Sunday, March 7, 2010

Kung Bakit Ko Gustong Malaman Ang Ngalan Ng Kotse Mo

Kung bakit ko gustong malaman

...ang ngalan ng kotse mo

Gaya ng pangarap na mahatdan ko

...ng saya ang iyong bawat umaga

Gaya ng panalangin na ang iyong maghapon

...ay lilipas nang matiwasay at payapa

Gaya ng hiling na sa pagtulog mo

...ay may baon kang ligaya

...at gigising ka sa umagang

...may pasalubong na pananabik


Kagaya ng mga iyan

Na tulad din ng minsan

Na ikaw ay aking nakilala

Na kahit sa maikling panahon

Na aariin ko na naging

...alaala ng aking kahapon

...at bahagi na ng aking kasaysayan


Kung bakit ko gustong malaman

...ang ngalan ng kotse mo

Ay kagaya kung bakit ako

...magpapasalamat sa tulang ito

… maraming dahilan

...ngunit iisa ang pinagmulan

… ang ikaw at ang kapangahasan kong

...mahulog sa tulad mo

at ang kagustuhan kong

...laging may ngiti sa iyong labi

Thursday, February 11, 2010

Balentayns

Naabutan ko siyang lumuluha. Sariwa pa ang mga sakit na naidulot ng biglaang paglisan ng kanyang irog. Nakaupo siya sa isang sulok at halos hindi makapagsalita. Agad akong yumakap sa kanya para kahit papaano ay iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa.

Matagal na rin ang aming pinagsamahan. Ang aso’t pusang relasyon na ilang taon lang ang nakalilipas ay lumalim mula nang malayo kami sa isa’t isa. Namiss namin ang mga asaran at seryoso-ako-at-huwag-mo-akong-tatawanan moments. Sa aming paghihiwalay ay doon pa nangyari pagbahagi ng mga makabuluhang aral mula sa aming mga karanasan sa buhay. Salamat sa bunga ng teknolohiya na kung tawagin ay telepono, hindi naputol ang aming pag-uusap. Hanggang sa nawala ang paminsan-minsang inis ko sa kanya at napalitan ng unawa at paglambot ng puso. Sa kanya ko unang naramdaman at naunawaan ang pag-ibig. Siya ang unang sinabihan ko ng ‘I Love You’.

Masaya ang huli naming pagkikita at hindi ko inaasahang makikita siya na nasa ganoong estado. Hindi ko alam kung mapupunan ko ang puwang na naiwan sa kanya bilang ako. Maaaring napalitan ko ang mga tungkulin na naiwan ngunit hanggang ngayon, wala pa rin akong kumpletong lunas sa kanyang malalim na sugat. Hindi ko man ipinangako sa kanya ngunit lahat gagawin ko upang maibalik ang kanyang ngiti.






Happy Valentine’s Day, Mama!






I Love You!

Thursday, February 4, 2010

So...

You can put lipstick on a pig. It's still a pig. – Barack Obama

Wala naman po iyan koneksyon sa mensahe ng post na ito. Gusto ko lang ilagay.

Gusto ko lang sabihin na may namimiss akong gawin. Ang magmahal. Okay, joke iyan. Seryoso, may namimiss ako. Ilang taon na itong nangyayari at para akong taong nasa Cloud 9 kapag nagiging bahagi ng mga ganitong bagay. Ayaw kong mawala ito sa aking sistema.

Disyembre ng taong 2006. Dito nagsimula ang ‘tawag’. Nasa kainitan ako ng matinong pagtatrabaho nang may matanggap akong email. Ang laman ay tungkol sa A Thousand Bears For Bicol project ng isang blogger kung saan ang ay nais niyang makaipon ng at least one thousand teddy bears na stuff toys para sa healing ng mga bata na napinsala ng bagyong Reming. Attached sa email ay isang larawan na nagpaluha sa akin noong araw na iyon.

Ewan ko ba, malapit ang loob ko sa mga bata. Pumunta ako noon sa Divisoria at bumili ng isang daang sari-saring teddy bears. Promise, kakaiba ang feeling ng bumibili ng mga bagay para sa mga batang hindi mo kilala pero alam mong malaking kasiyahan ang maidudulot nito sa kanila. At nagmukha akong Santa Claus sa jeep noong pauwi. Ikinalat ko ang email sa office at mabuti naman ang reception ng mga tao.

At nagkita kami ng blogger noong kukunin na nila ang mga donations. Maikli lang ang aming usapan pero tumatak siya.

Ako: Salamat sa idea nyo ah? Sana makasama ako sa mga susunod nyong projects.

Blogger: Walang anuman. Hindi mo naman kailangang maghintay ng ganyan. Puwede mo ring simulan.

August, 2008. Mahigit isang taon din bago ako nakapag organize ng sariling outreach. Pinili ko ang pediatric wards ng PGH dahil malapit lang ito sa bahay namin. Successful naman at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mahal ko ang Greenies.


January, 2009. Sa suhestiyon ni Cyberlola, ang mga kasamahan naman niyang matatanda ang dalawin namin. At nangyari nga ang Golden Acres Outreach

Kaya ko lang naman ginawa ang post na ito kasi gusto ko lang naman magtanong…





Eh saan naman tayo ngayong taon? =)


Thursday, January 28, 2010

Sa Pumukaw Sa Aking Puso

Nakalimutan ko na yatang manligaw

Nilisan na ang utak ko ng mga gawi

Natira'y mga bulong at alingawngaw

Na bumubuntot sa aking pagkasawi


Paano na nga ba ulit ang magpapansin

Iyong pag-iisip ng mga pamatay na linya

Mga bitaw na sa mga pelikula ni Robin

Maririnig tuwing siya ay naglilitanya


Papaano na nga ulit ang magpapogi

Anong makamandag na halimuyak

Ang ibabalot upang aking mabighani

Ang inaasam na oras ng dilag


Teka…


Nakalimutan kong sadyang kinalimutan ko

Ang mga gawain ng *ubo* manliligaw

Pinaslang ko nang malupit ang pagbabalatkayo

At ang mga pagpapanggap na halatang hilaw.


Nais kong makilala niya ako bilang ako

‘Di mula sa palabas ang lambing pero totoo

Hindi pogi pero confident na guwapo

Sa simula nariyan agad ang baho at bango


Sa napipintong pagtuldok ng sinulat na ito

Mutya ikaw ay mag-ingat sa mga hudas

Sila ay magtatangkang anliligaw sa iyo

mga manliligaw, at mangliligaw-landas


Thursday, January 21, 2010

Lampa

Isa…

Dalawa…

Bilang niya ang malalaking butil ng pawis na tumutulo mula sa gilid ng kanyang noo pababa sa panga. Kalahating oras na rin siyang nakatitig sa karatula ng MMDA ngunit hindi nya binabasa ang nakasulat doon. Isang mahabang hithit sa sigarilyo, isang mas mahabang buntong-hininga. Paulit-ulit lamang ang tumatakbo sa isip ngunit hindi pa rin niya makabisa ang mga linya at makausad sa gusto niyang gawin. Magkikita sila ng kanyang kasintahan at nababalot ng takot ang kanyang aura ngayon. Naglalakad ang lalaki patungo sa kanilang tagpuan. Habang papalapit ay bumibigat naman ang kanyang mga binti na tila may humihila paatras.

*pagbabalik tanaw*

Mataas ang kanyang pamantayan pagdating sa pagpili ng liligawan. Marami siyang mga hindi pinansin at pinalipas upang mahanap ang babaeng nararapat sa kanyang pagmamahal. Matagal siyang naghintay. Hanggang sa nakilala niya ang isang binibini na sawa naman sa mga panloloko at matagal na ring naghahanap na makakasama na responsable, nakakatawa at malakas ang sex appeal. Una at huli. Inukit nila ang pangako na ito sa kanilang mga puso.

Sa isang piging, nagkaroon ng pagtitipon sina Empoy, Jose, San Mig at RH sa kanyang sistema. Noong gabing iyon ay mayroong hindi pagkakaunawaan ang mag-irog at nagkataon namang may isang dilag na nakakuha ng kanyang atensiyon. Sa isip niya e, lalaki siya. Kung hindi man normal, may karapatan siyang mambabae sa ganoong sitwasyon. Hindi niya sinisi ang impluwensiya ng alak sa kasalanan niya. Kahit wala na ang mga iyon ay muli siyang nakipagkita at nakipagkembelar sa bagong kakilala.

*katapusan ng pagbabalik tanaw*

Sampung minuto pa bago ang kanilang napag-usapang oras. Ito ang unang beses na maaga siya. Nangingibabaw at bakas sa mukha ang pangangamba. Hindi kaya ng kanyang konsiyensiya ang nangyari. Wasak na ang mga prinsipyo niya at ilang sandali pa ay babasagin naman niya ang puso ng mahal niya.

Lumuha ang kanyang kasintahan matapos ang kanyang pag-amin. Planado ang kanyang mga sunod na galaw. Inabot niya ang kanyang panyo upang kahit papaano'y matakpan ang mukhang ayaw niyang makitang lumuluha. Hinawakan nya ang kanyang kamay para iparamdam na nagsisisi siya at umasang maibsan ang sakit na kanyang naidulot. Niyakap niya ito upang mapigilan ang anumang tangkang paglayo o pananakit na maaaring gawin ng babae. Pinaghandaan niya ito. Ngunit hindi niya inaasahan ang maluha-luhang tugon ng dalaga.





"Ako rin."

Monday, February 9, 2009

Tula, Tula, Paano Ka Itinula?

isang pagsusumamo
              ng pusong dating tulog
              `wag mo ng katukin
              `wag mo ng gambalain

kung di lang din kayang
              suklian ang alay
              hayaan mong mamatay
              ng unti-unting dumadahan-dahan

sumabay sa lubog ng araw
              ang pakiramdam
              na di na sana sumikat pa
              sa bukas na walang pag-asa

tanawin mo na lang ako
              habang naglalakbay mag-isa
              `wag ng habulin pa
              ang paggulong ng luha

dahil hindi nakakapawi
              ang paghaplos ng hikbi
              `di na kayang maibsan
              ang hapdi

dahil sa iyong mga ngiti
              ako'y napupunit
              nasasaktan
              lalong nasasawi


ang iyong nabasa ay hindi mula sa akin. ito ay orihinal na gawa ng isang kaibigan ko na may problemang puso. ang masasabi ko lang ay sana magkaroon na siya ng blog dahil sayang ang talento niya sa pagsusulat.

Monday, February 2, 2009

Greenies sa Golden Acres

Last year, dumalaw sa Pediatric Wards 9 and 11 ng Philippine General Hospital (PGH) ang mga Greenies. Dahil isa ako sa mga nag-ayos ng activity na ito, marami ang nagtanong sa akin: Kailan at saan ang susunod na outreach? Ito lang ang naisagot ko:

Malay ko!!!

Joke lang. One ordinary and not so normal day, nabanggit ni Cyberlola ang Golden Acres. Noong kabataan niya pala ay madalas siyang (kasama ang mga amiga) dumadalaw sa lugar na iyon. At iyon na! Nitong nakaraang November 17 ay inumpisahan na namin ang paghahanda para sa outreach.

Marami ang gustong sumama at ako naman’y tuwang-tuwa dahil isa na naman itong pagkakataon upang makapagpangiti kami ng mga tao kahit sa ilang oras lamang.

Pinuntahan namin nina Cyberlola ang Golden Acres upang makakuha ng sapat na impormasyon para sa mga kakailanganin ng project na ito. Maraming residents ang lugar na ito. Karamihan sa kanila ay malalakas pa at sadya lang talagang iniwan ng mga kamag-anak nila. Hindi ko makakalimutan ang isang lola na inabangan kami sa labas ng opisina ng nasabing lugar.

Nakangiti siya at pinalapit kami sa kanyang kinauupuan. Bakas sa mukha niya ang kaligayahan marahil dahil mayroong siyang mga bisitang makakausap. Tulala ako. Naramdaman ko ang lungkot na anino ng kanyang effort na puntahan kami. Mabuti na lamang at kinausap ni Cyberlola ang matanda. Salamat at may kasama akong beterana sa ganitong gawain. Hihi.

Ilang minuto pa at nagpaalam na kami sa lola at ang tangi niyang tanong ay: Kailan kayo babalik? Ito ang tanong na muntik na ako maluha. Ang hirap ipaliwanag pero kung nandoon kayo ay maiintindihan niyo siya. Ang mga tao na nagbuhos ng maraming pagod upang maipalaki ang kani-kanilang mga anak na may mga maayos na buhay. Ang mga nanay at tatay na maraming sakripisyo ang inalay upang hindi mahirapan ang mga taong nagmula sa kanilang mga dugo. Ang mga magulang na pinaliguan ng pagmamahal ang kanilang mga supling. Sila ngayon ay inilagay na lamang sa lugar na ito. Hiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ipinangako namin na babalik kami.

Kumpleto na ang datos na kailangan ngunit may isang malaking problema. Pagkain. Mahigit 200 ang residente ng Golden Acres. Walang sapat na pondo ang Greenies upang maghanda ng pagkain para sa kanila. Mabuti na lamang may mga mabubuting puso dito at sa ibang bansa na nagbigay ng monetary donations upang matuloy ang activity. Hindi ko maipaliwanag ang ngiti at utang na loob ko sa kanila. Masaya ako sa tiwala na ibinigay nila sa aming paghawak sa kanilang mga salapi. Silang mga nakilala ko lamang sa internet at kung personal ko mang nakasalamuha ay ilang buwan pa lamang. Maraming salamat sa tiwala.

January 24, 2009. Handa na nga ba ang lahat? Marami ang pumunta at nagbigay ngiti sa mga lolo at lola na naninirahan doon. Nagkaroon ng munting palaro at namigay pa ng mga premyo. Maayos namaing naipamigay ang mga pagkain. Nagkaroon pa ng guest appearance si Jollibee (hindi ako!) at inaliw ang mga tao doon. Sari’t saring kuwento ang naibahagi sa amin ng mga tao doon. May nakakatawa, may nakakaiyak at ang lahat ng mga ito ay hindi namin makakalimutan.

Noong paalis na kami ay muli naming nakita ang lola na kumausap sa amin noon. Iba ang nakita kong ngiti sa kanya. Tila nabawasan ang pagkaulila. Siguro dahil sa tinupad namin ang aming pangako.

Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong at pumunta sa event na ito. Alam nyo na kung sino kayo. Abangan nyo lang ang mga susunod na outreach sa Greenpinoy Forums.






Mabuhay kayo!!!

Friday, December 12, 2008

Muntik Nang Maabot Ang Langit

Anim na taong gulang ako noon. Feeling ko ako si Superman. Suot ko palagi ang red and blue costume na regalo sa akin ng mga magulang ko. Nais kong subukan na tumalon mula sa bubong namin ngunit ayokong may makakita ng taglay kong kapangyarihan lalo na’t probinsiya ang aming lugar. Madaling kumalat ang tsismis at siguradong magugulo ang mga buhay namin.

Ngunit minsan talaga, kailangang gamitin mo nang wala sa oras ang kakayahan mo. Nakatambay ako sa tarangkahan namin at naglalaro ng dyiaydow nang makita ko ang isang tumatawid na kuting sa kalsada. Ang kuting na iyon ay bulag o kaya nama’y napuno ng muta ang kanyang mga mata. Basta hindi siya makakita sa aking pagkaalala. Biglang may paparating na tricycle at tila kuting rin yata ang nagmamaneho. Mukhang masasagasaan ang kawawang feline. Siyempre, bilang batang Superman (Superboy?), gumawa ako ng paraan para mailigtas ang buhay ng kawawang hayop. Tumakbo ako patungo sa kalsada, sinipa ko siya nang malakas para tumalsik sa damuhan at ako nama’y naiwang nakaharang sa daraanan ng sasakyang de-lata.

Miyaaawwrrrr!!!!

Skrrrtttsss!!!!

BLAG!





Mula noon si Batman na ang idol ko at maaaring doon nag-umpisa ang istorya ng paghihiganti ni Catwoman.

**********************************************************************************
Grade school. Sembreak. Nakatambay kaming magkakabarkada sa bahay ng isang kaklase. Lahat kami mga lalaki noon, ngayon may binabae na. Ilang mga kabataan na nasa murang edad at mga inosenteng nangagarap na mamulat sa kamunduhan. Walang ibang tao sa bahay at aksidente naming nakita ang isang 'educational' video. Do the math-sel (tut tut tut turut turut tutut). Agad namin isinalang ito sa vhs. Ito ang hindi puwedeng ituro sa loob ng paaralan na kailangan naming matutunan. Para kaming mga cavemen na nakadiscover ng apoy.

Ako: aru ruba agi buga buga apuy.

Klaysmeyt1: higi hu-wa subatuta ay layk ay layk.

Dinaig pa namin ang senado sa tindi ng pagtutok sa palabas at talagang tiniyaga namin ang rewind at fast forward functions ng player. Sa tuwing nakakakita kami ng mga 'papaya' at mga 'pusa' na hindi basta-basta makikita sa palengke at kalsada, napapasigaw kami dahil sa mga bagong tuklas na kaligayahan.

Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ng tito ng kaklase ko. Sabog ang hitsura at tila bad trip dahil nabulabog namin ang kanyang pagtulog.

Tito ni klasmeyt: putang ina! hindi ba kayo diyan tatahimik?!

Habang sinasabi niya iyon ay may hawak siyang baril at itinutok sa klasmeyt ko.
.
Kung hindi lang ako nabangga ng tricycle ay haharang sana ako sa gitna para masangga ang bala. Salamat nga pala manong na may muta sa maagang pagmulat sa akin. Hindi naman kinalabit ang gatilyo ngunit natahimik talaga kami noon. Ang kaklase ko namang tinutukan ay sanay na. Tila nakabaon na punyal ang titig ng kanyang mga mata sa baril.

Ipinagpatuloy namin ang panonood sa ibang bahay.

**********************************************************************************
Taong 2000. First year college. Papaubos na ang pera ko at hindi pa panahon para magpanggap na callboy. Alas kuwatro pa lang ng hapon. Kung kaya naisipan kong maghanap ng atm at tingnan kung pumasok na ang allowance ko.

Naglakad ako patungo sa atm na malapit sa eskinita. Isang kanto mula sa roon ay may nakita akong tambay na naninigarilyo. Tila ipinaglihi sa gym dahil sa laki ng katawan. Mahaba, kulot ang buhok at isang linggo na yatang hindi naliligo dahil parang diaper na ng sanggol ang kanyang puting sando. Pasimpleng sulyap ako sa kanya samantalang siya ay matagal nang nakatingin sa akin. Hindi ka maaaring magkamali na may masamang balak ang taong ito at kung ipinagpatuloy mo pa ang pagkuha ng pera ay isa't kalahating tanga ka na.

At pumunta pa rin ako sa atm. Nakuha ko ang baon ko para sa buwan na iyon. Kalalabas pa lang ng pera mula sa makina ay nasa likod ko na ang tambay at tinutukan ako ng icepick sa leeg. Ito ang mga sumunod na tagpo:

Tambay: Bosing joldap itech! Wish ko lang wiz ka na shosholag para waz ng umabagan!

Ako: Anda ba or notring ang jonap miz?

Holdaper: Knows mo bey na booking ang jonap ko? Nasa fezlak ko bang badingerzzie akiz?

Ako: Sorry naman koya! Ka fez mo kasi yung mga goonellias sa filmsarru ni Da Khing noh! Cencia! Wit ko knowing!

Holdaper na maton: Give love on Christmas day mo na sa akembang ang bonggang 3210 na ketai at walley mo!

Ako: Plangak! Keri! Yaanchi na!

Nakuha ang pera at selpon ko ngunit hindi ko ibinigay ang aking puri. Hindi rin naman kasi siya nagtangka lols.

**********************************************************************************
Ang mga istorya na inyong nabasa ay hango sa mga tunay na pangyayari ng manunulat at nilagyan lamang ng konting kakulitan. Ito rin ay tugon sa hinog na NDE tag ni lethalverses sa akin.

Thursday, December 11, 2008

Nakakalungkot Lang

.






Handa kang tumulong pero iyong mismong tao ang pumipigil sa iyo.







.

Wednesday, November 26, 2008

A Goddess & An Icon


Isang madilim na kahapon
Pilit kong tinatakasan
Tumakbo papalayo
Upang sa kanyang bisig
ay magsumamo

Simpleng pagmamasid ang aking hiling
Nakapaligid ako sa iyo na tila hangin
Kailangan lang ay iyong pagintindi
Upang tayo ay mapasaatin

Lumulutang sa alapaap
Isip kong ligaw
Hindi makausad
Sa sulok na kinasadlakan
Siya ang tanging pag-asa
Upang lumipas ang lumbay


Ilang dipa lamang ang layo
Milya naman ang mga puso
Napupunit kapag kapiling ka
Gayun din kapag wala ka

Hindi ko alintana pagsuyo ng iba
Tanging hiling ko lang
Pagsinta niyang bukal
Hindi man arok ng isipang payak
May hihigit pa ba sa pagibig na wagas?


Ngunit ang sagot ang siyang bugtong
Sumasapi sa kalat ng mga tanong
Kailan ba magtutugma ang mga saknong
Upang ang istorya ay sumulong?

Ramdam ko ang iyong pagsusumamo
Ngunit di kayang dinggin iyong pagdulog
Puso at isip ay nagkaisa
Tanging nais makapiling ay siya


Ako sana’y iyong mapatawad
Walang dapat ihingi ng paumanhin
Kung pagsinta’y hindi masuklian
Pagibig na kusang ibinigay
Pagka’t hindi maaaring dayain
Walang kapalit na hinihintay
Ang sariling sa kanya lang bumabaling.
Mga nararamdamang walang tulay.

Sunday, November 16, 2008

Regalo sa Pasko

Nalalapit na ang Pasko pero wala pa rin akong nabibili sa iilang taong bibigyan ko ng regalo. Take note: iilan lang. Iilan na nga lang, wala pa akong naiisip nor napipili. Fartness.

Kanina lang e ka-chat ko si greenpinoy. Nabanggit ko sa kanya ang aking munting suliranin. Eto sabi niya:

greenpinoy (gp): Chrone, bakit hindi mo na lang sila bilhan ng maganda at state of the art na Wind Runner ng Nike?

Ako: Ha? Ano iyon?!

gp: Hindi mo alam?! Check mo itong video na ito!

Makalipas ang tatlong minuto at labindalawang segundo...

ako: Oh my gasdude! How come ngayon ko lang nalaman itich?! Kailangan kong magmadali. Sa sobrang ganda nito, tiyak maraming bibili!!! Baka huli na ang lahat! I'm gonna faint!

gp: Taray mo. Bumili ka na bago ka maubusan...

Ako: 'Di na mabiro. Salamat sa links, mukhang may pang-regalo na ako. Hehe...

For more information, click mo ang link sa baba:

http://www.nike.com.ph/windrunner

Friday, November 14, 2008

Hiatus

Mga salitang pinakawalan
Natutulog na sa sisidlan
Hindi na nila alam
Walang silang pakialam.

Siguro ngayon…
Ito ang nararapat.
Kasalukuyang pagtulog
sa habambuhay na pagdumog.



roar!!!

Wednesday, October 8, 2008

Wakasan


Sila sa mga makabagong Pip at Guy.
Kung si Clark Kent mayroong Lois Lane,
si Cyclops naman, ay may Jean Grey.
At kung ganito lang ang pag-uusapan,
mawawala ba eksena sina Peter at MJ?

Sa kanya-kanyang love stories, sila ay tanyag.
Hindi kaila sa kanilang mundo ang dalisay
na pag-iibigang sa isa't isa inihahayag.
Gamit ang kapangyarihan, kanilang naitutulay
ang mga panganib na sa kanila'y inilalapag.

Ang sa akin lang e, bakit iba ako sa kanila?
Isa lamang akong tao, karaniwan ang mga mata.
Ipinanganak sa mundo, 'di sa ibang planeta
Magpapakagat man ako sa gagamba,
sa mga suliranin ba'y maililigtas kita?

Ang tanong ko lang e, magiging tulad ba ako nila?
Maibabalik ang nakaraan sa buklat ng pahina?
May sapat na kakayahan sa bawat oras ipadama
ang kanilang presensiya sa oras ng iyong pag-iisa?
Mali. Isang pagkakamali ang dito ay umasa.

Pangarap na lamang, maihambing sa mga bida.
Hindi kita kayang ilipad kung saan nais pumunta.
Sa aking mga mata, ang lumalabas ay muta't luha.
Pangal ng arachnid, ako ay nangangamba.
Ngunit kung iyong iisipin, higit ako sa kanila.

Iyong suriin at sa obserbasyon ko ay tutugma.
Ang mundo kesa pag-ibig, sa kanila mas mahalaga.
Normal lang ako at kung iyong kinakailangan,
isang text lang at ikaw ay aking pupuntahan
Ako ay tunay, sila ay kathang-isip lamang.

Ikaw na Sue Storm ng nauunat kong buhay,
tinanggihan mo ang tulong ng aking mga kamay.
Sa halip, tinungo mo ang mga bisig ng lumbay
at ang tanging magagawa ko ay sumubaybay.
Ito ang salaysay: poot, hiwalay, bati at away.

Naisulat na ang pagwawakas ng komiks na ito.
Nahigitan pa natin ang labanang Xavier at Magneto,
At marami pa akong pupunuhing pahinang blanko
kaya't ito na ang huli at 'di maiiwastong yugto
ng isang nangarap na maging higit pa
sa isang superhero.

Paalam.

Friday, October 3, 2008

Lashing Heroes Reunion Concert!

Nangangarap lang hehe. Sino ba naman ang magkakaroon ng reunion chorva kung isang awit pa lang ang nabubuo at hindi pa nga nairerekord ito. Ni mga magulang namin hindi pa ito naririnig. Iwawasto ko lang ang pamagat ng post na ito. Patimpalak po ito at hindi konsiyerto.

The Lashing Heroes Reunion Contest!



Ang contest:

1. Tignan mabuti ang litrato sa itaas. GAYAHIN ITO (apat na tao lang) sa pinakamakulit na paraan na alam nyo! Hindi kailangan eksaktong eksakto pero dapat pag nakita yung litrato nyo, ang una naming maiisip ay “Aba! Parang ito yung litrato namin!”

2. Bawal i-Photoshop ang original na litrato. Kaya yung mga nagbabalak magpatong ng mukha, sorry LOL.

3. Ipadala ang entry/entries (oo, kahit ilan ang isumite!) sa lashingheroes@yahoo.com na may subject na “Reunion Contest”, kasama ang pangalan ng lahat ng nasa litrato.

4. Ang contest na ito ay mula ngayong araw hanggang November 7, 2008. I-aanunsyo ang nanalo sa November 8, 2008.

5. Ang mananalong litrato ay pipiliin ng mga Lashing Heroes at mananalo ng Php 1,000 GC at 4 na Greenpinoy Shirts (isang tshirt kada tao sa litrato)!

Eto ang isang sample:


Sali na!

Mabuhay ang Pilipinong Lashing!!!








WEIGHT! Ders Mor!!!

Kung inyong mapapansin, sa unang larawan ay may babaeng nakatingin sa puwit ng isa sa amin. Hulaan niyo kung kanino!

Clue: Nasa Singapore siya ngayon! LOL!!!

Monday, September 22, 2008

Tama Man Ang Bato, Nasa Sasambot Pa Rin

Isa sa mga hindi ko ipagpapalit na moment ay iyong sobrang uhaw at gutom ka dahil kagagaling mo lang sa motel paglaro ng apoy basketball. Tumatagaktak pa ang pawis ko habang nakapila sa isa sa mga fast food chain na nag-aalok ng bottomless drinks noon.

Miss: Good afternoon, sir! Welcome to Carl’s Jr.! My name is Carla (hindi totoong pangalan), may I take your order?

Ako: Miss, isang order ng chicken meal ninyo. Puwedeng breast? Iyong malaki.

Tulala si Carla sa narinig.

Carla: ...

Ako naman ay nagtaka kung ano ang nangyayari sa kanya. Nang biglang yumuko ang binibini at tila nakatingin sa hinaharap niya.

Ako: ...

Sa iyo miss, kung nababasa mo man ito, ito lang ang mga masasabi ko:

1. Sana lang ma-realize mo na walang malisya ang pagkasabi ko ng order sa iyo noon.

2. Oo, napansin ko na malaki nga ang boobs mo pero tingin mo ba iyon ang nasa isip ko noong tinanong mo kung ano ang gusto kong bilhin sa lugar na iyon?

3. Hindi ako pumunta sa isang fast food chain para makita ang iyong balloons. Heller, may internet na kaya? Pagkain at inumin ang habol ko, intiendes?

Mabuti sana kung ganito ang nangyari:

Miss: Good afternoon, sir! Welcome to Carl’s Jr.! My name is Carla (hindi totoong pangalan), may I take your order?

Ako: Miss, pabili nga ng dalawang papaya. Dalawang MALAKING MALAKING PAPAYA! Dagdagan mo pa ng gatas ah? Iyong kapipiga lang.

Habang sinasabi ko iyon ay nakatingin ako sa name plate mo habang nagtutulo ang aking laway nakalabas ang dila at itataas ng mabilis at dalawang magkasunod na beses ang aking mga kilay.

SIGURO pupuwede pa.

Hindi ko makakalimutan ang mga natutunan ko noong araw na iyon:

1. Upang hindi ka mahusgahan ng mga tao na katulad ni Carla, siguraduhing hindi nila mamimisinterpret ang mga salita mula sa bibig mo. Kahit na wala kang malaswang intensiyon, umiwas ka na lang or mag-ingat sa mga bibigkasin mo at baka duraan nila ang inumin mo.

2. Huwag kalilimutang banggitin ang salitang "part" lalo na kung breast ng chicken ang iyong order at malaki ang suso ng kausap mo.

Halimbawa: Miss, isang order ng chicken meal ninyo. Puwedeng breast part? Iyong malaki.

3. Kapag ikaw ay nagugutom at nauuhaw, hindi mo na papansinin ang libog.

Tama ang sabi ng mga nakakatanda, iba na talaga ang mga kabataan ngayon.

Saturday, September 20, 2008

Ang Isang Buwan Sa Loob Ng Tatlong Estropa

*
Habang nagpapabango ka sa buong sambayanan,
sa iyong nagawa sa aming magkakakuntsaba,
hindi mo pa rin sa lahat maitatago’t maibabago
ang ugali mong simpangit ng pagmumukha mo.

*
Habang lumalayo ka at pinipilit na magmalinis,
aminin mong tayo at hindi ako ang nagsimula nito.
Ang puwang at kulang na ngayon ay higit pa sa labis.
Kinalimutan natin ang batas at mga suot na relo.

*
Habang tumatagal, napapatunayan mo,
magkaiba tayo ng landas na piniling tahakin.
Ako ay sa panlilinlang mismo lumalayo.
Ikaw nama’y pinaghari ang dugo ng salarin.

*


Note: Magkakaibang tao ang tinutukoy sa bawat saknong.

Tuesday, September 16, 2008

Kamusta Na Kayo?

Sa mga abaniko na nagtatanong kung bakit wala akong palakihing takda, nais ko lamang sabihin na maraming (malamang hindi lang iisa) nangyari sa akin nitong nakaraang buwan.

Pinili ko lang na huwag ihayag sa lugar na ito ang aking mga saloobin dahil ayokong magbitaw ng mga salita na hindi ko na mababawi.

Huwag mabalisa.

Nandito na ulit ako at muling sasayangin ang oras niyo.

Monday, August 25, 2008

Isang Pasasalamat

Nitong nakaraang sabado, ginanap ang unang outreach ng Greenpinoy family. Humigit-kumulang na 20 tao ang pumunta at nakibahagi sa mga kuwento at pangyayari na aming naranasan noong araw na iyon. Ako, bilang isa sa mga organizers, ay masaya sapagkat marami ang pumunta at kahit man lang sa panandalian, ay nabigyan namin ng ngiti ang mga pasyente at pamilya sa wards 9 at 11 ng Philippine General Hospital.

Maraming salamat sa mga:

1. nag-file ng leave para makasama sa event.

2. hindi natulog (dahil nightshift) at diretso na agad sa venue.

3. nag-prepare ng sandwiches para sa grupo.

4. bumili pa ng mga gamit para sa kanilang donations.

5. ipinagpalit ang ibang lakad nila para dito.

6. pumunta kahit na less than two days lang nilang nalaman ang tungkol dito.

7. officemates na nagpahabol ng kanilang share.

8. humabol pa rin kahit na late na sila.

9. tumakas panandalian sa lablayp.

10. pumunta kahit walang contact number ng mga attendees.

11. humila ng iba pang kasama.

12. bumili ng plastic bags.

13. nagpadala ng pera mula sa ibang bansa na pinambili namin ng donations.

14. nagpadala ng pera na hindi umabot sa takdang oras (kasalanan ko rin). sinisigurado naming magagamit namin iyan sa susunod na outreach. yup, hindi ito ang huli.

15. nagbigay ng information tungkol sa outreach.

16. tumulong sa pagdala ng donations sa hospital.

17. suporta at panalangin na kusang kanilang ibinigay.

18. naghalungkat ng kanilang mga lumang gamit.

19. nagbigay ng encouraging words sa mga pinanghinaan ng loob.

20. bloggers na nagpatunay na salamin ng kanilang pagkatao ang kanilang mga lathala.

21. taong naihanda ang kanilang sarili.

22. taong hindi handa sa ganoong tagpo ngunit pumunta pa rin.

Maraming salamat po! Alam kong marami tayong aral at istorya nitong nakaraang Sabado na maaari nating ibahagi sa mga kasama natin sa landas ng buhay. Kahit na maramdaman nating helpless tayo sapagkat limited ang naibigay o maibibigay natin sa kanila, hinding-hindi tayo titigil sa ganitong klaseng gawain.


(wala nga pala sa pic ang dalawang bloggers na kumuha ng larawan hehe...)

Kitakits sa susunod na outreach! Mabuhay kayong lahat!

Thursday, August 21, 2008

bukas, ang araw ng kasinungalingan




bukas, manganganak ng mga sinungaling
at sila ay magugulat sa kanilang sarili;
sa nagbabalatkayong lunas, dalangin
at sa pag-asang 'sila' ay mapapangiti.

bukas, tayo ang may iuuwi
dadalhin natin hanggang sa pag-idlip;
mga pagkukunwari ng buhay natin
at ang unti-unti nitong pagsilip.

bukas, kung saan tayo'y makikibahagi
sa katotohanang mata'y nakapikit;
sa hiram na sandali sa mga landas
na mumulat sa katotohanang kay sakit.




Sa mga pupunta bukas, maraming salamat sa oras na ilalaan nyo para sa kanila.

Maihahanda lang natin ang sarili natin sa pagpunta, ngunit hindi mismo sa pupuntahan.

Tuesday, August 12, 2008

One Way

by Lashingheroes & Co.

KORO
One way lang ang pag-ibig ko
Ako ba’y titigil na o didiretso?
One way lang ang pag-ibig ko
Saan ba pupunta ang kuwentong ito?

BERSO I
Mag-isa ako sa kalsadang ‘to
Walang pupuntahan, nagmamaneho
Biglang may sumabay doon sa dulo
Nagbago na'ng takbo ng traffic ko...

BERSO II
Kahit mahaba man ang ating byahe
Basta’t kasabay kita, wala nang diyahe
Di mo man marinig aking sinasabi,
Okay na basta’t ika’y nasa aking tabi...

PASAKALYE
O anong saya ng makasabay kita
Panay na ang sulyap ko dyan sa kaliwa
O miss paano ko ba makikita
Ang ‘yong ngiting pupukaw saking mata?

ULITIN ANG KORO

BERSO III
Ngunit nagulat ako ng aking mapansin
Na sa daliri mo’y mayron ka ng singsing
Kaya pala sablay ang aking papansin
Sa puso mo pala’y mayron ng nagaangkin

BERSO IV
At ikaw ay nauna’t sa EDSA’y lumiko,
Gusto ko mang humabol, ako pa ri’y bigo
Expired na ang lumang lisensya ko
Tumitirik pa sa pagod ang kotse ko.

ULITIN ANG PASAKALYE
ULITIN ANG KORO

Tuesday, August 5, 2008

Kapag Nalasing Ka Sa Usok, Paano Ang Hangover Mo?


nararapat ba na ako ay magreklamo?
isa lamang akong umaasa na
mababaluktot ang katotohanan.

kadramahan…

hindi mo na mabilang kung ilan
ang mga katulad ko
na pansamantalang nagbibigay
sa iyo ng kaligayahan;
ang mga katulad ko
na permanenteng umaasa
iyong babalikan.

kahangalan…

umpisa pa lamang
ay katapusan ko na;
pansamantalang pagkalulong
sa piling ng ilan sa iyong mga daliri
at sa iyong labi na mala rosas.

lintik ka, lintik ka!
sa bilis ng iyong pagsawa.
hindi ako balat ng saging
na itatapon na lamang
kapag wala ka ng makuha.

kamulatan…

kailangan ko na lang tanggapin
na ako ay isa na lamang upos
na wala nang kakayahan
na magbigay sa iyo ng usok
na hanap-hanap ng pagkatao mo.

katapusan...

isang sigarilyo na dati'y
malakas ang baga.
ngayo’y naliligo sa ulan
dulot ng 'yong pag-iwan sakin.
isang upos na patay na…




ngunit inaanod pa rin ng baha.


(nahalungkat ko lang sa 1,014 th page ng tickler ko noong college)

Friday, July 18, 2008

Alay Ng Isang Nawawala


Tuwing magsasalita ka, nakikinig ako.
Pinahahalagahan ko ang mga bigkas
mula sa iyong malupit na labi.

Tuwing tatayo ka, yuyuko ako.
Natatakot akong magkasalubong
ang magkaibang landas ng mga mata natin

Tuwing lalapit ka, lalayo ako.
Hindi ako handang harapin ang
mga bagay na maaari nating pag-usapan.










At tuwing susuweldo, natutuwa ako.
Dahil hanggang ngayon, hindi mo
pa ako sinisisante.

maraming salamat idol kong bosing!

Monday, July 14, 2008

Alingawngaw Mula Sa Isang Pipi


Minsan may dumalaw sa chatbox ko at ipinahayag ang kanyang pagkalungkot dahil sa pagpaslang ng isang henyong blogger sa kanyang blog na dulot ng isang makapangyarihang puwersa. Tadhana nga naman, ngayon ay siya naman ang biktima ng parehas na salarin at binura rin niya ang kanyang blog kasama ang mga nailathala niya na kumurot sa mga puso at nagbigay ng inspirasyon sa mga mambabasa.

Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo ang isa sa mga paborito ko sa mga posts niya:

trenta pesos na alaala ng PGH

patawad.
itinuring ka naming
isa lamang sa karamihan
ng mga nakaratay
na katawang
humihinga ma’y
nagbibilang naman
kung ilang hibla pa ng hangin
ang kaya nilang habulin
bago tuluyang bumigay
at tanggapin
ang wakas
na itinakda na
mula ng kayo’y limutin
at ituring
na isang alaala na lamang.

patawad.
bagama’t amin nang narinig
na kulang ka na lamang
ng halagang trenta pesos
upang mapunan
ang pangangailangan mong
gamot,
ay nagpatuloy pa kami
sa iba mo pang mga kasamahan
at nangahas, sumugal,
na sila di’y matutugunan.

patawad.
sapagkat kami’y nagutom
at inuna ang kapritso
ng hangal naming sikmura,
at hindi agarang nakabalik
dala ang iyong gamot
na disin sana pala’y sinulid
na maipantatagpi
sa butas mong puso
na tinatakasan na ng hininga...

patawad.
naging mangmang kami
sa tunay mong kalagayan.

patawad,
dahil ang tangi na lamang dinatnan
ng gamot mong matagal nang hinintay, inasam
ay ang malamig mong katawan na binalutan na ng kumot.

...ang kumot na tangi mong kasama’t
karamay
sa nabigo mong laban
na dugtungan ang buhay
na amin namang ipinagpalit
sa kalahating oras
na pagkain ng tanghalian.

* Based on a true account of a visit to PGH ward, Manila.


Dito ako humanga sa taong ito. Ito rin ang dahilan kung bakit nanghihinayang ako sa pagkawala ng blog niya. Dahil marami ngang bloggers sa maliit na mundo ng internet ngunit bibihira sa kanila ang may puso at pangil sa kanilang mga inilalathala.

Isa siyang malaking kawalan!

Maraming salamat lethalverses sa pag-aya mo sa akin sa blogosphere. Ako naman ang hahatak sa iyo. Alam kong panandalian lamang iyan at babalik ka rin katulad ni Jeck!

Friday, June 27, 2008

Krisis Sa Kalikasan


Bakit ko pipitasin
ang isang magandang bulaklak
Kung batid ko naman
na matitinik ako?

Bakit ko sasalubungin
ang paparating na hangin
Kung matatangay lamang ako
sa lakas nito?

Bakit ko susungkitin
ang isang mataas na prutas
Kung baka sa huli
ay malalason rin lamang ako?

Bakit ako magpapaanod
sa aruga ng malinis na batis
Kung hindi ko kaya
sukatin ang lalim nito?

Isa lang ang sagot...













Dahil ikaw.

Friday, June 13, 2008

Keso


Ang daming miles man tayong apart.
Alam mo namang laman ka ng heart
Ang iyong tawa, boses, at mabighaning smile.
Pinaiikli nila ang bawat mile.

'Pag tulog ko sa pagdating ng night
Sa panaginip ko ikaw ang sight
Wish ko lang kahit one night
Andito ka and I’ll hug you tight.

Feeling ko ako ay bruised and battered
Dahil sa distance - shet, I’m shattered
Seems like the layo is lupa to sky
Ngunit walang give up, walang goodbye.



Ayon sa Gabby's Dictionary:
CHEESE (chiz) n.- keso; bagay na mala-keso; importanteng tao (pauyam ang dating)

Wednesday, June 11, 2008

Binigyan Ako Ng Kalahating Basong Tubig


Dalawang segundo na lang ang natitira sa laro. Lamang ang kalaban ng dalawang puntos at ang ball possession ay sa koponan namin. Planado na ni coach ang lahat at sa larong ito, ako ang may pagkakataon na maging hero.

Inaasahan na ng kalaban na ako ang titira sa play na ito dahil limang three point shots na ang naipapasok ko sa laro. Alam rin ng kalaban na hindi na namin itatabla ang iskor dahil lima na lang kaming lalaro kapag nauwi sa overtime. Fouled out na ang tatlo, injured ang dalawa at ang mga natira ay sinundo na ng kani-kanilang mga nanay.

Nasa tamang puwesto na kaming magkakampi. Binigay na ng ref ang bola sa kakampi ko para sa inbound at inumpisahan na ang pagbibilang. Matindi pa sa Elmer’s Glue ang lagkit ng depensa ng guwardiya ko sa akin. Mula sa baseline ay dalawang mabilis na hakbang patungo sa kanan ang ginawa ko at sumunod ang mokong. Bigla naman ako bawi at tumakbo papunta sa kaliwa. Sakto ang screen ni kakamping power forward at nakawala ako sa depensa pero may nakaabang agad na isa pang asungot. Mabuti na lang at na-anticipate ni coach ang mangyayari. Isa pang screen ang dinaanan ko at ako’y libreng libre na sa three point area. Mabilis at tama lang ang pasa sa akin.

Handa na akong i-shoot ang bola. Handang-handa ako. Ilang beses ko nang sinanay ang sarili ko sa ganitong sitwasyon. Alam ng mga kasamahan ko na hindi ako natatakot tumira sa ganitong okasyon at alam rin nilang kaya kong ipanalo ang laban.

MILLER TIME!

“Shooter! Iyong shooter!” sigaw ng kabilang coach.

Huli na ang paalala niya. Naitira ko na ang bola. Ramdam ko sa bitaw at sa follow through na tama ang tira ko. Nakaangat pa ang shooting hand ko at napasigaw agad ako.

“Panis kayo!”

Tulala ang mga kalaban.

Tulala rin ang mga kasamahan ko.

Hindi nila akalaing anlakas ng loob kong sumigaw ng ganoon. Ni hindi man lang kasi tumama sa ring ang bola. Kapos!

Naglakad ako pauwi na hindi matanggap ang nangyari. Aykentbilibid. Nakayuko ako at sinipa ang mga basurang sumalubong sa dinaraanan ko. Lata, plastik, resibo, papel, balat ng saging, buto ng manok, candy wrapper, patay na daga at pulitiko. Basta basura, sinipa ko. Hindi nagtagal ay napansin ko na papalapit ako sa kanto ng Estrada at Leon Guinto. Bigla akong tumigil sa kinatatayuan ako. Shet! Olispagetingsiyet! Hindi ko nakuhang dumaan dito. Naholdap na kasi ako sa lugar na ito. Isang mamang kamukha at kasing-katawan ni Max Alvarado ang tumutok ng ice pick sa leeg ko. Wala akong magawa kundi ibigay ang puri este pera ko at ang Nokia 3210 na nagkakahalaga pa ng walong libo noong panahon na iyon.





Nag-iba ako ng ruta kahit na madadagdan ng sampung minuto ang paglalakad ko pauwi. Napadaan ako sa isang convenience store at bumili ng C2 at tsokolate. Ang C2 ay para mapawi ang uhaw sa paglalakad. Ang tsokolate ay kakainin ko kasabay ng paglapa sa natira kong ulam kanina. Pechay Guisado! Napakagandang kombinasyon. Pechay at tsokolate. Hindi ko alam kung ano ang trip ni mama noong pinagbubuntis nya ako kasi pinaglihi raw niya ako sa dalawang pagkain na ito. Ako naman, dahil doon ako pinaglihi, sinubukan ko kung anong meron sa dynamic duo na ‘to. Naadik ako sa sarap.

At iyon nga, one thousand kitty steps na lang at makakauwi na ang talunang mandirigma (ako iyon!). Gutom at excited na ako. Ngunit hindi yata kampi sa akin ang suwerte nang gabing iyon. May isang kumakaripas na kotse na patungo sa kinalalakaran ko. Siyempre kahit na pagod na ako ay alerto pa rin ang utak ko! Tumabi ako sa daanan upang makaiwas sa disgrasya pero hindi ko nailagan ang tumalsik na putik na galing sa lubak na dinaanan ng sasakyan. Daig ko pa si Leonardo Manecio, Sr. Alam kong nakita ng driver ang nangyari pero hindi niya inatras ang sasakyan upang humingi ng paumanhin. Dire-diretso lang ang loko. Titirahin ko na sana ng Rei Gun kaso maraming madadamay na mga inosenteng tao.

Wala rin namang mangyayari sa akin kung papaapekto ako sa mga hindi kanais-nais na kaganapan. May mga araw lang talaga na malas ka at akala mo pinaglalaruan ka ng pagkakataon pero keribels lang. Ganyan talaga ang buhay. Umuwi na lang ako, naligo at ngumiti dahil papapakin ko na ang aking hapunan.

Friday, June 6, 2008

Guitar Hero


Katatapos lang ng basketball game namin at medyo pagod ako sa bakbakan. Bihira lang kasi ako ibabad ni coach at hindi ko kinaya ang sampung minutong playing time. Tiningnan ko kinakalawang kong cellular phone. Si Crush, nagtext, may sakit at maaga raw matutulog. Siyempre kinamusta ko pero hindi ko na kinulit para makapagpahinga naman siya.

Dahil hindi pa ko inaantok, kinuha ko ang gitara at sinubukang kumpletuhin ang pagbago ng lyrics ng isang sikat na kanta ng Vst & Co na naumpisahan namin ng barkada ko. Eto ang kinalabasan:

Walang iba pang sasarap
Sa pagkain ng saging
Sana ay di na magwakas
Itong movie ni Lapid

Saging natin
Ay wag na wag mong kalimutan
Pangako ko naman
Na lagi kong titikman
Magpakailanman

Ang isang piling
Ay pang maramihan
Hindi pang dalawahan
Kaya’t sa ating saging,
Tayo ay magbigayan

Ah-ha-ha, ang saging na ‘to
Ay isusubo ko, oh-ho-ho
Ah-ha-ha, isubo mo
Ang banana q’ng ‘to
ah-ha-ha-ha-haaa

Hindi tungkol sa kabaklaan ang lyrics na yan. Mahilig lang talaga ako sa saging dahil parehas sila ng tinapay.

Seriously aside, sa pag-iisa ko ay napagisip-isip ko na malaki pala ang impluwensiya ng gitara sa buhay ko.

Noong una, gusto ko lang talaga matuto dahil naiinggit ako sa mga kaklase ko na marunong tumugtog ng gitara. Hindi naman ako magaling kumanta kaya nandoon lang ako sa isang sulok, nakaharap sa pader at inuuntog ang ulo. Biro lang, siyempre.

Naalala ko pa noong una akong bumili ng gitara. Nasa kolehiyo ako noon. Pumunta ako sa Sta. Mesa dahil doon makikita ang mga de-kalidad na mga gitara sa Maynila. Dala-dala ko ang aking life savings na nagkakahalaga ng isang libo at limandaang piso. Pinigilan nga ako ng bespren ko dahil baka nahihibang na raw ako pero hindi nagbago ang isip ko. Sapat na iyon para makabili ako ng magandang gitara. At iyon nga, nabili ko ang pinakauna kong gitara na pinangalanan kong Luntian dahil sa kulay niya. Arf!

Noong umpisa hindi talaga kami mag-jive ni Luntian. Hirap ako sa kanya. Puro problema ang dinudulot nya sa utak at daliri ko. Matapos ang ilang libong pagpipilit na masanay sa kanya ay sumuko ako. Ayoko na. Binenta ko siya.

Panandaliang kinalimutan ko ang gitara pero sadyang nakakatuwa ang tadhana. Sinubukan ko muli maggitara (hindi ko maalala kung bakit). Bumili ako ng bago subalit tulad ng una, hindi ko siya masyado pinapansin.

Minsan nagkaproblema ako at wala akong makasama. Sandalan ko? Ang gitara. Alam ko nagtatampo iyan, pero tanggap pa rin ako. Kasama ko siya at hinahayaan niyang ibuhos ko sa pagtugtog at pagkanta ang saloobin ko. Hindi rin siya nawawala kapag umiibig ako. Tinutulungan niya akong dumiskarte at ipahayag ang nararamdaman sa aking irog. Hindi na mabilang ang mga okasyon na kabahagi ko siya.

Bilang ganti ay pinakita ko sa kanya na kaya kong suklian ang mga nagawa niya sa akin. Masunurin. Simple lang naman e, sumunod ka sa chords at hindi magiging sintunado ang kanta mo. Hindi nagtagal at natuto rin ako sa tamang pagkapa sa mga awitin ng buhay. Disiplina at determinasyon. Pinag-aralan ko ang mga dapat matutunan kahit na magulo at hindi ko maintindihan. Hindi nagtagal, unti-unti kong naunawaan at hanggang ngayon ay nagagamit sa ibang larangan ang mga leksiyon niya sa akin. Dahil sa kanya ay isa na akong ganap na musikero na puno ng disiplina at respeto sa sarili't kapwa.

Baduy ba? Ewan ko, pero bigla ko lang naalala ang mga magulang ko sa huling dalawang talata.

Monday, May 26, 2008

Huwag Mong Buhayin Ang Bangkay!

You wouldn't steal a Car.

You wouldn't steal a Handbag.

You wouldn't steal a Mobile Phone.

You wouldn't steal a Movie.

Movie Piracy is Stealing.

Stealing is Against the Law.

Piracy. It's A Crime.

May punto nga naman ang gumawa ng campaign na ito. Hindi ako magtatangka na magnakaw ng wallet o Nokia 3210 dahil nga masyadong mapanganib. Wala akong balak subukan kung sino sa amin ni Yagami Light ang mas matalino pagdating sa diskarte o kung sino sa amin ni Pong Pagong ang mas mabilis pagdating naman sa takbuhan.

Hindi present ang awareness na ito sa karamihan dahil hanggang ngayon ay laganap pa rin ang pagtangkilik ng mga tao sa mga piniratang dibidi. Bakit nga ba nagiging hipokrito ang mga tao pagdating sa ganitong uri pamimirata? Simple lang. Paano kung may magsabi sa iyo, “Pare, gusto mo i-burn kita ng kotse? Bente pesos lang, original quality pa.”, hindi ka ba bibili?

Dahil sa walang kuwentang pangangatuwiran na yan ay naging suki ako ng mga tindera ng debede sa Quiapo. Mahilig ako sa mga palabas na katatakutan lalo na iyong may kinalaman sa mga zombie o patay na nabubuhay.

Minsan umuwi ako ng bahay na may pasalubong na pirated dvds para sa aking sarili. Una kong pinanood ay porn este comedy. Pangalawa, documentary. At para sa finale ay ang aking paborito, horror! Pinatay ko ang ilaw ng kuwarto para maramdaman ko talaga ang takot na idudulot ng palabas. Sampung minuto makalipas ang ikatlo ng madaling araw o mas kilala bilang oras ng witching hour. Kasasalang ko lang ng disc nang biglang tumunog ang landline ko. Susmariano! Ilang beses ko nang napanood ang ganitong situwasyon. Sasagutin ng bida ang telepono at biglang tatakutin siya ng tao sa kabilang linya o kaya nama’y nasa paligid lang niya ang killer at anumang oras ay susunggab na siya.

Ring!!!

…..

Ring!!!

ako: Hello?

unknown caller (uc): Chie…

ako: Sino 'to?

uc: ‘Di mo na ko kilala?

ako: Magtatanong ba ako kung kilala kita? Wala naman akong caller id.

uc: Hayop na ugali yan…

ako: Haha! Kung kilala mo nga ako, alam mong nagbibiro lang ako.

uc: Si _____ ‘to.

ako: Haha! Nice try. Sino ka nga talaga?

suspected pretender (sp): Ako nga talaga ‘to. ‘Di mo ko nabobosesan? May sipon ako.

ako: Nope. Patunayan mo nga. Ano ang nangyari noong unang date natin?

sp: Naman e!

ako: Bakit ‘di mo masagot?

sp: Fine! Sinundo mo ko sa school. Kumain tayo sa Savory tapos nagbilyar sa second floor. Nagbibiruan tayo noong pauwi na. Tumawa ako sa ‘pating’ joke mo kaya tinulak kita. Napalakas pala at dahil doon ay nakatapak ka ng tae ng aso. “Putangina, jackpot!” Iyon pa ang sinigaw mo.

ako: Ikaw nga iyan. Sensiya na, ‘Di talaga kita nabosesan. Hehe…

x: Ayos lang. Tagal na rin 'no? Halos kalahating dekada na.

ako: Oo nga, teka ano yang music na naririnig ko?

x: Wait lang, lakasan ko…

Nandyan pa ba,
Mga ala-ala?
Ang tanging bagay na naiwan
sa 'ting dalawa.

ako: Ayos! Mojofly! Haha… Teka, ba’t ka nga pala napatawag?

x: ‘Ala, nangangamusta lang… Sikat ka na ah! Nakikita kita sa Greenpinoy!

ako: Hindi ako iyon.

x: Mabaog ka man?

ako: Fine, ako iyon pero hindi ako sikat. Pucha, e di sana artista na ko sa dos. Ay mali, sa kabila pala.

x: Galit ka pa din sa ABS? Alam naman nating nauna ang out-of-bed look mo kesa kay Dao Ming Shit. Iyon nga lang, iyong mga taong hindi ka kilala, iba talaga ang iisipin at tatawagin ka talagang Dao. Dao Ming CHIE!!!!!!!! Ahahaha!!!

ako: Maraming salamat sa pagpapaalala. Hinayupak na F4 yan hehe. Tuloy nagpakalbo ako nang wala sa oras. Pero masaya naman ang semi-kalbo, tipid sa shampoo. So salamat na rin sa kanila hehe…

I'm saying i love you again
Are you listening?
Open your eyes once again
Look at me crying

ako: Hayop sa soundtrip. Kelan ka pa nahilig sa pinoy music?

x: Naka-random lang ‘yung setting ng player ko.

ako: Labo, hindi ka mahilig sa OPM. Pinapalitan mo pa nga ang radio station kapag local ang kanta. Lagi nga tayo nag-aaway diyan.

x: Wala lang…

ako: …

x: Balita sa iyo? Sa lovelife? Kina Hafitz?

ako: Ayon, kamukha pa rin niya si Super Mario. Ako naman callboy na ngayon. Every night marami bookings.

x: Ulol! Iyong seryoso?

ako: Ano ba talaga sadya mo?

x: I just want to apologize sa nangyari before. Inaamin ko bata pa ako at tanga ako noon.

ako: ‘Tagal na kitang pinatawad.

x: …

ako: …

x: ‘Di mo sinagot ang isang tanong ko.

ako: Alin?

x: Lovelife.

ako: Single.

x: Bakit naman? La ka bang nililigawan or crush man lang?

ako: Kailangan mo pa bang malaman?

x: Fine. Puwede ba tayong magkita?

ako: Para saan?

Sa dinadami-dami ng nakilala
Sa’yo lang ako nagkaganito
Walang kapantay, walang kaparehas
Walang kasing-lakas ang tama mo

ako: Nakakagulat naman yang music mo. Biglang hina, biglang lakas. Patayin mo na lang.

x: Ah ok, sige. Kita tayo. Kuwentuhan. Treat ko.

ako: No, thanks! Dito na lang tayo usap sa phone.

x: Actually Chie, kaya ako…

You know me well,
You know it's wrong
Then what is it you feel?
You hide behind those perfect smiles
It won't fool me, cause you already did

x: Ay fucha! Kaw naman ngayon nagpapatugtog!

ako: Hehe… Ano sabi mo? ‘Di mo yata natapos.

x: Sabi ko kaya ako tumawag kasi… kasi… k-k-kase..

ako: Kasi?

x: I want you back.

ako: …

x: …

ako: Bullshit.

x: Seryoso ako.

ako: Huwag kang magsinungaling. Ano ba talaga ang reason?

x: Iyon talaga. Namimiss kita. Namimiss ko tayo.

ako: Kasinungalingan na naman. One more and I’ll end this conversation.

x: Fine! Niloko ako ni boyps at gusto ko gumanti. Tingin ko ikaw ang perfect accomplice dahil sa selos na selos siya sa iyo.

ako: Tangina, ayos ka rin ano? Matapos mo kaming pagsabayin at piliin siya over sa akin ay nakuha mo pang planuhin ang ganito? Puta ka! Hindi ka pa rin nagbabago. Lalo ka lang naging selfish!

x: So it’s a no?

Ang nakausap ko ay mas malala pa sa isang zombie dahil ang puntirya niya talaga ay puso. Binagsak ko ang telepono at hindi ko alam kung dapat ko pang ipagpatuloy ang nabitin na panonood. Sapat na siguro ang isang horror experience sa isang gabi.

Thursday, May 22, 2008

Test Paper

Narito na po ang sampung katanungan na maaaring magpanalo sa iyo ng libreng chibog. Basahin lang ang Tagged! post (nasa baba) para sa mga tuntunin.

1. Sino ang blogger ang ayon sa kanya ay kamukha raw niya ang tatay ng isang napakagandang Kapamilya actress?

2. Ano ang pangalan ng kalye kung saan ako naholdap?

3. Ano ang title ng pinakauna kong post sa blog na ito?

4. Saan ako pinaglihi?

5. Ano ang pangalan ng town kung saan ako lumaki?

6. Ano ang kulay ng una kong gitara?

7. Aling link(s) ang magdadala sa iyo sa isang error message?

8. Bakit galit ako sa ABS-CBN noong nag-aaral pa ako?

9. Ayon sa post, ano ang title ng kanta na siyang alert sound para sa mensahe ng aking cp?

10. Sino ang kaibigan ko na kahawig ni Super Mario?

Kung hindi niyo masagutan lahat, antabay lang kayo sa mga susunod na posts. Hehe...

Wednesday, May 21, 2008

Tagged!

La naman ako maisip na mga bagay na puwedeng ibahagi sa inyo sa ngayon. Kung kaya't naisipan ko na lang na gumawa ng paligsahan para mas makilala niyo ako.

Simple lang ang patimpalak na ito. Magbibigay ako ng sampung katanungan tungkol sa akin at sa blog ko. Sinisigurado ko sa inyo na ang mga sagot ay matatagpuan sa site na ito. Maaaring sa previous, current or future posts, sa comments, sa profile, o sa rectum ng blog ko makikita ang mga tamang kasagutan.

Sa ngayon wala pa sa bente ang posts ko kaya hindi naman siguro kayo mahihirapan maliban na lang kung super tamad ka.

Ang unang makakuha ng sampung tamang sagot at i-email sa chroneicon@gmail.com ay ang siyang mananalo. Sa mananalo, pasalamatan niyo si Steph dahil sa tag niya sa akin.

Siyempre kailangang may premyo. Sagot ko ang meal ng mananalo sa place of his choice pero up to Php 1,000 lang. Kahit ilan isama niya ay walang problema basta't hanggang dun lang ang mailalabas kong pera. Kuripot este mahirap lang ako. Kayo na ang bahala sa sobra. Kahit isama pa niya ang mga babaeng niloko at pinaasa ni ____________ ay okay lang. Kailangang lang nating ipasara iyong place dahil sa dami ng pupunta. ODKP!

Qualify ko lang na dapat ang preferred venue niya ay located or malapit sa isa sa mga lugar na ito:

1. Makati
2. Manila
3. QC
4. Ortigas
5. Pasay
6. Las PiƱas.
7. malapit sa Lrt1 o Mrt stations

Wala po akong sapat na salapi para pumunta sa ibang isla o sa malayong lugar. (Puwede niyo namang sagutin ang pamasahe ko papunta-pabalik at accomodation or hintayin mo na lang na magkasalubong ang landas natin. Ahihihi...)

Sa ngayon hindi pa kumpleto ang mga tanong ko. Abangan niyo na lang sa susunod na posts. Hehe...