapat na siguro ang isang horror experience sa isang gabi.

Thursday, May 22, 2008

Test Paper

Narito na po ang sampung katanungan na maaaring magpanalo sa iyo ng libreng chibog. Basahin lang ang Tagged! post (nasa baba) para sa mga tuntunin.

1. Sino ang blogger ang ayon sa kanya ay kamukha raw niya ang tatay ng isang napakagandang Kapamilya actress?

2. Ano ang pangalan ng kalye kung saan ako naholdap?

3. Ano ang title ng pinakauna kong post sa blog na ito?

4. Saan ako pinaglihi?

5. Ano ang pangalan ng town kung saan ako lumaki?

6. Ano ang kulay ng una kong gitara?

7. Aling link(s) ang magdadala sa iyo sa isang error message?

8. Bakit galit ako sa ABS-CBN noong nag-aaral pa ako?

9. Ayon sa post, ano ang title ng kanta na siyang alert sound para sa mensahe ng aking cp?

10. Sino ang kaibigan ko na kahawig ni Super Mario?

Kung hindi niyo masagutan lahat, antabay lang kayo sa mga susunod na posts. Hehe...

Wednesday, May 21, 2008

Tagged!

La naman ako maisip na mga bagay na puwedeng ibahagi sa inyo sa ngayon. Kung kaya't naisipan ko na lang na gumawa ng paligsahan para mas makilala niyo ako.

Simple lang ang patimpalak na ito. Magbibigay ako ng sampung katanungan tungkol sa akin at sa blog ko. Sinisigurado ko sa inyo na ang mga sagot ay matatagpuan sa site na ito. Maaaring sa previous, current or future posts, sa comments, sa profile, o sa rectum ng blog ko makikita ang mga tamang kasagutan.

Sa ngayon wala pa sa bente ang posts ko kaya hindi naman siguro kayo mahihirapan maliban na lang kung super tamad ka.

Ang unang makakuha ng sampung tamang sagot at i-email sa chroneicon@gmail.com ay ang siyang mananalo. Sa mananalo, pasalamatan niyo si Steph dahil sa tag niya sa akin.

Siyempre kailangang may premyo. Sagot ko ang meal ng mananalo sa place of his choice pero up to Php 1,000 lang. Kahit ilan isama niya ay walang problema basta't hanggang dun lang ang mailalabas kong pera. Kuripot este mahirap lang ako. Kayo na ang bahala sa sobra. Kahit isama pa niya ang mga babaeng niloko at pinaasa ni ____________ ay okay lang. Kailangang lang nating ipasara iyong place dahil sa dami ng pupunta. ODKP!

Qualify ko lang na dapat ang preferred venue niya ay located or malapit sa isa sa mga lugar na ito:

1. Makati
2. Manila
3. QC
4. Ortigas
5. Pasay
6. Las Piñas.
7. malapit sa Lrt1 o Mrt stations

Wala po akong sapat na salapi para pumunta sa ibang isla o sa malayong lugar. (Puwede niyo namang sagutin ang pamasahe ko papunta-pabalik at accomodation or hintayin mo na lang na magkasalubong ang landas natin. Ahihihi...)

Sa ngayon hindi pa kumpleto ang mga tanong ko. Abangan niyo na lang sa susunod na posts. Hehe...

Saturday, May 17, 2008

5.17


Timeout muna sa pangungulit. Medyo natagalan din bago ko ipost ito. Hindi ko matapos-tapos dahil pinangungunahan ako ng luha at emosyon. May namimiss lang kasi akong isang tao. Lalaki siya.

Oo, isang lalaki ang hinahanap-hanap ng aking puso. Hanggang ngayon hindi pa ako nakakarecover. Biglaan kasi ang pagkawala niya sa buhay ko at mundo. Naalala ko pa, college ako noon. Hapon pa ang pasok ko kaya’t tumambay muna kami ng barkada ko sa mall at naglaro ng Nba Live. Pagkatapos ng laro ay naglalakad na kami patungo sa exit ng mall. Biglang may tumawag sa cellular phone ko.

Tita ko ang tumawag. Binigay niya sa akin ang malungkot na balita. Agad kong tinawagan ang mama ko pero hindi ko rin makausap ng matino. Biglaan kasi. Atake sa puso. Naisugod pa naman sa ospital at sinubukang bigyan ng lunas ngunit talagang oras na niya. Patay na siya at walong oras ang layo ko sa labi niya.

Tulad ng isang pulubi, naghihintay ako sa limos ng iyong piling.
Araw-araw akong nagugutom at naghihintay sa hindi mangyayaring
pagbabalik mo sa mundo.


Mula Manila ay bumiyahe agad ako patungo sa Daet. Doon ko lang naranasan ang nag-iisip ng wala buong biyahe.Hindi ako naniniwala sa nangyari. Hindi tinatanggap ng sistema ko ang balita. Gusto kong magpaiwan sa panahon.

Derecho agad ako sa punerarya. Wala akong pakialam kung madapa ako sa daan o manakawan. Gusto ko lang mapatunayang hindi totoo ang balita. Pagdating ko roon ay tito ko ang unang sumalubong sa akin. Niyakap ako. Naluha na naman ako. Sa loob, nakita ko si mama at unti-unting akong lumapit sa ayokong puntahan. Doon na sumabog ang puso ko.

Tulad ng mga larawan, nakikita kita ngunit hindi nararamdaman.
Alaala mo na lamang ang nagbibigay buhay sa mga nabihag na
sandaling pagsasama.


Maraming akong pangarap na balak gawin na kasama siya. Hindi ko iyon nasabi lahat sa kanya. Maayos naman ang pagsasama namin pero kulang lang ako sa pagpapakita na mahalaga siya sa akin. Mayroon man akong sama ng loob ay hindi na namin ito maaayos. Ang tanga ko. Binigyan ako ng mahigit limampung taon para ayusin at pagandahin ang relasyon namin pero wala akong ginawa. Huli na nang marealize ko ito.

Nakabaon sa akin ang lahat ng pangaral mo.
Hindi ko makakaligtaan ang lahat ng pinagsamahan natin.
Mahal ko po kayo. Abangan niyo kami sa gate ah?

Happy Birthday Dad!

Monday, May 5, 2008

Sagot sa Walang Kasagutan


Hindi ko alam kung paano nangyari pero natuklasan ko na lang na may kakaiba akong kapangyarihan.

Pawisan akong naglalakad pauwi ng apartment. Kakaiba ang nararamdaman ko. Huli ko itong naramdaman noong nakita ko sa isang mall si Madam Auring kasama ang kanyang boyfriend at sila ay naghaharutan. Nasusuka ako. Pagkarating ko sa bahay-paupahan ay agad akong tumungo sa lababo para sumuka. Nagulat ako sa lumabas mula sa bibig ko. Bigas! Sandamakmak na butil ng bigas! Olispagetingsyet! Gulat na gulat ako! Hindi ko maipaliwanag ang nangyari. Hindi na rin ako nag-abala pang alamin pa ang pinagmulan nito dahil palabas noon sa Cinema One ang Sige, Ihataw Mo! ng UMD at inabangan ko ang tanging paganap na kontrabida ni Vhong Navarro sa pelikula. Ang alam ko lang ay isa itong biyaya dahil alam kong makakatulong ako sa mga kapwa ko na mas nangangailangan. Sabi nga ng isang kaibigan ko, “ang anumang meron ka, kinuha mo sa wala". Handa akong ibalik iyon sa “wala”.

Bago ko gawin iyon ay kailangan ko munang pag-aralang mabuti ang pambihirang kapangyarihan . Pumasok ako sa kuwarto at isang matinding concentration ang ginawa ko. Pikit-mata na inisip ko ang mga butil ng bigas na lumalabas sa aking katawan at unti-unting kong naramdaman ang lakas at ang pagbabago. Fwurrrrt! Tangina, ang kati pala ng bigas sa puwit. Muli akong nagtangkang pag-aralan ang pambihirang kakayahan at nakuha ko ang pagpapalabas ng bigas sa aking palad.

Isang boses mula sa hindi nakikitang nilalang ang narinig ko.

boses: Magandang umaga, Boks!

ako: Professor X?

boses: Tanga. Nagtatagalog ba iyon?

ako: Eh sino ka? Bakit mo alam ang pangalan ko?

boses: ‘Di na mahalaga ang pangalan ko. Ang importante ay maipaliwanag ko ang nangyayari sa iyo. Tuwing anim na taon ay may taong binibiyayaan namin ng kapangyarihang tulad ng sa iyo. Inaasahan namin na ipagpapatuloy mo ang pagiging isang responsableng tao at mamamayan ngayon pa na may powers ka na. Tangina, huwag ka nga magkamot ng puwit!

ako: ‘Di ako makapagpalit ng salawal kasi baka silipan mo ako!

Hindi nagtagal ay nakilala si Boks at ang kanyang pambihirang kakayahan. Katulad ng inaasahan ng mahiwagang boses ay paglilingkod sa bayan ang kanyang inuna. Araw-araw siyang tumatambay sa mga palengke at doon ay namimigay ng libreng bigas sa mga tao. Nilibot niya ang buong Pilipinas at sa kanyang simpleng paraan ay nakalimutan ng bayan ang salitang gutom.

Subalit hindi ito nakatakas sa mata ng mga mapagsamantala. Mabilis lang at natagpuan nila ang ating bida na tila pagod na rin sa serbisyo.

mapagsamantala: Boks, gusto mo bang maging milyonaryo? Magagamit natin ‘yang powers mo.

Boks: Nakikinig ako. Ganda ng wristband mo ah…


Ngayon ay isa na siya sa mga kinasusuklaman ng tao. Nagbago ang kanyang mga prayoridad sa buhay. Nangibabaw ang tawag ng salapi laban sa bulong ng pangangailangan ng sambayanan. Bigla na lamang nawala ang libreng rasyon at pinerahan niya kasama ng mga sindikato ang Tokyo Tokyo at ang Mang Jimmy’s sa pag-supply ng bigas. Naging bingi siya at tila salitang Shyriiwook (uuuy hindi alam, click mo na!) na lamang ang mga hiyaw ng mga nangangailangan.

Wala pang anim na taon ngunit binawi na ang pambihirang kakayahan. Muli, naghanap ng kapalit ni Boks ang mahiwagang boses. At tulad ng dati, wala rin siyang kasiguraduhan. Wala siyang magawa kundi ang umasa na ang susunod na mabibiyayaan ay magiging tunay sa kanyang tungkulin.

=Wakas=

bata: Kuya Bodyi, bakit ganun ang ending ng story, ‘di maganda?

Kuya Bodyi: Dahil naniniwala ako na hindi na dapat maghintay ng isa pang People Power para lamang tumatak sa inyo ang mga aral sa kuwentong ito.

bata: Ano?

Friday, April 25, 2008

Sana Ikaw Na Lang Si Maja Salvador

Dahil limang piso lang ang kailangan at updated na ako sa iyo. Hindi ko na kailangang umupa pa sa Netopia tuwing weekend para maghintay sa mga kuwento mo.

Dahil saan mang lipat ko ng channel sa telebisyon ay makikita na kita. Hindi ko na kailangang dumaan pa sa butas ng protozoa para lang masulyapan ka.

Dahil isang {keyword} space ON and then send to 2366 lang ay magtetext ka na. Hindi ko na kailangang maghintay pa sa message mo na ‘di mo naman ipapadala.

kamtutinkopit, huwag na lang…

Dahil ang tabloid na bibilhin ko ay puro tsismis lang ang nakasulat. Dahil isang palabas lamang ang pagkatao na ipapakita mo sa tv. Dahil kalokohan ang isang artista na ang textmate ay ang buong Pilipinas.

Maghihintay na lang uli ako sa madalang na pagpaparamdam mo sa akin...
















BUZZ!!!

Thursday, April 24, 2008

April 24 Ngayon!



Kaarawan ng aking minamahal na mother ngayon at siyempre kailangang katangi-tangi ang post ko.

Alam ko na hindi siya nagbabasa ng mga inilalathala ko sa blogosperyo dahil marami siyang pinagkakaabalahan sa buhay na mas importante (at para na rin sa aming ikabubuhay). Subalit nararapat lang na ipaalam ko sa mga sumusubaybay (at para namang meron ) sa blog ko kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ko ipinagyayabang ang mga nagawa at ginagawa niya para sa aming pamilya.

Ang mama ko ang tao na may pinakamahabang pasensiya sa mundo. Noong musmos na batang paslit pa lamang ako ay nasa siko ang isang mata ko, nasa kanang hintuturo ang bibig ko at ang kili-kili ko ay naman nasa tuhod. Ngunit sa kabila nito ay pinagtiyagaan niya ako at unti-unting hinubog na maging tao. Nabago niya ang pagiging halimaw ko. Pinalaki niya ako na may tiwala at pagmamahal sa sarili. Tinuruan niya ako nang tamang paggalang, respeto at pakikitungo sa kapwa.

Ang nanay ko ang pinakaunang tao na pumigil sa akin na mag-artista. Hindi naman raw sa pangit ako. Ayon sa kanya, kayang-kaya ko naman raw pantayan ang pagmumukha ni Clint Howard (tingnan ang larawan sa baba) ngunit ayaw niya na makarinig ng mga tsisimis na nag-uugnay sa akin sa iba’t ibang mga babae. Iyong tipong ngayon ay napapabalita na lumalabas raw kami ni Angel Locsin tapos sumunod na linggo ay kami na raw ni Marian Rivera. Isang buwan pa siguro at posibleng iulat na kasal na kami ni Scarlett Johansson. Ayaw lang niyang mabahidan ng mantsa ang aking good boy image. Sumasang-ayon naman ako doon.


Clint Howard

Okay, balik tayo sa realidad.

Masayang masaya ako at siya ang aking naging ilaw ng tahanan. Sa kabila ng aking pagiging sakit sa ulo at sa dinami-rami ng aking mga pagkukulang sa kanya, hindi niya naisipang paluhurin ako sa unan na naglalaman ng bubog at sa halip na pamamalo ng latigo at pagbuhos ng asido sa puwit ay binusog niya ako sa sermon at pangaral. Inakay niya ako sa mga lansangan ng buhay nang wala man lang hinahanap na kapalit.

Tulad nga ng sinabi ko kanina, dito ko ipapaalam sa lahat ang iyong kabutihan at pagmamahal na halos lunurin ako. Kulang na kulang ang space ng blog na ito para maipahayag ang pagmamahal ko sa iyo. Higit pa sa bilang ng mga letra sa post na ito ang bilang ng mga sakripisyo na nagawa mo para sa amin. Saludo po ako sa iyo. Mahal na mahal ko po kayo.

Kaya para sa iyo ‘Ma, happy birthday po! Paburger ka naman! Burger! Burger!

Monday, April 21, 2008

Paano Mo Mapapasaya Ang Isang Robot?



Mababaw lang ako. Hindi ako mahilig bumili ng mga magarang bagay o gumastos nang pagkalaki-laki para lang sumaya. Makakita lang ako ng old couple na magkasamang tumatawid (at inaalalayan pa ni lolo si lola) ay tumutulo na ang luha ko. Maramdaman ko lang ang sariwang hangin sa gitna ng aserong gubat na ito ay napapapikit ako dahil pakiramdam ko ay nasa alapaap na ako. Ganyan ako kababaw pero hindi ko ito ikinahihiya. Simple pero rock.

Isa ako sa mga nilalang na umaaligid sa mga gusali sa Makati tuwing sasapit ang gabi. Ilang linggo na rin akong ganito pero naninibago pa rin. Magkasalungat ang umaga at gabi ko sa karamihan sa inyo. Ang oras nang pagkain ko ng breakfast ay alas-siyete ng gabi. Ang evening news ko ay Magandang Umaga Bayan. Napapasayaw na nga ako sa Locomotion ni Ogie Diaz pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. Promise. Naranasan ko na rin ang magpuyat sa tanghali.

Minsan, napaaga ang gising ko pero dahil sa katamaran ay natulog uli ako. Nang muling magising, ilang minuto na lang at late na ako sa opisina. Olispagetingsyet! Simbilis ng ninja turtle na natatae ang mga kilos ko at upang mapadali ang biyahe ay pumara ako ng taxi.

ako: ‘Gandang umaga manong. Sa Makati lang ho…

taxi driver: Gabi na.

ako: Ay sorry. Gandang gabi ho. Pasensiya na. haha.

taxi driver: Sa call center kayo?

ako: Hindi po, nagpapanggap lang akong rebulto sa kalsada.

taxi driver: Ayos yan. Kaya pala mukha kang sunog! Haha!

ako: (Gago ‘to ah!)... Hehe. Musta naman biyahe ngayong araw? Boundary na ho ba?

taxi driver: Malapit na. Dalawang oras pa siguro may maiuuwi na ako.


“Everybody dance now! Jent. Jent. Jent-jen-jent jen...”

Biglang tumunog ang message tone ng cellphone ko at panandaliang naputol ang usapan namin ni manong. Matapos akong magreply sa nagpadala ng text sa akin at iset sa silent mode ang istorbong gadget ay napansin ko na biglang nagbago ang mood ng driver.

taxi driver: ‘Lam mo matagal-tagal na rin bago may bumati sa akin na pasahero.

ako: Ano po ang ibig niyo sabihin?

taxi driver: Iyong kanina, binati mo ako ng magandang umaga tapos kinorek kita.

ako: Ahhh… wala ho iyon.

taxi driver: Naku, sa aming mga driver, mabigat iyon. Kahit papaano ay nakakaramdam kami ng paggalang doon. Sa tagal ko sa trabahong ito, bibihira ang magsabi ng good day o kamusta man lang. Kadalasan nga ang trato sa amin ay parang walang buhay.

Kinailangan kong mag-isip ng malupit at makabuluhan na tugon sa sinabi ni manong. Isang sagot na ang mensahe ay makakaabot sa mga kabataan ng makabagong henerasyon. Isang banat na gagamiting battle cry ng mga human rights activists sa kanilang mga rallies. Isang hirit na tatatak sa isipan ni manong at magpapabango sa aking pagkatao.

ako: Ah…

taxi driver: Hindi naman sa demanding, pero sana sa tuwing sasakay ka sa taxi ay batiin mo ang driver. O kaya magpasalamat ka sa paghatid. Nakakagaan ng loob kasi. Ano nga pala pangalan mo?

ako: Scott Summers.

Ilang gabi pa ang lumipas, nahuli na naman ako nang gising. Pero masaya ako. Alam kong may matutuwa na namang driver. Pare-parehas lang kasi kaming mga mababaw.

Wednesday, April 16, 2008

Paglipas


Muli, napasyal ako sa lugar kung saan tayo unang nagtagpo. Isang simpleng coffee shop kung saan libo-libong kuwento ang maririnig at mararansan na animo’y sa mga pocketbook lang mababasa. Bahagi tayo ng mga kuwento dito. Naupo ako at inumpisahang inumin ang kape at kainin ang croissant. Pinagmasdan ko ang liwanag ng araw na unti-unting naglalaho sabay nang panghihina ng aking loob. Bumalik sa isip ko ang nakaraan na humubog sa pag-iisip at pagkatao ko ngayon.

Muling sumakit ang mga sugat na iniwan mo. Ipinagtapat ko noon sa iyo ang lahat. Nagkamali ako sa pag-aakala na gagaan ang lahat pagkatapos kong ipagtapat sa iyo ang nararamdaman ko. Bakit ganito? Nakapatong ang mundo sa akin. Hindi ako makahinga. Parang katapusan na ng lahat.

Alam ko na noon ang mangyayari. Mabibigo at masasaktan lang ako. Ngunit wika nga nila, “no pain, no gain”. Ngayon minumura ko na ang cliché na iyan. Alam ko namang iba ang iniibig mo. Nais ko mang suklian ang ngiti na ibinibigay mo sa akin ay hindi ko magawa dahil mayroon nang iba na nagpapangiti sa iyo. Tanging hiling ko lang ay mahigitan niya ang wagas at walang kondisyon na pagmamahal na ibinigay ko sa iyo. Mahal kita. Alam ng Diyos kung sino ka dito puso ko. Ngayon, alam ko na kung bakit may T.I.I.S. (Tang Ina I’m Single) at kung bakit may nagpapakalunod sa alak.

Ngayon, sumuko na ang haring araw sa paparating na gabi. Ubos na rin ang aking inorder. Napansin ko ang mga tulad kong walang kasama. Bakas sa pinta ng ngiti nila ang pag-asa at pagmamahal sa kabila ng kanilang pag-iisa. Natauhan ako. Pansamantala akong naging tanga. Kailangan kong kumilos kahit ako ay nag-iisa. Mayroong tao na mas nararapat na pag-ukulan ko ng pagmamahal ko at susuklian naman ng pagmamahal niya. Hindi ko kailangang magpaiwan sa biyahe ng pag-ibig dahil may makakasama at makakasabay pa ako sa ‘di kalayuan. Hindi porke’t wala na ang Basketball TV sa Sky Cable ay kailangan ko nang isara ang telebisyon dahil may iba pa namang channels.

Konting tiis lang. Hindi ko rin kailangang maghintay. Darating na lang siya. At umalis ako sa tambayan natin na may ngiti sa puso.

Tuesday, April 15, 2008

Anawangin, Zambales: Nature’s Fervour


Ang Biyahe Papunta (Pasintabi Po)

Mahigit 12 hours na akong gising kung kaya’t excited na akong makanakaw man lang ng konting oras para matulog. Labing lima kami at sa hindi inaasahan ay nahiwalay ako sa loob ng bus. Nakatabi ko ay isang lalaking matanda. Hindi ko man sinasadya ay napatingin ako sa tainga niya. Olispagetingsyet! Nagulat ako sa nakita ko. Andaming nagsisilabasang buhok (na kasing haba ng androgenic hair) mula roon na para bang nakawala sa kulungan. Mayroon pang “dandruff”! Pasintabi po. Ayon, gising ako buong biyahe at tulala na nakatingin sa bintana ng bus. Minsan pumipikit pero tinalo ng malupit na imaheng iyon ang aking antok.

Boat Ride

Umpisa na ng sandaling pagtakas sa sibilisasyon. Napakaganda ng mga tanawin habang nakasakay kami sa bangka. Tanging pasira lang ay ang ilang piraso ng trash bags na lumulutang sa dagat.

Puso, Inom, Gitara, Atbp...

Ang Sikat na “Ulo Ng Puso”


Mga bago kong idol. Si Butch, Bob at Czar. Hindi ko sasabihin kung bakit. Haha!




Isa pang idol, si Faith. Maestro sa paggigitara. “Hindi siya videoke machine, tao siya!”



Ang muling pagkikita ng apat na makukulit na bloggers!



Inuman hanggang mawalan ng ulirat! Sa mga hindi nakasama, eto ang ilan sa mga namiss niyo!









Muli, salamat kina lethalverses, Greenpinoy at The Gasoline Dude sa mga larawan.

Baka po may extra kayong jijikam, tumatanggap po ako ng donations =)

Wednesday, April 9, 2008

TANGA KASI AKO KAYA AKO NATALO SA NBA 2K8


Tungkol saan ito?

I posted this kasi natalo ako sa isang bet.

Ano ang bet?

Best of five series sa NBA 2K8. First to get three wins, of course, panalo. Ang talo ay magbabayad ng tumataginting na PHP 300.00, maglalathala sa blog niya ang tungkol sa pagkatalo at kailangan ang title ay ang nasa itaas.

Sino ang kalaban?

Fellow blogger at close friend pero mayabang, sobrang yabang. Kamukha niya raw kasi si Gabby Concepcion. Itago na lang natin siya sa pangalang Kayabang (from the words kalaban and mayabang).

Weapons of Choice?

Favorite team ko siyempre, ang Indiana Pacers (NY Knicks booo!). Ang pinili ni Kayabang ay Cleveland Cavaliers. Crush daw niya si Ben Wallace e.


Ano ang nangyari sa laban?

SWEEP! Hindi ako nanalo ni isang beses.

Game 1, talo ako by 11 points.

Game 2

- Inbound play

- Less than 2 seconds na lang ang natitira

- Ang ball possession ay nasa Pacers.

- Lamang ang team ni Kayabang ng dalawang puntos

- Alam kong nakatarget na ang defense sa best 3 point shooter ko (Travis Deiner) kaya ginawa ko siyang decoy at ipinasa ang bola sa shooting guard ko (Mike Dunleavy Jr.). Ampota tumapak sa linya ang hinayupak na paa ng player. Out of bounds!

- Sa madaling salita, talo na naman!

Game 3

- Alam kong tsamba ang panalo ni Kayabang noong game 2 at ayoko ring masweep kung kaya’t “I don’t feel any pressure right now.”

- 5 seconds na lang ang natitira.

- Pacers possession

- Lamang ulit si Kayabang ng apat na puntos.

- Desperation three ni Deiner, pasok.

- Isang puntos na lang. 2 seconds pa natitira.

- Successful inbound ng Cavs.

- Nakaiwas sa intentional foul ko.

- Ayon, talo.

Sa totoo lang, ayoko ipost ito pero may isang salita ako.

Tuesday, April 8, 2008

Dahil Sa Text Ni Odilon

naisipan naming isalin sa tagalog ang kanta ni Rihanna.

Payong


(Umbrella)

nakuha mo ang puso ko
at di na tayo paghihiwalayin ng mundo
siguro sa mga babasahin
pero ikaw pa rin ang aking bituin
sanggol kasi sa dilim
di mo makikita ang mga makintab na kotse
at noon mo ko kailangan doon
sayo aking ibabahagi
dahil...

chorus:

pag sumikat ang araw,
sisikat din tayo.
sabi ko naman sayo, lagi akong nandito
kahit kailan kaibigan mo ako,
nakatatak na yan sa utak ko.
ngayon na lumalakas na ang ulan,
tandaan mong magkaibigan pa rin tayo.
...sumilong ka lang sa aking payong,
sumilong ka lang sa aking payong...
ayong, ayong,
yong yong yong yong...


itong mga magarang bagay
hindi mamamagitan
bahagi ka na sa akin
dito habangbuhay
‘pag ang mundo’y nakihati
‘pag ang mundo’y nagtong-its
‘pag pangit ang balasa,
puso mo’y pagtagpihin natin
dahil…

[ chorus ]

tumakbo ka sa bisig ko
ayos lang huwag mangamba
lumapit ka sa akin
walang agwat sa pag-ibig natin
tumuloy ka at hayaang umulan
ako ang kailangan mo at higit pa
dahil…

[ chorus ]

umuulan, ulan
ooh sanggol, umuulan, ulan
sanggol, lumapit ka sa akin
lumapit ka sa akin
umuulan, ulan
ooh sanggol, umuulan, ulan
puwede kang parating lumapit sa akin,
lumapit sa akin..


salamat lethalverses sa tulong at salamat sa nagsalin ng koro ng kantang ito, kung sino ka man (pahiram ah)...

Monday, April 7, 2008

Ang Pagkikita




April 6, 2008

7:30 pm

3 miskols sa cp ko, si lethalverses (lv). tinawagan ko, hindi sinagot. tumawag ulit. kasama niya sina Greenpinoy (kailangan pa ba ng introduction?!) at si Gasoline Dude (GD)! inuman raw! sabi ko sasama ko, first time ko makakakita ng taga-Saudi ahaha! peace tayo GD!

9:14 pm

tumawag si GP, hindi ko nasagot. tumawag si lethal, nagising ulit ako. sabi ko katatapos ko lang maligo haha! tampo si GP, hindi ko raw sinagot tawag niya. o ayan! kagigising ko lang noong time na iyon! haha!

10pm onwards

nakarating na rin ako sa venue. ano bang mga nangyari?

bagong gupit si GP. lakas pa rin uminom. take note, may record siya sa Bora, iyong 18 shots (18 nga ba o mas marami pa?).

yehey! nameet ko na sa wakas si Gdude. moreno pala siya at may bagong camera na muntik nang mabagsak ni lethal. lupet kumanta, Sultan ng RnB (for sure wala pang nagke-claim ng monicker na yan)! maning-mani ang Closer You and I, Careless Whisper atbp..

ang formal ni lethal. pero mukhang napilitan lang ahaha!

(from L to R): ako, lethalverses, Greenpinoy and Gasoline Dude!

kitakits tayo sa Apr 19. Eb ng GP readers! Salamat Gasoline Dude sa mga larawan!

Thursday, April 3, 2008

Crush-ed


Una nating pagkikita ay sa isang klase sa kolehiyo. Unang araw ng ikalawang semester. Late ako kaya sa likuran na naman ang puwesto ko. Iginawi ang tingin sa kaliwa, tapos sa kanan, hanggang may makitang upuan ang inaantok ko pang utak. Katabi ko ang barkada ko pero noong kinausap niya ako at ako’y lumingon, hindi siya ang tiningnan ko. Sa tabi niya ay isang napakagandang dalaga na… hindi ko matapos haha. Inuunahan na kasi ako ng ngiti bago man lang pumindot sa keyboard.

Nag-iba ang buhay ko sa dahil sa hindi inaasahang pagdating mo. Wala naman akong reklamo. Alam mo bang nagkaroon ng kulay ang daigdig ko nang makilala ka? Naging magaan sa akin ang lahat. Makita lang kita, ok na ako. Ngumiti ka lang, buo na ang araw ko. Kaya’t inaabangan ko ang panibagong araw upang muling makita ang iyong ngiti at ang sandali mong pagtingin sa akin.

Kalat na lihim sa klase ang nararamdaman ko sa iyo. Hindi ko nga lang ipinahahalata dahil nag-aalinlangan ako. Ubod lakas ang pagpigil sa nanghihina, nanlalambot at walang kalaban-laban na pagtingin ko sa iyo. At sa kabila nito ay hindi ko na kayang gumising pa para sa isang umaga na naman ng pagsuko at pag-aasam. Ang hirap.

Haay… Ilan lang iyan sa mga gusto kong ipagtapat sa iyo ilang linggo lang ang nakalipas. Buti naman at pinansin mo ako noong huli tayong nagkita. Iyon nga lang, tikom pa rin ang bibig ko at ni galaw man lang wala akong nagawa. ‘Nyeta ang torpe ko! Dahil ba sa damit mo nung araw na iyon? Dahil ba ngiti mo sa akin na nakakapanghina? Hindi mo siguro alam pero matagal na kitang gusto… Oo, matagal na po. Kung puwede nga lang tumayo ako sa klase at sabihin ko sa harap ng maraming tao ang nararamdaman ko sa iyo, gagawin ko. Pero hindi na mangyayari iyon, hindi na tayo magkaklase. Gradweyt na tayo… Tama nga ang kaibigan ko... " mas madaling aminin na ikaw ang umutot kesa aminin sa tao na gusto mo siya...”

Kaya dito ko na lang ipinahahayag sa iyo ang nilalaman ng aking puso. Sana mabasa mo ito…. Sana….

Wednesday, March 26, 2008

Ang Kaibigan Kong Babaero


Pasensiya na pare
Ikaw naging insiprasyon ko
sa pagkatha ng tulang ito

May kaibigan ako, si Berwin
Sandamakmak na dilag ang naloko
niloloko at maloloko…

Mabait yan, promise
Kasama ko sa saya at hardships
‘Yun nga lang
Babaero talaga.

Malupit yan sa chicks
Meron sa kaliwa’t kanan
Sa Aparri, sa Jolo,
Meron din sa Pangasinan.

Pre-paid lang ang loko
Pero sa isang buwan
Tinetext ay libo-libo
Ganyan talaga
Babaero, babaero, BABAERO!!!

Sa totoo lang,
hindi niya tunay na name ang Berwin
Haha, gusto nyo malaman ang totoo?
Ang pangalan niya talaga ay …

Tuesday, March 25, 2008

Dreem Haus



Kung ganito ang gate ng parking lot ng "dreem haus" mo, good luck sa 'yo! Wahahahaha!!!

Monday, March 24, 2008

Malungkot





Nakita ko lang sa kapitbahay ng barkada ko...





Ang lungkot naman ng scooter na ito. Hindi siguro makahinga. Wahahahaha!!!!!! Optimus! Help!!!!!






Saturday, March 22, 2008

Catchy Reggae Cover


2 inihaw na tilapia +
1 kahang yosi +
4 bagong kakilala +
hindi mabilang na bote ng alak dahil feeling nila ay magkakaroon ng strike ang liquor companies +
1 drunk reggae artist +
1 guitar

equals

discovery of a catchy cover ng isang popular song. click nyo ito.


sana nga lang hindi lasing nung kinanta hehe...