Last year,
dumalaw sa Pediatric Wards 9 and 11 ng Philippine General Hospital (PGH) ang mga Greenies. Dahil isa ako sa mga nag-ayos ng activity na ito, marami ang nagtanong sa akin: Kailan at saan ang susunod na outreach? Ito lang ang naisagot ko:
Malay ko!!!
Joke lang. One ordinary and not so normal day, nabanggit ni
Cyberlola ang Golden Acres. Noong kabataan niya pala ay madalas siyang (kasama ang mga amiga) dumadalaw sa lugar na iyon. At iyon na! Nitong nakaraang November 17 ay inumpisahan na namin ang paghahanda para sa outreach.
Marami ang gustong sumama at ako naman’y tuwang-tuwa dahil isa na naman itong pagkakataon upang makapagpangiti kami ng mga tao kahit sa ilang oras lamang.
Pinuntahan namin nina Cyberlola ang Golden Acres upang makakuha ng sapat na impormasyon para sa mga kakailanganin ng project na ito. Maraming residents ang lugar na ito. Karamihan sa kanila ay malalakas pa at sadya lang talagang iniwan ng mga kamag-anak nila. Hindi ko makakalimutan ang isang lola na inabangan kami sa labas ng opisina ng nasabing lugar.
Nakangiti siya at pinalapit kami sa kanyang kinauupuan. Bakas sa mukha niya ang kaligayahan marahil dahil mayroong siyang mga bisitang makakausap. Tulala ako. Naramdaman ko ang lungkot na anino ng kanyang effort na puntahan kami. Mabuti na lamang at kinausap ni Cyberlola ang matanda. Salamat at may kasama akong beterana sa ganitong gawain. Hihi.
Ilang minuto pa at nagpaalam na kami sa lola at ang tangi niyang tanong ay: Kailan kayo babalik? Ito ang tanong na muntik na ako maluha. Ang hirap ipaliwanag pero kung nandoon kayo ay maiintindihan niyo siya. Ang mga tao na nagbuhos ng maraming pagod upang maipalaki ang kani-kanilang mga anak na may mga maayos na buhay. Ang mga nanay at tatay na maraming sakripisyo ang inalay upang hindi mahirapan ang mga taong nagmula sa kanilang mga dugo. Ang mga magulang na pinaliguan ng pagmamahal ang kanilang mga supling. Sila ngayon ay inilagay na lamang sa lugar na ito. Hiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ipinangako namin na babalik kami.
Kumpleto na ang datos na kailangan ngunit may isang malaking problema. Pagkain. Mahigit 200 ang residente ng Golden Acres. Walang sapat na pondo ang Greenies upang maghanda ng pagkain para sa kanila. Mabuti na lamang may mga mabubuting puso dito at sa ibang bansa na nagbigay ng monetary donations upang matuloy ang activity. Hindi ko maipaliwanag ang ngiti at utang na loob ko sa kanila. Masaya ako sa tiwala na ibinigay nila sa aming paghawak sa kanilang mga salapi. Silang mga nakilala ko lamang sa internet at kung personal ko mang nakasalamuha ay ilang buwan pa lamang. Maraming salamat sa tiwala.
January 24, 2009. Handa na nga ba ang lahat? Marami ang pumunta at nagbigay ngiti sa mga lolo at lola na naninirahan doon. Nagkaroon ng munting palaro at namigay pa ng mga premyo. Maayos namaing naipamigay ang mga pagkain. Nagkaroon pa ng guest appearance si Jollibee (hindi ako!) at inaliw ang mga tao doon. Sari’t saring kuwento ang naibahagi sa amin ng mga tao doon. May nakakatawa, may nakakaiyak at ang lahat ng mga ito ay hindi namin makakalimutan.
Noong paalis na kami ay muli naming nakita ang lola na kumausap sa amin noon. Iba ang nakita kong ngiti sa kanya. Tila nabawasan ang pagkaulila. Siguro dahil sa tinupad namin ang aming pangako.
Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong at pumunta sa event na ito. Alam nyo na kung sino kayo. Abangan nyo lang ang mga susunod na outreach sa
Greenpinoy Forums.