Naabutan ko siyang lumuluha. Sariwa pa ang mga sakit na naidulot ng biglaang paglisan ng kanyang irog. Nakaupo siya sa isang sulok at halos hindi makapagsalita. Agad akong yumakap sa kanya para kahit papaano ay iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa.
Matagal na rin ang aming pinagsamahan. Ang aso’t pusang relasyon na ilang taon lang ang nakalilipas ay lumalim mula nang malayo kami sa isa’t isa. Namiss namin ang mga asaran at seryoso-ako-at-huwag-mo-akong-tatawanan moments. Sa aming paghihiwalay ay doon pa nangyari pagbahagi ng mga makabuluhang aral mula sa aming mga karanasan sa buhay. Salamat sa bunga ng teknolohiya na kung tawagin ay telepono, hindi naputol ang aming pag-uusap. Hanggang sa nawala ang paminsan-minsang inis ko sa kanya at napalitan ng unawa at paglambot ng puso. Sa kanya ko unang naramdaman at naunawaan ang pag-ibig. Siya ang unang sinabihan ko ng ‘I Love You’.
Masaya ang huli naming pagkikita at hindi ko inaasahang makikita siya na nasa ganoong estado. Hindi ko alam kung mapupunan ko ang puwang na naiwan sa kanya bilang ako. Maaaring napalitan ko ang mga tungkulin na naiwan ngunit hanggang ngayon, wala pa rin akong kumpletong lunas sa kanyang malalim na sugat. Hindi ko man ipinangako sa kanya ngunit lahat gagawin ko upang maibalik ang kanyang ngiti.