Monday, May 26, 2008

Huwag Mong Buhayin Ang Bangkay!

You wouldn't steal a Car.
You wouldn't steal a Handbag.
You wouldn't steal a Mobile Phone.
You wouldn't steal a Movie.
Movie Piracy is Stealing.
Stealing is Against the Law.
Piracy. It's A Crime.
May punto nga naman ang gumawa ng campaign na ito. Hindi ako magtatangka na magnakaw ng wallet o Nokia 3210 dahil nga masyadong mapanganib. Wala akong balak subukan kung sino sa amin ni Yagami Light ang mas matalino pagdating sa diskarte o kung sino sa amin ni Pong Pagong ang mas mabilis pagdating naman sa takbuhan.
Hindi present ang awareness na ito sa karamihan dahil hanggang ngayon ay laganap pa rin ang pagtangkilik ng mga tao sa mga piniratang dibidi. Bakit nga ba nagiging hipokrito ang mga tao pagdating sa ganitong uri pamimirata? Simple lang. Paano kung may magsabi sa iyo, “Pare, gusto mo i-burn kita ng kotse? Bente pesos lang, original quality pa.”, hindi ka ba bibili?
Dahil sa walang kuwentang pangangatuwiran na yan ay naging suki ako ng mga tindera ng debede sa Quiapo. Mahilig ako sa mga palabas na katatakutan lalo na iyong may kinalaman sa mga zombie o patay na nabubuhay.
Minsan umuwi ako ng bahay na may pasalubong na pirated dvds para sa aking sarili. Una kong pinanood ay porn este comedy. Pangalawa, documentary. At para sa finale ay ang aking paborito, horror! Pinatay ko ang ilaw ng kuwarto para maramdaman ko talaga ang takot na idudulot ng palabas. Sampung minuto makalipas ang ikatlo ng madaling araw o mas kilala bilang oras ng witching hour. Kasasalang ko lang ng disc nang biglang tumunog ang landline ko. Susmariano! Ilang beses ko nang napanood ang ganitong situwasyon. Sasagutin ng bida ang telepono at biglang tatakutin siya ng tao sa kabilang linya o kaya nama’y nasa paligid lang niya ang killer at anumang oras ay susunggab na siya.
Ring!!!
…..
Ring!!!
ako: Hello?
unknown caller (uc): Chie…
ako: Sino 'to?
uc: ‘Di mo na ko kilala?
ako: Magtatanong ba ako kung kilala kita? Wala naman akong caller id.
uc: Hayop na ugali yan…
ako: Haha! Kung kilala mo nga ako, alam mong nagbibiro lang ako.
uc: Si _____ ‘to.
ako: Haha! Nice try. Sino ka nga talaga?
suspected pretender (sp): Ako nga talaga ‘to. ‘Di mo ko nabobosesan? May sipon ako.
ako: Nope. Patunayan mo nga. Ano ang nangyari noong unang date natin?
sp: Naman e!
ako: Bakit ‘di mo masagot?
sp: Fine! Sinundo mo ko sa school. Kumain tayo sa Savory tapos nagbilyar sa second floor. Nagbibiruan tayo noong pauwi na. Tumawa ako sa ‘pating’ joke mo kaya tinulak kita. Napalakas pala at dahil doon ay nakatapak ka ng tae ng aso. “Putangina, jackpot!” Iyon pa ang sinigaw mo.

ako: Ikaw nga iyan. Sensiya na, ‘Di talaga kita nabosesan. Hehe…
x: Ayos lang. Tagal na rin 'no? Halos kalahating dekada na.
ako: Oo nga, teka ano yang music na naririnig ko?
x: Wait lang, lakasan ko…
Nandyan pa ba,
Mga ala-ala?
Ang tanging bagay na naiwan
sa 'ting dalawa.
ako: Ayos! Mojofly! Haha… Teka, ba’t ka nga pala napatawag?
x: ‘Ala, nangangamusta lang… Sikat ka na ah! Nakikita kita sa Greenpinoy!
ako: Hindi ako iyon.
x: Mabaog ka man?
ako: Fine, ako iyon pero hindi ako sikat. Pucha, e di sana artista na ko sa dos. Ay mali, sa kabila pala.
x: Galit ka pa din sa ABS? Alam naman nating nauna ang out-of-bed look mo kesa kay Dao Ming Shit. Iyon nga lang, iyong mga taong hindi ka kilala, iba talaga ang iisipin at tatawagin ka talagang Dao. Dao Ming CHIE!!!!!!!! Ahahaha!!!
ako: Maraming salamat sa pagpapaalala. Hinayupak na F4 yan hehe. Tuloy nagpakalbo ako nang wala sa oras. Pero masaya naman ang semi-kalbo, tipid sa shampoo. So salamat na rin sa kanila hehe…
I'm saying i love you againAre you listening?
Open your eyes once again
Look at me crying
ako: Hayop sa soundtrip. Kelan ka pa nahilig sa pinoy music?
x: Naka-random lang ‘yung setting ng player ko.
ako: Labo, hindi ka mahilig sa OPM. Pinapalitan mo pa nga ang radio station kapag local ang kanta. Lagi nga tayo nag-aaway diyan.
x: Wala lang…
ako: …
x: Balita sa iyo? Sa lovelife? Kina Hafitz?
ako: Ayon, kamukha pa rin niya si Super Mario. Ako naman callboy na ngayon. Every night marami bookings.
x: Ulol! Iyong seryoso?
ako: Ano ba talaga sadya mo?
x: I just want to apologize sa nangyari before. Inaamin ko bata pa ako at tanga ako noon.
ako: ‘Tagal na kitang pinatawad.
x: …
ako: …
x: ‘Di mo sinagot ang isang tanong ko.
ako: Alin?
x: Lovelife.
ako: Single.
x: Bakit naman? La ka bang nililigawan or crush man lang?
ako: Kailangan mo pa bang malaman?
x: Fine. Puwede ba tayong magkita?
ako: Para saan?
Sa dinadami-dami ng nakilala
Sa’yo lang ako nagkaganito
Walang kapantay, walang kaparehas
Walang kasing-lakas ang tama mo
ako: Nakakagulat naman yang music mo. Biglang hina, biglang lakas. Patayin mo na lang.
x: Ah ok, sige. Kita tayo. Kuwentuhan. Treat ko.
ako: No, thanks! Dito na lang tayo usap sa phone.
x: Actually Chie, kaya ako…
You know me well,
You know it's wrong
Then what is it you feel?
You hide behind those perfect smiles
It won't fool me, cause you already did

x: Ay fucha! Kaw naman ngayon nagpapatugtog!
ako: Hehe… Ano sabi mo? ‘Di mo yata natapos.
x: Sabi ko kaya ako tumawag kasi… kasi… k-k-kase..
ako: Kasi?
x: I want you back.
ako: …
x: …
ako: Bullshit.
x: Seryoso ako.
ako: Huwag kang magsinungaling. Ano ba talaga ang reason?
x: Iyon talaga. Namimiss kita. Namimiss ko tayo.
ako: Kasinungalingan na naman. One more and I’ll end this conversation.
x: Fine! Niloko ako ni boyps at gusto ko gumanti. Tingin ko ikaw ang perfect accomplice dahil sa selos na selos siya sa iyo.
ako: Tangina, ayos ka rin ano? Matapos mo kaming pagsabayin at piliin siya over sa akin ay nakuha mo pang planuhin ang ganito? Puta ka! Hindi ka pa rin nagbabago. Lalo ka lang naging selfish!

Ang nakausap ko ay mas malala pa sa isang zombie dahil ang puntirya niya talaga ay puso. Binagsak ko ang telepono at hindi ko alam kung dapat ko pang ipagpatuloy ang nabitin na panonood. Sapat na siguro ang isang horror experience sa isang gabi.

Thursday, May 22, 2008

Test Paper

Narito na po ang sampung katanungan na maaaring magpanalo sa iyo ng libreng chibog. Basahin lang ang Tagged! post (nasa baba) para sa mga tuntunin.

1. Sino ang blogger ang ayon sa kanya ay kamukha raw niya ang tatay ng isang napakagandang Kapamilya actress?

2. Ano ang pangalan ng kalye kung saan ako naholdap?

3. Ano ang title ng pinakauna kong post sa blog na ito?

4. Saan ako pinaglihi?

5. Ano ang pangalan ng town kung saan ako lumaki?

6. Ano ang kulay ng una kong gitara?

7. Aling link(s) ang magdadala sa iyo sa isang error message?

8. Bakit galit ako sa ABS-CBN noong nag-aaral pa ako?

9. Ayon sa post, ano ang title ng kanta na siyang alert sound para sa mensahe ng aking cp?

10. Sino ang kaibigan ko na kahawig ni Super Mario?

Kung hindi niyo masagutan lahat, antabay lang kayo sa mga susunod na posts. Hehe...

Wednesday, May 21, 2008

Tagged!

La naman ako maisip na mga bagay na puwedeng ibahagi sa inyo sa ngayon. Kung kaya't naisipan ko na lang na gumawa ng paligsahan para mas makilala niyo ako.

Simple lang ang patimpalak na ito. Magbibigay ako ng sampung katanungan tungkol sa akin at sa blog ko. Sinisigurado ko sa inyo na ang mga sagot ay matatagpuan sa site na ito. Maaaring sa previous, current or future posts, sa comments, sa profile, o sa rectum ng blog ko makikita ang mga tamang kasagutan.

Sa ngayon wala pa sa bente ang posts ko kaya hindi naman siguro kayo mahihirapan maliban na lang kung super tamad ka.

Ang unang makakuha ng sampung tamang sagot at i-email sa chroneicon@gmail.com ay ang siyang mananalo. Sa mananalo, pasalamatan niyo si Steph dahil sa tag niya sa akin.

Siyempre kailangang may premyo. Sagot ko ang meal ng mananalo sa place of his choice pero up to Php 1,000 lang. Kahit ilan isama niya ay walang problema basta't hanggang dun lang ang mailalabas kong pera. Kuripot este mahirap lang ako. Kayo na ang bahala sa sobra. Kahit isama pa niya ang mga babaeng niloko at pinaasa ni ____________ ay okay lang. Kailangang lang nating ipasara iyong place dahil sa dami ng pupunta. ODKP!

Qualify ko lang na dapat ang preferred venue niya ay located or malapit sa isa sa mga lugar na ito:

1. Makati
2. Manila
3. QC
4. Ortigas
5. Pasay
6. Las PiƱas.
7. malapit sa Lrt1 o Mrt stations

Wala po akong sapat na salapi para pumunta sa ibang isla o sa malayong lugar. (Puwede niyo namang sagutin ang pamasahe ko papunta-pabalik at accomodation or hintayin mo na lang na magkasalubong ang landas natin. Ahihihi...)

Sa ngayon hindi pa kumpleto ang mga tanong ko. Abangan niyo na lang sa susunod na posts. Hehe...

Saturday, May 17, 2008

5.17


Timeout muna sa pangungulit. Medyo natagalan din bago ko ipost ito. Hindi ko matapos-tapos dahil pinangungunahan ako ng luha at emosyon. May namimiss lang kasi akong isang tao. Lalaki siya.

Oo, isang lalaki ang hinahanap-hanap ng aking puso. Hanggang ngayon hindi pa ako nakakarecover. Biglaan kasi ang pagkawala niya sa buhay ko at mundo. Naalala ko pa, college ako noon. Hapon pa ang pasok ko kaya’t tumambay muna kami ng barkada ko sa mall at naglaro ng Nba Live. Pagkatapos ng laro ay naglalakad na kami patungo sa exit ng mall. Biglang may tumawag sa cellular phone ko.

Tita ko ang tumawag. Binigay niya sa akin ang malungkot na balita. Agad kong tinawagan ang mama ko pero hindi ko rin makausap ng matino. Biglaan kasi. Atake sa puso. Naisugod pa naman sa ospital at sinubukang bigyan ng lunas ngunit talagang oras na niya. Patay na siya at walong oras ang layo ko sa labi niya.

Tulad ng isang pulubi, naghihintay ako sa limos ng iyong piling.
Araw-araw akong nagugutom at naghihintay sa hindi mangyayaring
pagbabalik mo sa mundo.


Mula Manila ay bumiyahe agad ako patungo sa Daet. Doon ko lang naranasan ang nag-iisip ng wala buong biyahe.Hindi ako naniniwala sa nangyari. Hindi tinatanggap ng sistema ko ang balita. Gusto kong magpaiwan sa panahon.

Derecho agad ako sa punerarya. Wala akong pakialam kung madapa ako sa daan o manakawan. Gusto ko lang mapatunayang hindi totoo ang balita. Pagdating ko roon ay tito ko ang unang sumalubong sa akin. Niyakap ako. Naluha na naman ako. Sa loob, nakita ko si mama at unti-unting akong lumapit sa ayokong puntahan. Doon na sumabog ang puso ko.

Tulad ng mga larawan, nakikita kita ngunit hindi nararamdaman.
Alaala mo na lamang ang nagbibigay buhay sa mga nabihag na
sandaling pagsasama.


Maraming akong pangarap na balak gawin na kasama siya. Hindi ko iyon nasabi lahat sa kanya. Maayos naman ang pagsasama namin pero kulang lang ako sa pagpapakita na mahalaga siya sa akin. Mayroon man akong sama ng loob ay hindi na namin ito maaayos. Ang tanga ko. Binigyan ako ng mahigit limampung taon para ayusin at pagandahin ang relasyon namin pero wala akong ginawa. Huli na nang marealize ko ito.

Nakabaon sa akin ang lahat ng pangaral mo.
Hindi ko makakaligtaan ang lahat ng pinagsamahan natin.
Mahal ko po kayo. Abangan niyo kami sa gate ah?

Happy Birthday Dad!

Monday, May 5, 2008

Sagot sa Walang Kasagutan


Hindi ko alam kung paano nangyari pero natuklasan ko na lang na may kakaiba akong kapangyarihan.

Pawisan akong naglalakad pauwi ng apartment. Kakaiba ang nararamdaman ko. Huli ko itong naramdaman noong nakita ko sa isang mall si Madam Auring kasama ang kanyang boyfriend at sila ay naghaharutan. Nasusuka ako. Pagkarating ko sa bahay-paupahan ay agad akong tumungo sa lababo para sumuka. Nagulat ako sa lumabas mula sa bibig ko. Bigas! Sandamakmak na butil ng bigas! Olispagetingsyet! Gulat na gulat ako! Hindi ko maipaliwanag ang nangyari. Hindi na rin ako nag-abala pang alamin pa ang pinagmulan nito dahil palabas noon sa Cinema One ang Sige, Ihataw Mo! ng UMD at inabangan ko ang tanging paganap na kontrabida ni Vhong Navarro sa pelikula. Ang alam ko lang ay isa itong biyaya dahil alam kong makakatulong ako sa mga kapwa ko na mas nangangailangan. Sabi nga ng isang kaibigan ko, “ang anumang meron ka, kinuha mo sa wala". Handa akong ibalik iyon sa “wala”.

Bago ko gawin iyon ay kailangan ko munang pag-aralang mabuti ang pambihirang kapangyarihan . Pumasok ako sa kuwarto at isang matinding concentration ang ginawa ko. Pikit-mata na inisip ko ang mga butil ng bigas na lumalabas sa aking katawan at unti-unting kong naramdaman ang lakas at ang pagbabago. Fwurrrrt! Tangina, ang kati pala ng bigas sa puwit. Muli akong nagtangkang pag-aralan ang pambihirang kakayahan at nakuha ko ang pagpapalabas ng bigas sa aking palad.

Isang boses mula sa hindi nakikitang nilalang ang narinig ko.

boses: Magandang umaga, Boks!

ako: Professor X?

boses: Tanga. Nagtatagalog ba iyon?

ako: Eh sino ka? Bakit mo alam ang pangalan ko?

boses: ‘Di na mahalaga ang pangalan ko. Ang importante ay maipaliwanag ko ang nangyayari sa iyo. Tuwing anim na taon ay may taong binibiyayaan namin ng kapangyarihang tulad ng sa iyo. Inaasahan namin na ipagpapatuloy mo ang pagiging isang responsableng tao at mamamayan ngayon pa na may powers ka na. Tangina, huwag ka nga magkamot ng puwit!

ako: ‘Di ako makapagpalit ng salawal kasi baka silipan mo ako!

Hindi nagtagal ay nakilala si Boks at ang kanyang pambihirang kakayahan. Katulad ng inaasahan ng mahiwagang boses ay paglilingkod sa bayan ang kanyang inuna. Araw-araw siyang tumatambay sa mga palengke at doon ay namimigay ng libreng bigas sa mga tao. Nilibot niya ang buong Pilipinas at sa kanyang simpleng paraan ay nakalimutan ng bayan ang salitang gutom.

Subalit hindi ito nakatakas sa mata ng mga mapagsamantala. Mabilis lang at natagpuan nila ang ating bida na tila pagod na rin sa serbisyo.

mapagsamantala: Boks, gusto mo bang maging milyonaryo? Magagamit natin ‘yang powers mo.

Boks: Nakikinig ako. Ganda ng wristband mo ah…


Ngayon ay isa na siya sa mga kinasusuklaman ng tao. Nagbago ang kanyang mga prayoridad sa buhay. Nangibabaw ang tawag ng salapi laban sa bulong ng pangangailangan ng sambayanan. Bigla na lamang nawala ang libreng rasyon at pinerahan niya kasama ng mga sindikato ang Tokyo Tokyo at ang Mang Jimmy’s sa pag-supply ng bigas. Naging bingi siya at tila salitang Shyriiwook (uuuy hindi alam, click mo na!) na lamang ang mga hiyaw ng mga nangangailangan.

Wala pang anim na taon ngunit binawi na ang pambihirang kakayahan. Muli, naghanap ng kapalit ni Boks ang mahiwagang boses. At tulad ng dati, wala rin siyang kasiguraduhan. Wala siyang magawa kundi ang umasa na ang susunod na mabibiyayaan ay magiging tunay sa kanyang tungkulin.

=Wakas=

bata: Kuya Bodyi, bakit ganun ang ending ng story, ‘di maganda?

Kuya Bodyi: Dahil naniniwala ako na hindi na dapat maghintay ng isa pang People Power para lamang tumatak sa inyo ang mga aral sa kuwentong ito.

bata: Ano?