Sunday, March 7, 2010

Kung Bakit Ko Gustong Malaman Ang Ngalan Ng Kotse Mo

Kung bakit ko gustong malaman

...ang ngalan ng kotse mo

Gaya ng pangarap na mahatdan ko

...ng saya ang iyong bawat umaga

Gaya ng panalangin na ang iyong maghapon

...ay lilipas nang matiwasay at payapa

Gaya ng hiling na sa pagtulog mo

...ay may baon kang ligaya

...at gigising ka sa umagang

...may pasalubong na pananabik


Kagaya ng mga iyan

Na tulad din ng minsan

Na ikaw ay aking nakilala

Na kahit sa maikling panahon

Na aariin ko na naging

...alaala ng aking kahapon

...at bahagi na ng aking kasaysayan


Kung bakit ko gustong malaman

...ang ngalan ng kotse mo

Ay kagaya kung bakit ako

...magpapasalamat sa tulang ito

… maraming dahilan

...ngunit iisa ang pinagmulan

… ang ikaw at ang kapangahasan kong

...mahulog sa tulad mo

at ang kagustuhan kong

...laging may ngiti sa iyong labi

Thursday, February 11, 2010

Balentayns

Naabutan ko siyang lumuluha. Sariwa pa ang mga sakit na naidulot ng biglaang paglisan ng kanyang irog. Nakaupo siya sa isang sulok at halos hindi makapagsalita. Agad akong yumakap sa kanya para kahit papaano ay iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa.

Matagal na rin ang aming pinagsamahan. Ang aso’t pusang relasyon na ilang taon lang ang nakalilipas ay lumalim mula nang malayo kami sa isa’t isa. Namiss namin ang mga asaran at seryoso-ako-at-huwag-mo-akong-tatawanan moments. Sa aming paghihiwalay ay doon pa nangyari pagbahagi ng mga makabuluhang aral mula sa aming mga karanasan sa buhay. Salamat sa bunga ng teknolohiya na kung tawagin ay telepono, hindi naputol ang aming pag-uusap. Hanggang sa nawala ang paminsan-minsang inis ko sa kanya at napalitan ng unawa at paglambot ng puso. Sa kanya ko unang naramdaman at naunawaan ang pag-ibig. Siya ang unang sinabihan ko ng ‘I Love You’.

Masaya ang huli naming pagkikita at hindi ko inaasahang makikita siya na nasa ganoong estado. Hindi ko alam kung mapupunan ko ang puwang na naiwan sa kanya bilang ako. Maaaring napalitan ko ang mga tungkulin na naiwan ngunit hanggang ngayon, wala pa rin akong kumpletong lunas sa kanyang malalim na sugat. Hindi ko man ipinangako sa kanya ngunit lahat gagawin ko upang maibalik ang kanyang ngiti.






Happy Valentine’s Day, Mama!






I Love You!

Thursday, February 4, 2010

So...

You can put lipstick on a pig. It's still a pig. – Barack Obama

Wala naman po iyan koneksyon sa mensahe ng post na ito. Gusto ko lang ilagay.

Gusto ko lang sabihin na may namimiss akong gawin. Ang magmahal. Okay, joke iyan. Seryoso, may namimiss ako. Ilang taon na itong nangyayari at para akong taong nasa Cloud 9 kapag nagiging bahagi ng mga ganitong bagay. Ayaw kong mawala ito sa aking sistema.

Disyembre ng taong 2006. Dito nagsimula ang ‘tawag’. Nasa kainitan ako ng matinong pagtatrabaho nang may matanggap akong email. Ang laman ay tungkol sa A Thousand Bears For Bicol project ng isang blogger kung saan ang ay nais niyang makaipon ng at least one thousand teddy bears na stuff toys para sa healing ng mga bata na napinsala ng bagyong Reming. Attached sa email ay isang larawan na nagpaluha sa akin noong araw na iyon.

Ewan ko ba, malapit ang loob ko sa mga bata. Pumunta ako noon sa Divisoria at bumili ng isang daang sari-saring teddy bears. Promise, kakaiba ang feeling ng bumibili ng mga bagay para sa mga batang hindi mo kilala pero alam mong malaking kasiyahan ang maidudulot nito sa kanila. At nagmukha akong Santa Claus sa jeep noong pauwi. Ikinalat ko ang email sa office at mabuti naman ang reception ng mga tao.

At nagkita kami ng blogger noong kukunin na nila ang mga donations. Maikli lang ang aming usapan pero tumatak siya.

Ako: Salamat sa idea nyo ah? Sana makasama ako sa mga susunod nyong projects.

Blogger: Walang anuman. Hindi mo naman kailangang maghintay ng ganyan. Puwede mo ring simulan.

August, 2008. Mahigit isang taon din bago ako nakapag organize ng sariling outreach. Pinili ko ang pediatric wards ng PGH dahil malapit lang ito sa bahay namin. Successful naman at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mahal ko ang Greenies.


January, 2009. Sa suhestiyon ni Cyberlola, ang mga kasamahan naman niyang matatanda ang dalawin namin. At nangyari nga ang Golden Acres Outreach

Kaya ko lang naman ginawa ang post na ito kasi gusto ko lang naman magtanong…





Eh saan naman tayo ngayong taon? =)


Thursday, January 28, 2010

Sa Pumukaw Sa Aking Puso

Nakalimutan ko na yatang manligaw

Nilisan na ang utak ko ng mga gawi

Natira'y mga bulong at alingawngaw

Na bumubuntot sa aking pagkasawi


Paano na nga ba ulit ang magpapansin

Iyong pag-iisip ng mga pamatay na linya

Mga bitaw na sa mga pelikula ni Robin

Maririnig tuwing siya ay naglilitanya


Papaano na nga ulit ang magpapogi

Anong makamandag na halimuyak

Ang ibabalot upang aking mabighani

Ang inaasam na oras ng dilag


Teka…


Nakalimutan kong sadyang kinalimutan ko

Ang mga gawain ng *ubo* manliligaw

Pinaslang ko nang malupit ang pagbabalatkayo

At ang mga pagpapanggap na halatang hilaw.


Nais kong makilala niya ako bilang ako

‘Di mula sa palabas ang lambing pero totoo

Hindi pogi pero confident na guwapo

Sa simula nariyan agad ang baho at bango


Sa napipintong pagtuldok ng sinulat na ito

Mutya ikaw ay mag-ingat sa mga hudas

Sila ay magtatangkang anliligaw sa iyo

mga manliligaw, at mangliligaw-landas


Thursday, January 21, 2010

Lampa

Isa…

Dalawa…

Bilang niya ang malalaking butil ng pawis na tumutulo mula sa gilid ng kanyang noo pababa sa panga. Kalahating oras na rin siyang nakatitig sa karatula ng MMDA ngunit hindi nya binabasa ang nakasulat doon. Isang mahabang hithit sa sigarilyo, isang mas mahabang buntong-hininga. Paulit-ulit lamang ang tumatakbo sa isip ngunit hindi pa rin niya makabisa ang mga linya at makausad sa gusto niyang gawin. Magkikita sila ng kanyang kasintahan at nababalot ng takot ang kanyang aura ngayon. Naglalakad ang lalaki patungo sa kanilang tagpuan. Habang papalapit ay bumibigat naman ang kanyang mga binti na tila may humihila paatras.

*pagbabalik tanaw*

Mataas ang kanyang pamantayan pagdating sa pagpili ng liligawan. Marami siyang mga hindi pinansin at pinalipas upang mahanap ang babaeng nararapat sa kanyang pagmamahal. Matagal siyang naghintay. Hanggang sa nakilala niya ang isang binibini na sawa naman sa mga panloloko at matagal na ring naghahanap na makakasama na responsable, nakakatawa at malakas ang sex appeal. Una at huli. Inukit nila ang pangako na ito sa kanilang mga puso.

Sa isang piging, nagkaroon ng pagtitipon sina Empoy, Jose, San Mig at RH sa kanyang sistema. Noong gabing iyon ay mayroong hindi pagkakaunawaan ang mag-irog at nagkataon namang may isang dilag na nakakuha ng kanyang atensiyon. Sa isip niya e, lalaki siya. Kung hindi man normal, may karapatan siyang mambabae sa ganoong sitwasyon. Hindi niya sinisi ang impluwensiya ng alak sa kasalanan niya. Kahit wala na ang mga iyon ay muli siyang nakipagkita at nakipagkembelar sa bagong kakilala.

*katapusan ng pagbabalik tanaw*

Sampung minuto pa bago ang kanilang napag-usapang oras. Ito ang unang beses na maaga siya. Nangingibabaw at bakas sa mukha ang pangangamba. Hindi kaya ng kanyang konsiyensiya ang nangyari. Wasak na ang mga prinsipyo niya at ilang sandali pa ay babasagin naman niya ang puso ng mahal niya.

Lumuha ang kanyang kasintahan matapos ang kanyang pag-amin. Planado ang kanyang mga sunod na galaw. Inabot niya ang kanyang panyo upang kahit papaano'y matakpan ang mukhang ayaw niyang makitang lumuluha. Hinawakan nya ang kanyang kamay para iparamdam na nagsisisi siya at umasang maibsan ang sakit na kanyang naidulot. Niyakap niya ito upang mapigilan ang anumang tangkang paglayo o pananakit na maaaring gawin ng babae. Pinaghandaan niya ito. Ngunit hindi niya inaasahan ang maluha-luhang tugon ng dalaga.





"Ako rin."